Inaprubahan na sa isang pagpupulong ng Lupon ng mga Rehente ang inihaing panukala ng UP Office of International Linkages Diliman (OILD) na idagdag ang mga kursong Fil 3 at 4 bilang kailangang kurso (required bridging course) sa mga regular na banyagang estudyante sa UP.
Tinatalakay ng mga naturang kurso ang paglinang ng kasanayan ng mga estudyante sa pakikipag-usap gamit ang wikang Filipino.
Nauugat ang panukalang ito sa naging pangunahing suliranin ng mga propesor na nagtuturo ng Filipino, malikhaing pagsulat, panitikan ng Pilipinas, at PI 100 sa international students na hirap unawain at gamitin ang wikang Filipino.
Pito sa 12 regular na estudyanteng banyaga ang nakitaan ng mababang lebel ng katatasan sa Filipino o ang buong kawalan ng kaalaman ukol sa wika, batay sa sarbey na isinagawa ng Departamento ng Filipino at Panitikan sa Pilipinas (DFPP) sa unibersidad noong 2024.
Sa kabilang banda, naobserbahang may intermidyet na kaalaman lamang, o iyong nakakaintindi ng wika ngunit may kakulangan sa kakayahang gamitin ito sa pakikipagtalastasan at sa pagsusulat, ang limang natirang estudyante.
Kinakailangan kumuha ng dalawang kursong Filipino ang mga regular na estudyanteng internasyonal dahil kumukuha sila ng antas na associate o batsilyer sa unibersidad, hindi tulad ng ibang estudyanteng banyaga mula sa student exchange programs na magtatapos pa rin sa kanilang pinanggalingang bansa.
Magsisilbing pantulay na kurso ang Fil 3 at Fil 4 bago makakuha ng ibang mas mataas na kurso na gumagamit ng midyum na Filipino tulad ng Fil 40, KAS 1, at PI 100 and mga banyaga, batay sa kopya ng dokumentong nakuha ng Kulê.
Sa pamamagitan nito, makakakuha muna ang mga estudyante ng pangunahing kaalaman ukol sa wikang Filipino na magagamit nila sa pakikipagdiskurso, kahit sa iba pa nilang mga klase.
“Sa katotohanan, yong mga propesor mismo ay nagko-code-switch, at tinatawag din itong translanguage sa Filipino at Ingles. [Para kahit] iyong mga banyagang mag-aaral natin ay hindi marunong ng Filipino, mayroon pa rin silang mga hindi makukuha [o maiintindihan],” saad ni Ronel Laranjo, program development associate for student mobility sa UP OILD, sa Kulê.
Bukod pa rito, kahit na magsisilbing rekisito ang Fil 3 sa Fil 4, maaari silang kunin nang sabay sa iisang semestre, at hindi pasok sa kanilang general weighted average ang malilikom na grado ng mga estudyanteng banyaga sa mga ito.
Pagpapaigting ng wikang Filipino bilang kasangkapan sa pagpapaunlad ng pagsasama-sama ng iba-ibang kultura sa unibersidad ang isa pa sa mga binigyan-diing layunin ng naturang panukala.
“Sa pamamagitan ng wika, ito ang magiging tulay upang mas magkaroon sila ng mas malalimang interaksyon sa mga Pilipino na siyang madadala nila pagbalik nila sa kani-kanilang bansa,” dagdag pa ni Laranjo. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025.