May nagbabadyang krisis na lalo lamang magpapalubha sa lugmok na sektor ng pangkalusugan. Ngunit sa kapalpakan ng pamahalaang bigyang-lunas ang mahihinang sistemang pangkalusugan, mas nagagamit pa ang krisis para tanggihan ng karapatan ang mga pinakaapektado.
Lumobo na sa higit 5,101 ang mga kumpirmadong kaso ng HIV sa bansa mula Enero hanggang Marso ngayong taon, ayon sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan—mas marami kaysa sa 3,409 na kaso ng nakaraang taon. Pumalo na rin sa 500% ang pagtaas ng kaso ng HIV sa mga kabataang nasa edad 15–25 noong 2023 kumpara noong 2010.
Ngunit higit na nakakaalarma sa pagtaas ng kaso ay kung papaanong ipinalaganap ang balitang ito. Kadikit ng mga ulat sa datos ang pangmamata sa LGBTQIA+ community. Liban sa mga solusyong pangkalusugan, malaon na ring pinipigilan ng mga sosyokultural at ligal na aspeto ang tuluyang pagpuksa sa mga hadlang para sa aksesible at inklusibong sistemang pangkalusugan.
Sa halip na makatulong sa pagpapalawak ng kamalayan hinggil sa tumataas na kaso ng HIV sa bansa, lumilikha lamang ng mas malalim na kamuhian sa people living with HIV (PLHIV) ang hindi paglalahad ng estado ng buong naratibo.
Ngunit mapanghamak ang ganitong pagsasantabi ng mahalagang konteksto. Bagaman maraming klinik at ilang ospital na rin ang nag-aalok ng libreng konsultasyon at test para sa HIV at iba pang sexually transmitted infections, malaki pa rin ang kakulangan hindi lamang sa rekurso, kundi sa pag-udyok sa publikong magpa-test. Kamakailan, lubos na napilay ang operasyon ng ilang free testing center hubs sa bansa bunsod ng USAID freeze na kalauna’y nagpopondo sa mga libreng test.
Sa pag-uulat ng isyung pangkalusugan nang walang sapat na konteksto, nababalot ng takot ang mga nangangailangang makakuha ng lunas at lalo pang ginagatungan ng mga relihiyoso at konserbatibo upang harangin ang pagsulong sa proteksyon ng karapatan ng LGBTQIA+. Hindi lamang nito pinapalakas ang stigma laban sa LGBTQIA+ community, lalo ring lumalawak ang pag-aatubili ng iba na magpa-test o magpakonsulta.
Tila walang pagkilala ang estado sa kakayahan ng mga sarili nitong institusyon at maging ng batas sa makailang ulit nitong paghaharang sa mga progresibong panukala para sa kapakanan ng LGBTQIA+ community. Sa katunayan, ang kawalan ng sapat na batas tulad ng anti-discriminatory policies ay maiuugnay sa mas mababang kalidad ng sistemang pangkalusugan lalo para sa mga miyembro ng LGBTQIA+, ayon sa isang pag-aaral mula sa Oxford University.
Kaya imbes na palawigin ang naratibong nanghahamak pa sa publiko, partikular sa LGBTQIA+, sa estado mismo dapat manggaling ang pagpapalakas ng kampanya sa pagpapababa ng HIV cases sa bansa.
Kagyat na kinakailangan ang pagpasa ng SOGIESC Equality Bill, isang anti-discrimination policy na naglalayong bigyang-pagkilala ang pagkakakilanlan at karapatan ng bawat isa. Isa itong hakbang tungo sa pagpuksa sa diskriminasyon na isa sa mga patuloy na nagpapalubha ng stigma sa LGBTQIA+ community.
Nababaog din ang anumang tangkang pagbabago ng Kagawaran ng Edukasyon sa kurikulum upang lutasin ang tumataas na kaso ng HIV sa kabataan kung nahaharang din ang Comprehensive Sexuality Education Bill na naglalayong bumuo ng mas malalim na balangkas kasabay ng pagkatuto.
Kasabay ng ligal na proteksyon, kahingian din ang pagpaparami di lamang ng libre, kundi inklusibo at stigma-free testing centers na pinopondohan mismo ng pamahalaan.
Di kailanman masusukat ang halaga ng isang tao sa dinadala nitong karamdaman. Bagkus, ang suporta at pagmamahal na pumapalibot sa kanya ang aakay at huhubog sa kakayahan niyang lumaban tungo sa mas inklusibo at mapagpalayang lipunan. ●
*Paumanhin kay Klarisse de Guzman.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hunyo 2025.