(UPDATED as of 7:15 p.m.) Iligal na pinasok at tinamnan ng pekeng ebidensya ng mga pulis ang tahanan ni Justine Mesias, mag-aaral ng Bicol University at tagapagsalita ng Youth Act Now Against Tyranny (YANAT) Bicol, sa Daraga, Albay kaninang madaling araw, Mayo 2.
Pwersahang pinasok ng hindi bababa sa 20 na pulis ng Criminal Investigation and Detection Group ang tahanan ni Mesias, at tinutukan ng baril ang kanyang pamilya, ayon sa ulat ng YANAT-Bicol. Umabot ng dalawang oras ang pahahalughog ng mga awtoridad sa lugar na nagresulta umano sa pagkakadiskubre ng granada at .45 kalibreng pistol. Gayunman, hindi naaresto si Mesias dahil wala siya sa bahay sa panahong iyon.
Sa pahayag sa YANAT-Bicol noong Mayo 7, itinanggi ni Mesias na mayroon siyang pagmamay-aring baril at pampasabog sa kanilang bahay. Aniya, dalawang taon na mula nang lisanin niya ang tahanan ng kanyang pamilya.
“Gulat man ay alam ng buong pamilya ko na hindi sa akin ang pampasabog at baril na ipinakita sa kanila ng mga ahente ng estado. Alam nilang kailanman ay hindi pa ako nakakahawak o nakakagamit, at mas lalong wala akong pagmamay-aring kahit anong tipo ng armas at ang mga nakita sa bahay ay pawang mga itinanim na ebidensya para idiin ako,” ani Mesias.
Bago pa ang reyd, matagal nang biktima si Mesias ng red-tagging at pananakot ng estado. Taong 2019, pinaratangan siya kasama ng dalawa pang aktibista sa Bicol sa Facebook page ng Masbate Police Station bilang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army. Idinulog nila ito sa Commission of Human Rights (CHR) Region 5 ngunit nagpapatuloy pa rin ang atake laban sa kanila.
Nangyari ang iligal na raid sa kinaroroonan ni Mesias matapos ang panghuhuli sa mga aktibista sa Bicol na sina Sasah Sta. Rosa ng Jovenes Anakbayan, at Pastor Dan Balucio ng BAYAN Bicol.
Wala pang anumang detalyeng inilalabas ang YANAT-Bicol at ang kanilang mga abogado hinggil sa search warrant sa bahay ni Mesias at sa kawastuhan ng implementasyon nito, gayong sinira ang pintuan ng bahay at tinutukan ng baril ang mga tao sa loob.
Humihingi naman ng suporta si Mesias mula sa CHR Region 5, lokal na gobyerno ng Daraga, at Bicol University upang manindigan laban sa sa mga paratang ng mga pulis sa kanila. “Huwag niyong hayaan na marami pa ang sumunod na biktima ng mas malala pang pang-aatake bago kayo gumawa ng karampatang aksyon. Gamitin niyo ang kapangyarihan at posisyon ninyo ngayon para manindigan sa tama kasama ang mamamayang Pilipino.”
Patuloy namang kinukundena ng YANAT-Bicol ang tangkang panghuhuli kay Mesias, at sa pang-aaresto sa mga lider-aktibista sa rehiyon.
“The youth alliance condemns in the strongest possible way all the attacks of this fascist regime to the Filipino people. We also demand for the immediate release of Sasah Sta. Rosa and Pastor Dan Balucio from the hands of fascist state agents.” ●