May matibay na kamalayang panlipunan, maagang namulat sa paninilbihan sa masa si Rodrigo “Ka Erwin” Esparago bilang lider-estudyante sa University of the East - Caloocan. Sa paglabas sa pamantasan, agad na nakipagsapalaran si Ka Erwin kasama ang mga batayang sektor. Sa tawag ng pakikibaka, inilaan ni Ka Erwin ang kanyang buhay sa adhikaing buwagin ang sistemang mapang-api sa mamamayan, lalo sa mga manggagawa.
Noong 2017, sa tulong ni Ka Erwin, ay opisyal na naitatag ang Sandigang Manggagawa ng Quezon City (SMQC). Binubuo ng mahigit 17 kasaping organisasyon at unyon, layunin ng SMQC na iangat ang hinaing ng mga manggagawa ng pampubliko’t pribadong sektor sa Lungsod ng Quezon.
Pangunahing katuwang si Ka Erwin sa pagbuo ng Collective Bargaining Agreement upang palakasin ang University Hotel Workers Union. Dagdag pa rito, isa siya sa mga nagsulong sa paglikha ng Collective Negotiation Agreement sa All UP Workers Union. Umagapay rin siya sa pagtataguyod ng samu't saring samahan sa iba pang pook ng siyudad. Ang mga napagtagumpayang kampanya ni Ka Erwin sa usapin ng karapatan ng mga manggagawa ay pruweba lamang sa kanyang paninindigan para sa bayan.
Sa unang taon ng kasagsagan ng pandemya, pinangasiwaan ni Ka Erwin ang paghahatid ng tulong at pagkain sa mga manggagawang nawalan ng trabaho’t istranded sa siyudad. Saksi sa pagkalugmok ng dati nang abang sitwasyon ng mga manggagawa sa lungsod, kaisa si Ka Erwin sa panawagang panagutin ang pamahalaan sa sarili nitong kakulangan. Ngunit imbis na solusyunan ang krisis ng COVID-19, tumugon ang estado sa pag-atake sa mga aktibong kilusan ng mga manggagawa.
Noong madaling araw ng ika-10 ng Disyembre 2020, ang mapayapa sanang selebrasyon ng Araw ng Karapatang Pantao ay binulabog ng biglaang pagsalakay ng Philippine National Police (PNP) sa mga tahanang pinaghinalaang taguan ng mga terorista. Bitbit ang inilabas na search warrant ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert, si Ka Erwin, kasama ng isang mamamahayag at anim na organisador ng unyon, ay dinakip ng PNP batay sa ebidensyang itinanim ng raiding team.
Gamit ang social media, ipinakalat ng iba’t ibang grupo ang balita ng pandarahas ng rehimeng Duterte sa karapatang-pantao nina Ka Erwin. Sa Facebook page na Free Rodrigo Esparago Network, naglabas din ng pahayag si Land Erwin Esparago, ang panganay na anak ni Ka Erwin, at iginiit niyang sa pagkamuhi pa lamang ng kanyang ama sa baril—tunay man ito o laruan—ay imposible nang patotohanan ang bigat ng mga ibinibintang dito. Karugtong nito, isinaboses niya ang kanyang takot sa hinaharap ng bansa dulot ng pagkilala ng gobyerno sa kritisismo bilang akto ng terorismo.
Base sa mga ulat, bukod sa mga nilabag na batas ng mga awtoridad sa pagtangay kina Ka Erwin, ang kawalang-katuturan at kontradiksyon ng mga testimonya laban sa mga nasasakdal ang pangunahing dahilan sa pagbasura ng hukuman sa kasong isinampa. Gayunpaman, sa kabila ng pagpapawalang-bisa ni Judge Monique Quisumbing-Ignacio sa kaso ay natagalan pa bago tuluyang makalabas ang mga bilanggong pulitikal. Sa muling pag-apela sa hukuman, pwersahang hinarang ni Prosecutor Queruben Garcia ang hustisya—bagaman malinaw itong paglabag sa konstitusyonal na tuntuning nagbabawal sa double jeopardy.
Matapos ang halos 3 buwan na pagkapiit sa presinto, noong ika-5 ng Marso ay opisyal nang nakalaya si Ka Erwin. Bagaman tunay na tagumpay ito kontra sa abuso ng estado, ang pagkakataong magdiwang ay pansamantala munang isinantabi ni Ka Erwin upang maghayag ukol sa kabuktutang umiiral sa bansa. Buong tapang, tumitindig pa rin siya para sa katarungan sa bayan—panagutin ang mga mandarambong sa lipunan. ●