Bago pa man mag pride month, hindi na magkamayaw ang sangkabaklaan sa sunod-sunod na anunsyo ukol sa mga pride-related events. Malayo pa sa mismong araw, hindi na rin sila magkandaugaga sa paghahanap ng pakak na outfits na pangrampa sa daan.
Marami ring naglipanang social media posts kung saan gumawa pa ng mga listahan upang maibsan ang kalituhan ng karamihan sa uunahing dadaluhan. Dito umuusbong ang ilang reklamo—kesyo paulit-ulit ang mga espasyong paggaganapan. Pano ba naman, kailangang pang timbangin kung pasok ba sa badyet, aksesible, at ligtas ba ang mga lugar kung saan idadaos ang mga events.
Partikular ang Sunny Club PH, isang kolektiba ng mga kababaihang queer, sa nagoorganisa ng mga LGBTQIA+ related events. Sa layuning bumuo ng makabuluhang pagdiriwang, kinakaharap nila ang kakulangan ng espasyong queer na ipinagkakait sa masa.

Sa Corner 26 sa Maginhawa, at sa limitadong espasyong ito, lumilikha ng espasyong queer ang kolektibo ng mga kababaihang queer na Sunny Club PH. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Lumilitaw at Lumulubog
Sa pagpapalawig ni Brenda Alegre sa usapin ng precolonial trans, binibigay ang pinakamataas na respeto sa mga asog at babaylan noong prekolonyal na panahon sa pagkakatiwala ng mahahalagang posisyon sa lipunan—ano man ang dinadala nilang gender identity. Nahuhubog bilang inklusibong espasyo ang mga baranggay sa sistemang pinapairal na bumabalikwas sa ideyang babae at lalaki lamang ang namumuhay sa isang bayan.
Kung inaakalang magiging maluwag ang mga Amerikano para sa kanila, inilagay ang mga bakla sa mga bahay-aliwan upang maging taga silbi ng mga sundalo. Hindi nagtagal, nakita na rin sila sa mga pelikula ngunit binigyan sila ng limitadong papel bilang mga komedyante o di kaya’y inaapi ng kalalakihan.
Pero kung dati bihira lang ang mga espasyong ito na nagbibigay laya sa pagtitipon ng mga nasa queer community, ngayon pupwede ng makapagbigay ng listahan ng mga lugar kung saan nagaganap ang mga pride events. Naglipana ang mga espasyo sa Maynila tulad ng mga bars, clubs, cafes, at maging mga unibersidad na bukas sa pagpapagamit ng mga espasyo.
Mayroon mang nosyon ukol sa pagiging mas progresibo ng Maynila sa ibang lugar sa bansa, tinutunggali ito ng mga gender violence na nagaganap. Iniladlad ni Dana Collins sa “Performing Location and Dignity” na malaki pa rin ang puwersa ng kalalakihan sa pagkontrol ng mga urban spaces ng lungsod. Tiyak na paglalarawan na maski gay bar ang pupuntahan, wala pa ring kasiguraduhan ang kaligtasan ng kahit sinong pupunta dahil sa mga taong nakaaligid sa labas ng espasyo.
Makikita man ang progreso lalo sa panahon ngayon, malaking hamon pa rin ang katiyakan ng pagiging inklusibo at aksesible ng mga espasyong ito sa masa. Nagkukumpol-kumpol pa rin sa mga piling lugar ang sangkabaklaan.
Bahaghari at Iba Pang Kulay
Pinaniniwalaan ni José Esteban Muñoz sa ‘Cruising Utopia’ na nagtutulak ang queerness sa pagtitimbang ng isang tao kung ano ang hinahangad niyang isang ideyal na mundo. Pinagkakaisa ng masidhing damdaming ito ang mga grupong nagsusulong ng kolektibong pakikibaka, maaaring magsimula bilang maliit na organisasyon ng estudyante, mga NGO’s, at mga queer individuals na may mga espasyong ibinubukas para sa lahat para maging plataporma ng pagtatanghal.
Naitaguyod sa kasaysayan ng UP Diliman ang pagbibigay kalayaan nito sa mga estudyanteng pumili ng ano mang gustuhing kasuotan. Sa aksyong ito, walang nagdidikta kung alin ang babagay o kung ano ang karapat-dapat na damit maging ano man ang kasarian.
Nagbukas rin ng pintuan ang mga clubs at bars tulad ng Vice Comedy Club at O Bar Philippines na pinagdadausan ng mga drag performances na hindi pa rin normal na mapanood ng iba. Malaking kalamangan na pagmamay-ari rin ito ng mga kabilang sa queer community.
Isang malaking tagumpay rin ang pagkatatag ng LoveYourself Centers na naglalatag ng iba-ibang free services tulad ng HIV-testing para sa mga indibidwal na queer. Nilalayon nilang alisin ang stigma sa pagpapakonsulta ukol sa sexual health na nagdudulot ng diskriminasyon.
Malaking tulong ang mga kolektiba at organisasyon sa pangunguna na maitaguyod at pamunuan ang mga espasyong queer. Kadalasan, nagsisimula ang mga grupo sa kolehiyo hanggang sa lumaki na hindi na lamang simpleng events ang inoorganisa kundi sakop na rin ang mga taong nasa labas ng unibersidad.
Kabilang ang Sunny Club PH sa mga ito na nagsimula sa isang maliit na grupo mula sa UP Diliman, naging motibasyon nila ang kakulangan ng espasyo para sa mga lesbiyana. Nagdadaos sila ng events at itinuturing rin nila itong fundraising upang makatulong sa kanilang beneficiary tulad ng Galang Philippines, isang non-government organization na nagsusulong ng karapatang pantao para sa LGBTQIA+ community.
Matrahabo para sa mga kolektiba ang paghahanap ng abot-kayang venue, makadiskarte na makakuha ng discount sa suppliers, at masigurong ligtas sa ano mang porma ng karahasan ang mga dadalo. “Kahit nasa nightlife kami at akala namin mas open doon, mayroong pa ring instances na ayaw nila sa masyadong queer,” ani C, isa sa organizer ng Sunny Club PH, sa isang panayam sa Collegian.
Sa kabila ng pagtatyaga ng mga kolektibang ito, umuusbong pa rin ang pagbubukod na dumudugtong sa problema ng pananatiling limitado ng tunay na maituturing na espasyong queer. Mapangahas man isipin, ang pinakahangarin ay makamit ang potensyal na queer futurity kung saan tiyak ng ligtas at inklusibo ang mundong ginagalawan ng LGBTQIA+ community.
Pananatili at Pananahan
Hindi lang sa iisang lugar makikita ang mga bakla na namamayagpag. Malaking sagabal ang pagkakaroon ng limitadong espasyo sa karapatan nilang makawala sa pamantayang itinakda ng lipunan.
Malaking hamon pa rin sa karamihan ang limitasyon ng kakayahan nilang maging inklusibo. Hindi pa rin nawawala ang reserbasyon ng iilan kung hanggang saan nilang gugustuhing “i-tolerate” ang mga bakla.
Kadalasang nangunguna ang malalaking korporasyon bilang hosts ng pride events. Ibang klase ang pagpapakitang tao sa paraan ng pakikihalubilo at paggastos ng malaki sa preparasyon.
Kung oobserbahan naman ang pamamalakad ng mga kumpanyang ito, nakakapagpataas ng kilay ang mga pamantayang hindi nila kayang buwagin. Prominente ito sa mga job hiring nila na kakikitaan ng pagkatuso ang paraan ng paglalatag ng detalye ukol sa mga kwalipikasyong hinahanap, bagay na mas lumalala sa job interview. Sa ulat tungkol sa study ukol sa corporate SOGIE diversity and inclusive index, unang isinagawa noong 2018, 17% lamang sa isang daang kumpanya ang may polisiyang inklusibo para sa mga indibidwal na queer.
Bagaman sinisikap na maging bukas ang mga espasyo, naisasantabi ito ng pagkontrol ng mga korporasyon lalo sa mga taong nasa posisyon. Mayroong katangian ang mga espasyong ito na bumuo ng ilusyon na nagbubunyag ng katotohanang sa kabila ng progresibong postura, may mga lihim pa ring eksklusyong nagaganap. Sa huli, marapat intindihing ang personal na isyung ito ay isang panlipunang isyu rin.
Higit pa sa paglalagay ng kung ano-anong palamuti at pagkakabit ng katagang queer-friendly ang magbibigay ng matatag na suporta sa pagtatatag ng ganap na inklusibong espasyo. Ang pagbuo ng isang mundong malaya sa karahasan ay pagbuo ng lipunan kung saan walang tao ang naiiwan sa pagtatamasa ng kanilang mga karapatan sa lipunan. ●
Bagaman patuloy na ibinibinbin ang SOGIE Bill, sa mga espasyong queer nagiging malaya ang komunidad sa pag-ako ng kanilang mga sarili. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hunyo 2025.