Go out and vote! – Literal mang hindi makakalabas ang mga Iskolar ng Bayan ngayong eleksyon dahil sa banta ng pandemya, inaanyayahan pa rin ang mga kapwa Isko at Iska na makiisa sa botohang isasagawa online. Hindi isasara ang voting platform sa buong linggo ng eleksyon, kaya hangga’t maaari, isingit sa iskedyul ang pagboto. Gamitin ang kakayahang mag-isip, pumili ng kandidatong karapat-dapat.
Kritisismo – Bago bumoto, mahalagang maging bahagi ng pagpili ang pagpapaabot ng kritisismo sa pagsisilbi ng mga kandidato sa loob at labas ng unibersidad. Ang mga tumatakbo para sa iba’t ibang posisyon sa University Student Council (USC) ay dapat maging bukas dito at handang managot sakaling may isyung kinasasangkutan. Kailangan nilang intindihin na para din ito sa ikauunlad nila.
Lotlot De Leon – Ngayong halalan, tandaang ang pagkatalo ay oportunidad din upang umunlad. Bansag ang Lotlot De Leon sa mga hindi pinalad magwagi tuwing eleksyon. Huwag malungkot kung sakaling matalo, natural ito. Maaari mo pa ring gampanan ang tungkulin mo bilang estudyante o lider-estudyante maging labas sa konseho.
Pangako – Huwag basta-bastang maniniwala sa mga pangakong umuulan tuwing eleksyon. Nariyan ang mga mabulaklak na salitang maaaring makaapekto sa pagpapasya mo sa pagboto. Higit sa lahat, dapat alamin ang mga nagawa na ng mga kandidato pagdating sa paggabay sa kapwa Iskolar ng Bayan at pakikiisa sa panawagan ng buong unibersidad, maging ng mamamayan sa loob at labas ng pamantasan. Timbangin ang paninindigan ng mga kandidato.
Personalan – Ngayong panahon ng eleksyon, hindi na bago ang batuhan ng mga personal na isyu sa mga kandidatong tumatakbo. Ang student council elections ay pagkakataon ng mga kandidato upang linisin ang pangalan sakaling hindi totoo ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan. Malaya ring humingi ng pananagutan ang mga kapwa mag-aaral kung may suliranin pang hindi nalulutas ang mga kandidatong tumatakbo sa eleksyon.
Plataporma – Aralin at intindihin ang mga platapormang ihahain ng iba’t ibang kandidatong tumatakbo para sa USC. Siguraduhing para sa ikabubuti ng nakararami ang mga programang ito, lalo ngayong panahon ng pandemya at panunupil. Piliin ang mga tutulong sa pagsulong ng ating pang-akademikong kalayaan, nagpapakita ng malasakit sa mga propesor, sa mga manggagawa at mamamayang bumubuo sa komunidad ng UP.
Popular Politics – Iwasang maging “yes man” ng mga kapwa estudyanteng mayroong ineendorsong partido, huwag hayaang maimpluwensyahan ang iyong kakayahang mag-isip at kakayahang mamili ng karapat-dapat na kandidato.
Room-to-Room – “Pwede po bang mag RTR?” ang madalas na tanong ng mga kandidato kapag mangampanya tuwing eleksyon. Ngunit dala ng remote learning, online na ang pag ru-room-to-room ng mga kandidato. Hindi mo na sila maririnig na kumakatok o maghihintay mapansin ng propesor habang nasa kalagitnaan ng pagtuturo.
Tagline – Ito ang linyang paulit-ulit na sinasambit ng mga kandidato bago ang pangalan nila kapag nangangampanya. Tunay na nakakatuwa at nakakakuha ito ng atensyon, ngunit huwag magpadala sa mga makaagaw pansin na tagline ng mga kandidato. Hindi ito ang basehan ng kalidad ng kanilang pagsisilbi sa unibersidad at sa masa.
Winnie Cordero – Ito ang bansag sa mga nagwawagi sa halalan. Sana lahat ng mahahalal ay may konkretong plano at platapormang magsisilbi sa ikabubuti ng mga kapwa Isko at Iska at maging ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Para sa ating mga mag-aaral, pananagutan nating tiyaking masusunod nila ang mga pangakong nilapag nila ngayong eleksyon. ●