Nakababahala ang kakulangan ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng mga hakbangin tungo sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan ng mga estudyanteng nakararanas ng pang-aabuso sa paaralan, ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Ayon sa naging hearing ng House of Representatives Committee on Basic Education nitong ika-13 ng Nobyembre, inamin ng kagawaran na umaabot sa 10,018 mula sa 47,831 na pampublikong paaralan, elementarya at sekondarya, ang walang malinaw na patakaran ukol sa pagsugpo ng mga kaso ng bullying.
Iginiit din ng EDCOM 2 na nakakabahala at mapanganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante ang patuloy na pagtaas ng naturang mga insidente ng pang-aabuso sa mga bata.
Pumapalo sa halos 8,000 ang kaso ng bullying sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa taong 2022 hanggang 2023, batay sa tala ng Learner Rights and Protection Office ng DepEd. Hindi pa kabilang dito ang mga kaso sa mga pribadong paaralan at mga hindi na naidulog sa pamunuan ng DepEd.
“Aside from depriving our students of a safe school environment, there really are tangible effects of bullying among our students. As we can see with the TIMSS (Trends in International Mathematics and Science Study) 2019 data, student performance in the classroom is severely affected,” ani EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee sa nasabing pagdinig.
Sa kasalukuyan, marami pa ring mga paaralan ang hindi sumusunod sa Republic Act 10627, o ang Anti-Bullying Act of 2013, at sa DepEd Memorandum 74 ng 2021, na naglalayon sanang maprotektahan ang mga estudyante mula sa iba-ibang uri ng abuso sa paaralan.
Kasama sa mga uri ng bullying na nakasaad dito ang pisikal, emosyonal at mental na pang-aabuso, at ang cyberbullying. Dagdag pa rito, dapat patawan ng parusa ng DepEd ang pamunuan ng mga paaralang hindi susunod sa hinihinging compliance, batay sa Section 6 ng batas.
Sinasabi rin ng EDCOM 2 na kahit pa marami nang napirmahang mga batas at patakaran ang pamahalaan upang solusyunan ang lumalalang kaso ng bullying ay hindi pa rin ito naipatutupad nang maayos.
Dumagdag pa sa suliranin ang kakulangan ng mga mental health practitioner at guidance counselor sa mga pampublikong paaralan na nararapat sanang tutulong at gagabay sa mga biktima upang dahan-dahang makaagapay mula sa nangyaring bullying.
Napag-alamang isa lang ang counselor sa kada 14,000 estudyante sa bansa, pampubliko at pribado, elementarya at sekondarya, batay sa pag-aaral ng International Multidisciplinary Journal of Research for Innovation, Sustainability, and Excellence nitong 2024. Taliwas ang kalagayang ito sa DepEd Child Protection Policy, kung saan nararapat na may nakatatag na Child Protection Committee ang bawat pampublikong paaralan sa bansa, kabilang ang isang guidance counselor.
Kinakailangan pa ng 14 na taon upang mapunan ang umaabot sa 4,460 na vacancies ng guidance counselor positions sa mga pampublikong paaralan, batay sa pahayag ng DepEd noong nakaraang Agosto.
Bilang panandaliang takip-butas sa suliranin, balak ng Unilab Foundation na makipagtulungan sa DepEd upang dumaan sa mental health training ang staff ng mga pampublikong paaralan.
“Let’s not disappoint – because madami na talagang good plans, but hindi talaga nai-implement, and we end up disappointing our teachers, our students and the DepEd family itself,” ani EDCOM 2 Co-Chairperson Rep. Roman Romulo. ●