Ikinagalit ng mga progresibong grupo ang pag-urong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa petsa ng 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2026 sa halip na Disyembre 2025.
Nilagdaan na ng pangulo ang ipinasang bill ukol dito Miyerkules batay sa anunsyo ng Presidential Communications Office.
Pero sa pagka-antala ng eleksyon, tinatanggalan ng kalayaan ang mga mamamayan na maghalal ng kanilang mga lider sa tamang panahon, ayon sa mga progresibong grupo.
“Hindi katanggap-tanggap ang panibagong pagpapaliban ng BSKE dahil malaking disbentahe ang naantala na namang paghahanda ng COMELEC at mapapahaba rin ng termino ng mga nakaupong opisyal na malinaw na truncated dapat,” ani journalism professor Danilo Arao sa panayam ng Kulê.
Isasagawa dapat ang eleksyon sa Dis. 1 ngayong taon alinsunod sa 3-year term length, batay sa Seksiyon 2 ng Republic Act 9164 o ang Local Government Code of 1991.
Layon daw ng naturang pag-urong na pahabain ang registration period upang magbigay-daan sa tinatayang isang milyong rehistrante na maaari pang dumagdag sa bilang ng mga boboto sa BSKE. Layon din daw nitong gawing prayoridad ang kauna-unahang eleksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Pero dahil sa kawalan ng interes sa pulitika at pakikilahok sa mga programang pangkomunidad, maraming mga kabataan ang pinipili na lamang ipagpaliban ang pagboto sa mga SK elections, batay sa isang pag-aaral ng International Journal of Current Science Research and Review noong 2024.
“Mahalagang pagkakataon ang SK elections para lumubog ang kabataan sa kanilang komunidad. The youth deserve an acceptable reason for a postponement,” ani Kabataan Representative Renee Co.
Bukod pa rito, naniniwala ang mga progresibo na bukod sa naturang dahilan ay mayroong pansariling motibo ang administrasyon sa pag-urong ng petsa ng BSKE.
“Ang may pinakapakinabang na panibagong postponement ay ang ang paksyon ng mga Marcos mismo na pwedeng samantalahin itong term extension para gawing makinarya ang mga nakaupong opisyal sa barangay para sa halalang 2028,” batay sa pahayag ng Kabataan Partylist sa Facebook.
Buhat din ng naturang pag-urong, maaaring mabawasan o mawala ang tiwala ng mga mamamayan sa proseso ng pamahalaan pagdating sa pangunguna ng pambansang eleksyon sa pag-aantala ng BSKE, saad sa pahayag ng National Citizens’ Movement for Free Elections na tutol din dito.
Matatandaang sinubukan na rin ng administrasyon na iantala ang eleksyon noong 2022 ngunit idineklara lamang ng Korte Suprema ang hakbang na ito bilang unconstitutional.
“Oportunidad ang BSKE para magamit ng kabataan ang kanilang karapatang bumoto. Para sa kanila ang Sangguniang Kabataan at dapat na pangalagaan ito at huwag lang basta-bastang ipagamit sa mga nasa kapangyarihan,” ani Arao. ●