Hindi na umabot sa ospital si John Heredia, isang administrador sa Pilar, Capiz at dating tagapangulo ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) sa parehong probinsya, matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Lawa-an, Roxas City bandang 2:00 ng hapon, Mayo 2.
Papasakay ng kotse si Heredia nang paputukan siya ng mga di kilalang lalaki. Bagaman sinubukan pa siyang dalhin sa Capiz Doctor’s Hospital, idineklarang dead-on-arrival si Heredia, batay sa inilabas na pahayag ng kanyang asawa at abogadong si Crizelda Azarcon-Heredia sa NUJP.
Bago pa ang pamamaslang sa opisyal, matagal nang biktima ng red-tagging at tangkang pamamaslang sina Heredia at ang kanyang maybahay dahil sa kanilang adbokasiya laban sa large-scale mining sa probinsya.
Kinundena nila noong 2016 ang pagpapasa ng Sangguniang Lalawigan ng Provincial Ordinance 9 na nagsusupinde sa moratorium na nakapataw sa mga malalaking minahan sa Capiz. Madalas ding isulat ni Heredia sa Panay News, isang lokal na pahayagan, ang kanyang mga sentimyento hinggil sa pagmimina sanhi para pag-initan sila ng mga awtoridad at may-ari ng mga minahan.
Dahil sa kanilang pagkilos, nakaranas ng intimidasyon ang mag-asawa. Naging laman si Crizelda ng mga poster na nagbabansag sa kanyang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army. Noon ding 2019, tinambangan ng mga hindi kilalang salarin si Crizelda at kanyang anak, kasama ang isang kliyente sa Panit-an, Capiz. Ininda ni Crizelda ang ilang pinsala sa katawan matapos tamaan ang kanilang sasakyan ng siyam na bala. Kagagaling lamang niya noon sa isang hearing bilang abogado ng isang bilanggong pulitikal.
Itinanggi naman ni Teddy Casiño, minsang nakasama ni Heredia sa mga pagkilos sa probinsya, ang paratang na miyembro ang pinaslang na opisyal ng anumang rebeldeng grupo.
“I knew John. He was always supportive of progressive causes. I had the chance of meeting him several times whenever I would visit Capiz. He was an advocate, not a rebel. Someone who tried to work within the system to get things done for the benefit of ordinary folk.”
Hanggang sa kasalukuyan, hinihintay pa ni Crizelda ang magiging resulta sa imbestigasyon ng kapulisan sa pagkamatay ng kanyang asawa.
“Whoever killed him has innocent blood on their hands. If they think they have silenced dissent or killed what John stood for, they are so very wrong,” ani Casiño sa isang tweet. “John's martyrdom will inspire many more to take up the struggle for justice, genuine democracy and social change.” ●