Ilang beses man bagtasin ni Sunshine ang kasulok-sulukan ng Maynila, malinaw na walang milagrong naghihintay sa kanya roon—wala sa panalangin at kumpisal na binigkas sa Simbahan ng Quiapo, wala sa masikip na motel sa Avenida. Ang ganap na karapatang magpasya para sa sariling katawan ang tanging daan ni Sunshine Francisco, ang bida sa pelikulang “Sunshine” ni Antoinette Jadaone, tungo sa kanyang pangarap na makalundag sa Olympics.
Bagaman sinikap ng pelikula na itampok ang kahalagahan ng karapatan sa aborsyon, hindi nito lubos na naipakita ang neokolonyal na ugat ng karahasang dinaranas ng kababaihan. Pinaigting pa ito ng mga kontradiksiyong politikal na pumapaikot sa pelikula sa magkahugpong na konteksto ng sining at lipunan.
Sinapupunan ng Karahasan
Hindi nagmintis ang pelikula sa pagsuong sa panganib na kaakibat ng paggiit ng kababaihan sa kanilang autonomiya sa sariling katawan at kalayaan mula sa pananamantala. Sa pamamagitan ng mga karakter nina Sunshine at Menggay, inihayag nito ang krisis sa ahensya ng kababaihan.
Sa Avenida Motel, gamit ang pampalaglag mula Quiapo, mag-isang tinaya ni Sunshine ang kanyang buhay at kinabukasan sa kagustuhang hindi maging ina. Nag-agaw-buhay si Menggay, isang 13-taong gulang na bata, pagkatapos pasanin ang pagkabigo ng mga sistemang dapat kumakalinga sa mga tulad niyang biktima ng pang-aabuso.
Binigyan ng pelikula ng mukha ang 1.1 milyong kababaihang natutulak sa mapanganib na paraan ng pagpapalaglag taon-taon. Ibinunyag nito na habang nagtatalo ang estado, Simbahan, at sektor ng kalusugan ukol sa moralidad ng aborsyon at sex education, dalawa hanggang tatlong babae ang namamatay bawat araw sa di-ligtas na aborsyon, at 411 batang ina ang nanganganak na madalas bunsod ng statutory rape.
Ngunit hindi lang mga insensitibong doktor o pari ang sanhi ng danas ni Sunshine at ng milyon-milyong kababaihang ikinakahon bilang estadistika. Upang supilin ang kababaihan at ang kanilang katutubong kaalaman at pamamaraan hinggil sa reproduksyon, ginawang ilegal ng mga Kastila at ng mga sumunod na mananakop at neokolonyal na rehimen ang aborsyon.
Sa pagkait sa karapatang magpalaglag, iginagapos ang kababaihan sa sapilitang reproduktibong tungkulin—isang anyo ng murang paggawa na inaasahan ng sistemang neokolonyalismo ngunit hindi kailanman kinikilala o sinusuklian ng kompensasyon. Umaabot na sa P2 trilyon ang halaga ng unpaid domestic labor ng kababaihan at inaasahang lumobo pa ito simula pandemya.
Sa patuloy na pagkontrol ng neokolonyalismo sa reproduksyon, tinitiyak nito ang tuloy-tuloy na pagsilang ng mga taong maaari nitong pagsamantalahan. Tinatayang P33 bilyon ang ninanakaw na kita mula sa kabataang napipilitang maging ina, bunsod ng pag-abandona sa kanila ng mga institusyon pangedukasyon at pangkalusugan. Ngunit higit pa sa kita, ipinagkakait mula sa kanila ang ahensya na mangarap at magtakda ng direksyon para sa sarili.
Sa paglarawan sa paghihirap ni Sunshine bilang isang abstraksiyong siya lamang ang humaharap, naisantabi ang pagkakataong maging paanyaya ang pelikula upang bulatlatin ang panlipunang estruktura sa likod ng kanyang pagdurusa.
Niluluwal na Kontradiksyon
Sinisimbolo ng imahinaryong batang laging nakabuntot sa bawat kilos at nakahusga sa bawat desisyon ni Sunshine ang kaguluhang bumabagabag sa kanyang isip, ani Jadaone sa isang talkback ng pelikula. Sa halip na usisain ang historikal na dahilan ng sikolohikal na trauma ni Sunshine, inilatag ito ng pelikula bilang isang mas personal na hamong kayang lagpasan sa pamamagitan ng determinasyon ng isang atleta.
Sa paggamit sa mga bata bilang personipikasyon ng “unborn child” nina Sunshine at Menggay, dinidiin din ng pelikula na ganap at tiyak ang kanilang pagiging “ina.” Ngunit sa eksena kung saan binisita si Sunshine ng kanyang boyfriend at ng pastor na ama, tiyak ang dalaga sa desisyon nitong hindi magbuntis at maging ina. Gayundin, taglay ng karakter ni Menggay ang parehong kasiguraduhan sa pagtangging isilang ang dinadalang bata na resulta ng pang-aabuso sa kanya.
Delikado ang retorika ng “unborn child” dahil nakatutulong itong patingkarin ang konserbatibong paniniwala na ang aborsyong tinahak ng mga karakter ay pagkitil sa buhay. Itong retorika rin ang ginamit ng mga pro-life na kampanya sa Estados Unidos upang maibasura noong 2022 ang Roe v. Wade, ang kasong nagpanalo sa konstitusyonal na karapatan ng kababaihan sa aborsyon.
Maaaring may angkop pang paraan upang kilalanin at mailarawan ng pelikula ang kusang pamumulis sa sarili na itinanim ng mga Kastila sa kababaihan, at ang bigat ng kanilang desisyon na kadalasang nauuwi sa paghingi nila ng tawad sa Diyos at sa kanilang sana’y naging anak.
Naging mas epektibo sana para sa pelikula ang pagtuon sa relasyon nina Sunshine at Menggay sa pagpapalinaw sa aborsyon bilang sistematikong isyu. Nagsilbing mitsa upang umalpas mula sa pampersonal na interes ang galit ni Sunshine nang masaksihan niya ang pang-aabuso kay Menggay. Naging malay siya na ang pagkagipit niya sa karapatan sa katawan ay karanasan din ng maraming kababaihan.
Ngunit tulad ng ginawa ng mga magulang at sistemang dapat poprotekta sa kanya, binitawan ng pelikula ang kwento ni Menggay pagkatapos ng kanyang aborsyon—na parang walang marahas at pahirap na lipunang sasalubong sa kanya muli sa labas ng ospital.
May responsibilidad ang mga manunulat na iwaksi ang mito ng neutralidad at gumawa “ng bagong alaala ng mga batang Filipino,” ayon sa artikulo ni Will Ortiz. Pero sa pagkakuntento ng pelikula sa pagdurusa ni Menggay bilang representasyon, nilusaw nito ang oportunidad na bawiin ng bata ang kanyang dignidad at panagutin ang mga nagkasala sa kanya.
Sintomas ang pagbitaw ng pelikula kay Menggay sa tinatawag ni Jadaone na “death of the author,” o ang ideya ni Roland Barthes na ipaubaya ang interpretasyon ng materyal sa mga kumokonsumo nito. Ngunit may hangganan sa pagitan ng pagbibigay-laya sa interpretasyon at ng pananahimik na maaaring magmukhang pakikiisa sa pananamantala.
Imbes na klarong makiisa sa usapin ng aborsyon, sumuko si Jadaone sa likod ng ideya ni Barthes. Pinapalabas nito na ang pagsasabatas ng aborsyon sa Pilipinas bilang karapatan ng kababaihan sa kanyang katawan ay bukas pa rin sa negosasyon—na dapat isaalang-alang ang mga mapanganib, bagkus nakamamatay, na konserbatibong opinyon.
Nalaglag na Pagkakaisa
Hindi lang nakapaloob sa pelikula ang mga politikal na kontradiksyong bitbit nito. Lumahok ang “Sunshine” sa Berlin International Film Festival 2025 o Berlinale, sa kabila ng pinatawag na boykot ng mga grupong Palestinian Campaign for the Academic and Cultural Boycott of Israel, Strike Germany, at Film Workers for Palestine. Anila, tikom ang film festival hinggil sa henosidyo ng Israel sa Gaza at binusalan nito ang pagtutol ng mga mamemelikula sa Zionistang estado.
Higit 28,000 kababaihan at batang babae ang pinatay sa Gaza mula Oktubre 2023 hanggang Mayo 2025, ayon sa pagtatasa ng UN Women. Wala rin silang akses sa reproductive health care dahil sa aid blockade ng Israel.
Intensyonal na unang ipinalabas ang pelikula sa mga internasyonal na film festival bago mapanood ng Pilipinas upang umani ng atensyon, ayon sa plano ni Jadaone. Sa indirektang pakikisangkot ng pelikula sa panlulupig ng kababaihan kapalit ng Kanluraning balidasyon, naibubunyag na hindi tuluyang tumatagos palabas ng sinehan ang tindig na itinanghal nito para sa kababaihan.
Hamon ngayon sa mga taong lumikha ng pelikula na magsalita ukol sa henosidyo at makilahok sa boykot na pinatawag at nilahukan ng mga mamemelikula, artista, at kultural na manggagawa mula sa iba’t ibang bansa. Patunay ang pagboykot ng mga manunulat at publikasyon sa Frankfurt Book Fair at pagdalo nila sa mga alternatibong perya na hindi kahingian ang pagsakripisyo ng prinsipyo para sa bisibilidad ng sining.
Kung tunay na layon ng pelikula ang paggiit ng karapatan ng kababaihan, tungkulin nitong makiisa sa lahat ng panawagan para sa kalayaan at hustisya. Pagdating ng panahon, hindi lang mga Kanluraning gantimpala ang itatala ng kasaysayan, kundi ang naging tindig ng pelikula—o kawalan nito—ukol sa kalagayan ng kababaihan saan mang panig ng mundo. ●