Sa pagluwas mula Bicol patungong Maynila, pagiging working student, pakikisangkot noong batas militar hanggang kasalukuyan, magpahanggang ngayong panahon ng pandemya, ang mga kwentong buhay ni Ricky Lee ay proseso ng paglilimi sa kanyang paglalakbay. Sa kanyang pakikipagsapalaran sa pagsusulat, binabanggit ni Lee na malaki ang gampanin ng ating mga pagkukuwento upang baguhin ang ating mga buhay; at ang ating mga buhay upang hubugin ang ating mga pagkukuwento.
Tulad ng kanyang mga akdang pampanitikan at pampelikula, pinupukol ng Kulang na Silya: Essays on Life and Writing (2021) ang gampanin ng kwento sa kaligiran at pagkakakilanlan. Nakasentro ang teksto sa pakikipagbuno ng isang manunulat sa kanyang landas, at kung paanong sa serye ng mga hidwaang internal at eksternal, natutunan niyang angkinin ang sariling naratibo.
Nakasalansan sa kakaibang porma ang kalipunan ng walong sanaysay ni Lee. Ang malimit na pagkakabali ng mga talata sa pahina ang kapwa nagpapadaloy at pumuputol sa danas ng pagbabasa. Ang partikular na tuon ng awtor sa espasyo ang nagpapagaan sa teksto habang idiniriin sa mambabasa na tumigil—pansamantalang mag-isip. Binibigyang pagkakataon nito ang eksena na mas tumimo sa isip imbis na dumiretso agad sa mga sumusunod na tagpo at pangyayari.
Gayundin, nag-iiwan ng malaking impresyon ang pagbabagong-itsura ng mga letra. Kapaki-pakinabang sa pagtatawid ng damdamin ang mga naka-bold na pangungusap. Sa salaysay ng pagtitig ni Lee sa katawan ng kanyang namatay na pusa, halimbawa, ang tala ng kamatayan ay lumampas sa limitasyon ng mga salita dulot ng biswal na agapay. Ang kapal ng tinta sa mga titik ang siyang nagsiwalat ng bigat ng emosyon.
Marapat ding banggitin na ang gaan ng wika ni Lee ay esensyal na katangian ng kanyang mga akda. Taliwas sa paraan ng pananalita ng kanyang panahon, mababakas ang pagtanaw ni Lee na abutin ang kamalayan ng karaniwang mamamayan. Sa pamamagitan ng code-switching, naiaangkop ng manunulat sa kasalukuyang milyu ang kanyang mambabasa.
Binuksan ni Lee ang koleksyon sa pansariling danas ng pandemya. Dito, kanyang ipinasok ang likhang-karakter: ang Ulong Pugot ng lalaking pinatay ng mag-ina na, matapos ikandado sa loob ng aparador, ay nagsimulang maglatag ng sandamakmak na impormasyong hango sa mga librong katabi niya sa kabinet. Bilang ang pagkakakahon ng tao sa limitasyon ng iskrin ang pokus ng repleksyon, nagsisilbing babala ang Ulong Pugot sa kaunlaran ng teknolohiya sa panahon ng COVID-19. Ang dagsa ng balita sa ating bukas na koneksyon habang nakaupo tayo, pirmi lamang na nakatingin mula sa ating kinalalagyan, ay simula ng unti-unting pagkaputol ng ugnayan natin sa mundo.
Ang kawalan ng katawan ng Ulong Pugot ay tanda ng sumpa ng kawalan nito ng kakayahang kumilos sa kabila ng tinipong kaalaman. Ipinupunto ni Lee na bukod sa kwarantina at social distancing, ang pagturing sa mga kwento bilang datos lamang ang mas malaking balakid sa paglubog ng indibidwal sa kanyang komunidad. Ang ganitong disposisyon ng kawalang-pagkiling ang naghahatid ng posibilidad na maging impersonal ang ating mga interaksyon. Mula rito, nakukulong tayo sa kawalang-pakialam; hindi nag-uukol ng pansin o pakikiramay sa suliraning higit pa sa ating mga sarili.
Ipinapakita ng Ulong Pugot ang katakot-takot na hinaharap ng hindi pakikisangkot sa panlipunang kalagayan ng bansa. Bagaman tigib ito ng salita hinggil sa mga kondisyong sinusuong ng bayan, nananatili itong hiwalay sa anumang panig—walang tindig. Bilang lahat ay may kakayahang maging manunulat, na muling isulat ang kapalaran ng sarili at ng kapwa, ang hindi paglalaan ng talim ng panulat para sa kapakanan ng nakararami ang kikitil sa pagkatao ng pamayanan.
Sinususog din ng panulat ni Lee ang mga bagay bilang higit sa pagiging bagay na walang buhay o kabuluhan. Dagdag sa kanyang problema sa memorya, ipinagtapat ni Lee na may kahirapan siyang tukuyin ang mga pintuang hindi dapat pasukin. Isa sa mga komikong salaysay na binanggit niya tungkol dito ay ang kanyang aksidenteng pagsakay sa pribadong van ng mag-asawang Tsino.
Gayunpaman, bagaman mahusay na nangingiliti ang salaysay ng manunulat, mababakas ang pangunahing alinlangan ng awtor. Ang pananatili na pangamba sa abilidad na kilalanin ang “tama” sa “maling” pinto ay nakapagdulot ng matinding pagdududa sa sarili. Sa dami ng pintong nakabalandra sa harap ng awtor, tila naging hadlang ang bilang nito upang tiyak na makarating sa nais paroonan.
Dulot ng kahirapang kilalanin ang takdang pinto, itinuring ni Lee ang lahat ng mga pintuan bilang hamon sa sarili. Unti-unti, ang lakas ng loob na tuklasin ang anumang posibleng ihain ng daigdig ang nagdala sa kanya sa iba’t ibang espasyo. Ang hindi pagiging segurista ang humubog sa may-akda na maging bukas at kritikal sa anumang kakaharapin sa buhay at pagsusulat, nakasanayan man o labas sa kumbensiyon.
Pinagbabalik-tanawan ni Lee ang kanyang mga kahinaan bilang bahagi ng pangkalahatang kalakasan. Ang pagtanggap sa limitasyon ng sarili ang nagtulak kay Lee na unawain ang hindi perpektong mundo. Naging kaagapay niya ang ganitong saloobin upang tukuyin at tangkaing baguhin ang kabuktutang umiiral sa lipunan. Gayundin, ang pagbusisi sa mga pinag-ugatan ng mga kamalian ng kapwa, bagaman hindi binibigyang-katwiran ang masamang gawa, ay naging lagusan ng pag-intindi ni Lee sa pinanggagalingan ng indibidwal.
Isinara ni Lee ang buong koleksyon sa “Kulang na Silya,” ang kanyang Commencement Speech para sa Polytechnic University of the Philippines Graduating Class noong 2019. Sa tila sinematikong paglalagom at sintesis ng mga naratibo, ikinuwento ni Lee ang personal na danas sa pag-abot ng sariling pangarap. Ang paglayas niya sa Daet dulot ng pangangailangang makatuntong sa kolehiyo ay biyahe ng paghahanap ng sariling tinig.
Sa unang apartment na tinirhan ni Lee kasama ng kanyang kaibigan, ang alaala ng pagsasalo-salo nang kulang ang silya ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa manunulat. Ang tagpo ng lagi’t laging may naiiwang nakatayo sa samahan ang naghantad ng hirap ng buhay sa Maynila. Umusbong dito ang primaryang dahilan ng awtor upang magsulat lampas sa personal na interes: ang pangakong punan ang kakulangan.
Mula sa ganoong panata, sinasariwa ng piyesa ang realidad na binubunggo ng adhikain. Ang determinasyong pagtrabahuhan ang kulang na silya ay pagharap din sa bundok ng kasawian. Ang matinding kasalatan sa buhay kadikit ng sunod-sunod na pagtangging matatanggap sa daigdig ay ilan lamang sa mga hirap na pagdaraanan sa pakikipagsapalaran. Subalit sinisipat ni Lee ang ganoong mga okasyon bilang tuntungan ng pagkatuto. Ang sukatan, kanyang iginigiit, ay wala sa pagkabigo. Hindi kahingian ang pagiging perpekto kundi ang makailang ulit na pagbangon at pagsusumikap. Proseso ang buhay ng paghulma ng katauhan.
Muli’t muli, pinapaalala ni Lee na nararapat tayong lumabas sa mga espasyong ating kinapapalooban. Nang dinggin ng awtor ang tawag ng pakikibaka noong yugto ng karahasan ng rehimeng Marcos, kanyang isinantabi ang lahat ng personal na ambisyon. Ang talino, ang panulat, ang laban ay hindi na lamang kanya.
Ang kulang na silya ay representasyon ng pundasyon ni Lee bilang tao at manunulat. Ang kanyang pagsasalaysay sa puwang ay umiigpaw sa naratibo ng karukhaan; panawagan itong makisangkot upang tugunan ang pansarili at panlipunang pangangailangan. Mahalaga ang pagdiriin ni Lee sa papel ng lipunan sa kanyang pakikipagsapalaran. Ang nosyon na nabubuhay tayo sa kabutihan ng iba ay nakasandig hindi lamang sa bukambibig na pasasalamat—kundi sa pag-asang mayroon tayong ibibigay pabalik. ●