Kinundena ng mga grupo ng mamamahayag ang pagpatay sa radio broadcaster na si Erwin Segovia, kilala rin bilang “Boy Pana” at host sa Radio WOW FM, noong Lunes sa Bislig, Surigao del Sur.
Katatapos lang ng trabaho at pauwi sa bahay si Segovia nang siya’y pagbabarilin ng dalawang di-kilalang indibidwal na naka-motorsiklo, ayon sa Presidential Task Force on Media Security. Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang mga salarin.
Kung mapapatunayan ng imbestigasyon, si Segovia ang magiging ikalimang mamamahayag na pinatay habang nasa line of duty sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ngunit sa kabuuan, walong mamamahayag, kung saan karamihan ay mga lokal na radio broadcaster, ang pinaslang na sa kasalukuyang administrasyon, sa tala ng Collegian.
Ngayong taon lang, pinatay rin ang mga mamamahayag na sina Juan Dayang, dating pangulo ng Publishers Association of the Philippines, at Ali Macalintal, dating radio broadcaster at human rights worker ng grupong Karapatan.
“Segovia’s murder follows a grim pattern that reflects the longstanding climate of impunity that clouds the practice of journalism in the Philippines,” saad ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa kanilang pahayag.
Nananatiling isa sa pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag ang Pilipinas. Ikasiyam ito sa 2024 Global Impunity Index, na binibilang ang mga kaso ng pamamaslang sa midya na walang resolusyon.
Kabilang na rito ang kaso ng pagpatay kay Juan Jumalon, na pinagbabaril ng mga di-kilalang tauhan habang nagsasagawa siya ng livestream sa loob mismo ng kanyang bahay. Wala pa ring nakakamit na hustisya matapos ipawalang-sala ng korte noong Abril ang tatlong suspek dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Bukod sa paggiit ng hustisya para kay Segovia habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng media security task force, nanawagan ang mga grupo na dapat tiyakin ng gobyerno ang kaligtasan ng mga alagad ng midya laban sa iba-ibang porma ng atake.
“We also call on Congress and the Marcos administration to prioritize long-overdue measures for the safety and welfare of journalists, and to ensure that media killings do not go unpunished,” ayon sa NUJP. ●