Malaon nang naririnig ni Hulyo ang kasabihang, “Mayroong kanya-kanyang panahon ang lahat.” Ngunit hindi niya pa rin lubos na maunawaan ang pagpapakahulugan nito.
Ano’t ano man, ito ang nakatitiyak si Hulyo: Makapagtatapos siya ng kolehiyo sa loob ng apat na taon, tulad ng kanyang tatay. At darating ang araw na mag-aaral siya ng medisina upang maging dalubhasa sa larang na ito. Ngunit minsan, hindi laging nasusunod ang tahak na itinatakda para sa sarili.
Bago pa man mag-UPCAT, batid na ni Hulyo ang programang nais niyang kunin. Magandang paghahanda raw sa medisina ang biyolohiya, kaya hindi siya nag-atubiling piliin ito sa pag-aasikaso ng kanyang aplikasyon. Kakaunti lamang ang tinatanggap sa pangarap na programa, kaya gayon na lamang din ang kanyang galak noong malamang ito ang napasa niya.
Puno ng sigasig at motibasyon ang unang linggo ni Hulyo sa pamantasan. Tangan niya ang pag-asang darating ang araw na hindi na kinakailangan pang magpagal ng kanyang tatay sa ibang bansa, mayroon lamang maipangtustos sa kanila.
Gayundin, bilang panganay na anak, hindi man sabihin ng kanyang mga magulang, batid niyang kailangan niyang akuin balang araw ang responsibilidad sa dalawang nakababatang kapatid. Kaya naman mahalaga para sa kanya ang pagsunod sa itinakdang tahak para sa sarili.
Ngunit tulad ng nakararami, dumating sa puntong kinuwestiyon ni Hulyo ang saysay ng kanyang ginagawa. Dagok sa bawat araw ang pag-unawa ng iba-ibang siyentipikong termino at konsepto. Hindi na niya maintindihan pa ang paghuhugpong ng matematika, kemika, at pisika sa kanyang programa. Higit, unti-unting bumaba ang kanyang marka sa mga kursong akala niya noon ay gagap na niya.
“Hindi ako made-delay,” ito ang makailang ulit na bulong ni Hulyo sa kanyang sarili matapos na bumagsak sa ilang kurso ng kanyang programa. Pilit kinukunsinti ang sariling marami pa siyang maaaring gawin upang maiwasan ang pagkahuli sa petsa ng pagtatapos.
Ngunit bunsod ng labis na kakulangan sa mga propesor na magtuturo, tuwing unang semestre lamang nagbubukas ang kalakhan ng kursong kanyang nabagsak. Sa isipan ni Hulyo, marahil isa ito sa epekto ng pagbabawas ng estado sa pondo ng kanilang pamantasan.
Katumbas ng kanyang pagka-delay ang dagdag na panahong kailangang bunuin ng kanyang tatay sa ibang bansa. Hindi lingid sa kaalaman ni Hulyo na magkasalabid ang suliraning kinahaharap ng pamantasan sa sitwasyon sa loob ng kanilang tahanan: Patuloy na nahihimpil sa walang katiyakan dahil hindi sila ang prayoridad ng estado.
Sa matagal na panahon, nasanay si Hulyo na mayroong tiyak na oras na gugugulin para sa isang gawain. Ngunit sa unang pagkakataon, wala siyang kontrol sa katiyakan ng kanyang pagtatapos sa pamantasan.
Bago pa man ihayag ni Hulyo ang kanyang sitwasyon sa pamilya, inaasahan na niya ang labis na pagkadismaya nila. Ngunit naging malinaw lamang ang lahat para sa kanya.
“Ganoon talaga, mayroong kanya-kanyang panahon ang lahat,” ani kanyang tatay.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-13 ng Agosto, 2025.


