Wala mang pasok dahil sa mga nagdaang bagyo, patuloy pa ring nagtatrabaho sa kanilang tahanan sa Tondo si Kenneth Jean Cerdeña, kilala bilang Teacher KC sa kanyang mga estudyante. Sa pitong taong pagtuturo sa Maynila, tuloy ang pagkayod niya sa kabila ng mababang sahod at tambak na gawain.
Maagang namulat si Teacher KC sa hirap ng buhay kaya nagsumikap siyang mag-aral hanggang makapagtapos sa Philippine Normal University noong 2017. Paglipas ng ilang taon, nagsimula na siyang magturo ng iba-ibang asignatura tulad ng English at Filipino sa Manuel L. Quezon Elementary School.
Bilang breadwinner, salo niya ang mga gastusin sa kanilang bahay. Kahit wala pang sariling pamilya, aminado siyang kulang pa rin ang humigit kumulang P13,000 sahod tuwing kinsenas lalo na sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Kaya bukod sa pagtuturo, manunulat din si Teacher KC ng librong Hiraya, isang Filipino language book na ginagamit sa ilang paaralan sa Metro Manila.
Sa ilalim ng unang tranche ng Executive Order 64 ng administrasyon alinsunod sa Salary Standardization Law, nasa P15 hanggang P17 lang ang dagdag sa arawang sahod ng ilang mga pampublikong guro kaya’t marami ang napipilitang umutang. Noong 2019, pumalo sa P319 bilyon ang kabuuang utang nila mula sa GSIS at mga pribadong institusyon ayon sa ulat ng DepEd.
“Kung isho-shoulder pa rin yung [teaching materials] ng mga teacher, I think ang pagtaas ng sahod is wala din kung doon lang din mapupunta,” ani Teacher KC. Noong 2024, isinabatas ang Kabalikat sa Pagtuturo Act upang dagdagan ang allowance ng mga guro, pero patuloy pa rin ang pag-abono nila ng teaching materials.
Hindi lang din sa pinansyal na aspeto nahihirapan ang mga guro. Bukod sa anim na oras ng klase, inuuwi rin ni Teacher KC ang tambak na gawaing dapat sana'y natatapos sa paaralan. Maliban kasi sa pagtuturo, sila rin ang gumagawa ng admin tasks na hindi saklaw ng kanilang trabaho. Bilang tugon, nilagdaan ni DepEd Secretary Sonny Angara ang isang memorandum na naglalayong pagaanin ang pasanin ng mga guro, ngunit nananatili pa rin ang sunod-sunod na oras ng pagtuturo at double shifting sa ilang institusyon dahil sa kakulangan sa silid-aralan.
Sa harap ng mga paghihirap na ito, nananawagan ang ilang organisasyon tulad ng ACT Teachers para sa pagpapasa ng batas na itataas ang minimum wage ng mga guro sa pampublikong sektor tungong P50,000. Kahingian din na ganap na maisakatuparan ang pangakong pagbawas sa mga gawaing di na saklaw ng kanilang trabaho.
“Do all teachers need to shout their needs so that we can fulfill our needs? I hope the government would listen to our teachers, would listen on the ground. Because it's already there. They're already saying what they need,” ani Teacher KC.
Umulan man o umaraw, patuloy ang pagkayod ng mga gurong tulad ni Teacher KC—hindi lang para sa sariling pamilya kundi para sa mga batang umaasa sa kanila. Sa dami ng tungkuling kanilang ginagampanan, nararapat lang na bigyan sila ng sapat na suporta at tunay na pagkilala. ●