“Umaasa po ako sa inyong konsiderasyon,” saad ni Justin sa dulo ng isinulat na email matapos niyang ilahad ang mga rason kung bakit kailangan niyang mag-prerog. Unang-una sa listahan, hindi pa rin kumpleto ang units niya.
Pagkaraan ng dalawang batch ng preenlistment, maging ng general at mga departmental waitlisting, hindi na lumagpas pa sa anim na units ang kanyang na-enlist sa CRS.
Tila normal na kaganapan man sa buhay-kolehiyo ni Justin, ang bigat at bagabag na dala-dala nito ay walang katumbas. Kung sakali mang mag-underload siya, kakailanganin niyang mag-overload sa susunod na semestre o magdagdag ng isa pang taon o semestre sa kolehiyo. Mga pasanin itong hindi kayang tupdin ni Justin bilang isang working student at panganay sa isang low-income family.
Sa lagpas na 20 propesor na sinulatan ni Justin, wala pa sa kalahati ang bumalik sa kanya. At kung may tumugon man, magsisimula ito sa “Pasensya na…” Inasahan na ito ni Justin buhat ng daan-daang natatanggap na email ng mga propesor mula sa mga estudyanteng humihingi ng units. Kaya, pinili na niyang pumunta sa opisina ng mga departamentong pagkukunan ng mga kurso.
Kalakhan sa mga departamento ay may nakatalagang prayoridad—sarili nilang mga estudyante at mga graduating. Hindi tumutugma si Justin sa mga itinakdang pamantayan, ngunit nagpalista pa rin siya sa mga departamento sa pag-asang kahit isang klase man lang ay mapag-uunlakan siya.
Umabot sa isang linggo ang paghihintay, pero tama pa rin siya ng hinala. Mapagbibigyan siya sa prerog ngunit para lamang sa iisang klase. Kung tutuusin, hindi na rin masyadong umasa si Justin dahil nararanasan niya ito kada semestre.
“Kailangan ko lang kapalan ang mukha ko,” giit ni Justin habang nililista ang mga klaseng kailangan pasukan para direktang makipag-usap at magmakaawa sa propesor.
Ang tulak sa lahat ng paghihirap ni Justin ay ang pagtutol sa ideyang mas tatagal pa siya sa unibersidad at ang posibilidad na hindi makuha ang latin honor na matagal na niyang pinapangarap. Ngunit higit dito, ang dusa niya sa pagiging underload ay luwal ng mga suliraning wala siyang kakayahang kontrolin—budget cut at kakulangan sa personel na humahadlang sa kakayahan ng UP na magdagdag ng klase.
Bawat pagtanggi sa prerog ni Justin, naaaninag niyang lumalampas ang problema sa sariling ahensiya. Kailangan niyang magprerog, hindi lang dahil minalas siya sa CRS, pero dahil sa tuloy-tuloy na pagbawas sa pondo na lalong nagpapahirap sa unibersidad, at sa tila manhid na tugon ng gobyerno sa mga panawagan nito.
Sa ngayon, tanging panlilimos muna sa units ang magagawa ni Justin. At habang kumakatok siya sa mga pinto ng mga klaseng gustong pasukan, sabay niyang itatanong sa sarili kung kailan maririnig ng estado ang pangangailangan ng mga estudyanteng isinisiksik ang kanilang sarili sa sistemang matagal na silang isinasantabi.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-13 ng Agosto, 2025.


