Published on:
Apr 14, 2025
Updated on:
2025-04-14 15:56:04
Patuloy na Pananakop
Law Firm na Kaugnay sa San Miguel, Nandarahas sa mga Katutubo ng Bugsuk, Palawan
Napalitan ng takot ang sana’y mahimbing na tulog ng mga residente at mga katutubong Molbog, Palaw’an, at Cagayanen ng Sitio Marihangin sa Brgy. Bugsuk, Balabac, Palawan matapos silang bulabugin ng pagpasok ng 80 pribadong guwardiya ng JMV Security Services noong Abril 4, 3 n.u.
Mapa ng Sitio Marihangin sa Brgy. Bugsuk, Balabac sa Palawan
Ayon sa dokumentong ipinakita sa mga residente, nakipagsundo para sa isang proyekto nito ang Alpha Law Partners sa JMV sa pagtatalaga ng mga guwardiya.
Iginiit pa ng mga guwardiya na nabili na umano ang sitio at mayroon daw silang “waiver of rights,” ngunit walang naipakita ang mga ito angkop na awtorisasyon sa nasabing waiver sa mga residente.
Nanindigan naman ang abogado ng mga residente ng sitio, na humiling sa Kulê na huwag siyang pangalanan, na posibleng armado umano ang 80 guwardiya dahil nakalagay sa kontrata nito na maaari silang magdala ng baril na pag-aari ng kumpanya.
Kinasahan din umano ng baril ng isang guwardiya ang isang residente ng sitio ngunit agad itong itinago matapos makakita ng pulis, ayon pa sa ulat ng Tinig ng Plaridel.
Kinabukasan, Abril 5, tinutukan pa umano ng baril at pinagbantaan ang dalawang kabataang Molbog nang harangin ng mga ito ang isang speedboat ng mga guwardiya.
Hindi biglaang pangyayari ang insidente noong Abril 4. Pebrero pa lamang, mayroon nang namamataan ang mga residente sa dulo ng isla na dalawa hanggang tatlong guwardiya ng JMV. Nang tanungin ng abogado ang layunin ng mga ito sa sitio, “Pasensiya na, trabaho lang” ang tugon nila.
Bahagi sa kasunduan ang abogado ng San Miguel Corp. na si Caesar Ortega sa proyekto ng Alpha Law Partners.
Si Ortega ang dating direktor ng National Commission on Indigenous People, na nagsampa ng kasong “grave coercion” sa ilang residente ng Sitio Marihangin matapos subukan ng mga itong harangin ang mga tauhan niya noong Hunyo 27, 2024 sa pamamahagi ng sertipikong nagpapawalang-bisa sa apela ng mga katutubo.
Nakikita ni Jilmani Naseron, residente ng sitio at katutubong Molbog, na kaya pinagkakainteresan ang Sitio Marihangin ng pribadong korporasyon ay dahil malapit ito sa isla ng Bugsuk, kung saan nagtatayo ng 5,568-ektaryang ecotourism development project ang Bricktree Properties, isang kumpanyang nakapasailalim sa San Miguel Corp.
Lumalala ang tensyon na nararamdaman ng mga residente ng Sitio Marihangin sa presensiya ng mga pribadong guwardiya na armado umano. (Bhebz Pelayo/Sambilog - Balik Bugsuk Movement)
Sapilitang pinasok din noong Hunyo 29, 2024 ang parehong sitio ng 16 umano’y armadong kalalakihan na tauhan ng Bricktree Properties. Sa kabuuan, 96 kalalakihan na ang pumasok sa sitio nang walang pahintulot mula sa mga residente.
Lumalabas sa isang imbestigasyon ng pulis na nakipagkontrata ang Bricktree Properties sa JMV upang ipadala ang 16 kalalakihan sa sitio.
Sa kasalukuyan, nagsasalitan sa pagbabantay ang mga residente ng Sitio Marihangin upang protektahan ang kanilang komunidad laban sa panghihimasok ng mga umano’y armadong kalalakihan.
Matinding takot ang dulot ng sapilitang pagpasok ng mga guwardiya sa sitio, ayon sa mga residente. Dagdag pa nila, napilitang huminto ang ilan sa pangingisda at pagsasaka at hindi rin makapag-aral ang mga bata nang maayos dahil sa gutom, puyat, at pagod na kanilang nararanasan upang maghapong bantayan ang komunidad.
May mga pulis namang nagpapatrolya sa sitio ngunit para lamang panatilihin ang kaayusan dito. “They can't really do much in terms of asking the private security to leave because they are mandated to sort of stay in the middle,” ayon pa sa abogado ng mga residente.
Nakipag-ugnayan na rin ang abogado sa isang kinatawan ng Commission on Human Rights, ngunit ayon sa komisyon, limitado lamang ang maitutulong nito sa legal na konsulta at sa paghahanap ng ebidensiya.
“Sana matulungan kami na manumbalik ang kapayapaan sa isla naming mahal. Igalang at tuparin ang batas ng mga katutubo … nang hindi mabalewala ang aming mga pangarap sa aming mga anak at sa susunod pang salinlahi,” ani Naseron. ●