Kauuwi pa lamang ni Karla mula sa klase, ngunit hindi pa rito natatapos ang araw niya. Binilang nito ang natitirang oras ng tulog na pwede niyang makuha bago pumasok sa trabaho, tinitimbang kung dapat na lang ba siyang magpadala sa tukso at humilata na lamang sa kama. Nawala ang pagdadalawang-isip ni Karla na lumiban nang maalalang malapit na ang bayaran ng renta sa dormitoryo.
Para hindi tuluyang makatulog, sumandal na lang si Karla sa upuan malapit sa kanyang study table. Napabaling ang kanyang tingin sa bagong class schedule. Mukhang kailangan na naman niyang magsakripisyo ng tulog dahil night shift siya ngayon sa trabaho. Malaking abala kung hindi niya kayaning mag-overload sa units ngayong sem dahil posibleng hindi siya makagradweyt sa inaasahang oras, lalo na’t sisimulan na niyang magtesis ngayong semestre.
Nilista ni Karla ang mga parating na bayarin ngayong buwan. Sinubukan niyang i-refresh ang website ng university dorm application—nagbabakasaling natanggap siya para naman makabawas sa gastusin. Nagmahal na rin kasi ng renta sa tinutuluyan niya.
Sa tatlong taon ni Karla sa kolehiyo, ni isang beses hindi man lang siya pinalad na makakuha ng dorm sa loob ng UP. Ipinagtataka niya kung hindi pa ba sapat na taga-probinsya siya at minimum wage earners lamang ang kanyang mga magulang para hindi mabigyan ng dorm slot.
Kahit madaming sagabal, hindi ito nakabahala sa pagiging laude standing ng dalaga. Ngunit hindi maiwasang mapraning si Karla sa napipintong responsibilidad na tila obligado siyang tanganan sa hinaharap—ang pagiging breadwinner. Hindi rin nakatutulong na mababa ang pagpapahalaga sa mga industriyang may kinalaman sa programa niya sa agham panlipunan.
Senior high school pa lamang si Karla, ipinaglalaban na niya sa mga magulang ang pagkuha ng programang Malikhaing Pagsulat. Sa kabila ng pag-apruba nila, ramdam ni Karla ang nananatiling pasanin niya bilang panganay. Hindi nito maitago sa sarili ang pagkadismaya sa kalagayan ng kasalukuyang industriyang gusto niyang tahakin.
Tulad ng trabahong naghihintay matapos ng mahabang araw sa mga klase, isang responsibilidad na naghihintay kay Karla ang pagiging breadwinner matapos niyang grumadweyt. Sa tuwing nahihirapan siya sa pag-aaral, naaalala niya ang bilin ng kanyang mga magulang na siya ang magsusustento sa kapatid.
Gustuhin man ni Karla na magpahinga muna at tsaka na lamang magtrabaho, batid niyang isang pribilehiyo para sa mga tulad niya ang makapagpahinga. Gayundin, kinikilala niya ang pribilehiyong makapag-aral nang libre sa pamantasan.
Sa mundo ng mga dapat, isang batayang karapatan ang pagkakaroon ng aksesible at dekalidad na edukasyon. At kung siya lang masusunod, walang kabataan ang mapagkakaitan nito.
Rinding-rindi si Karla sa palaging litanya ng kapatid tungkol sa pagsunod sa yapak niya. Matagal niya na itong binalaan na limitado ang suportang natatanggap ng field na kasalukuyan niyang tinatahak.
Kinapa ni Karla ang noo, kahit kumikirot ang ulo, nagpasya itong mag-asikaso na sa paggayak. Kasama ang malalim niyang buntong-hininga, ang hiling na huminto muna saglit ang oras.
Hindi niya maaatim na maranasan pa ng kanyang kapatid at iba pang kabataan ang danas nila sa ngayon—ang tila eksklusibong akses sa karapatang dapat tinatamasa naman ng lahat.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-13 ng Agosto, 2025.



