Panata ng isang matatag na haligi ng tahanan ang pinanghawakan ni Tatay Idelfonso Viñas, 68, nang manalasa ang Bagyong Yolanda sa Tacloban, Leyte taong 2013. Sariling buhay ang isinangkalan ni Tatay Idelfonso nang inanod siya ng malalakas na hampas ng tubig at hangin habang sinasalba ang kanilang tahanan sa Cancabato Bay mula sa pinsala ng bagyo. Â
Makalipas ang ilang taon, may mas malaki pa palang pagsubok na kakaharapin sina Tatay ldelfonso.Â
Sa higit tatlong dekadang pangingisda ni Tatay Idelfonso sa Cancabato Bay, kabisado na niya ang galaw ng dagat at oras na dapat siyang pumalaot. Ngunit sa loob ng higit isang taon, malaki na ang pinagbago ng dagat at komunidad mula nang sinimulan ang konstruksyon ng Tacloban City Causeway noong Enero 2023. Isang P4 bilyon na proyektong reklamasyon ang causeway na pinangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Eastern Visayas, sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Tacloban.