Pundasyon sa pamumuhay ng mga Lumad ang ideya ng pagbabalik: Ang lupa ay nagbibigay buhay, sa gayon, tayong binubuhay nito ay mangangalaga, magbibigay-buhay din sa lupa. Gayundin, ang edukasyong nakukuha sa paaralan ay ibabalik din—ipapasa sa mga susunod na henerasyon, ipaaabot sa pinanggalingang komunidad.
Ang pagbabalik para kay Rose Hayahay, o mas kilala sa kanyang mga estudyante bilang Teacher Rose, ay nang magpasya siyang magturo sa mga kabataang Lumad taong 2018, nang magtapos siya ng Bachelor of Science in Education, Major in Mathematics, bilang isang iskolar ng Mindanao Interfaith Services Foundation Incorporated (MISFI).
Ang desisyon niyang maging guro sa Salugpongan Schools sa Davao ay tulak ng mga personal na karanasan. Nakilala niya ang kahirapan at ipinaglalaban ng mga katutubo habang nasa kolehiyo siya, sa mga pagkakataong bumibisita sila sa komunidad upang panandaliang mag-volunteer. Ang kagustuhan niyang makibahagi sa laban ng Lumad ay lalong pinalakas ng personal na karanasan ng kanyang pamilya sa karahasan ng mga sundalo.
Ilang beses na ni-raid ng mga militar ang kanilang tahanan noong 2002, 2006, at 2010, dahil sa paratang na sinusuportahan ng kanyang pamilya ang New People’s Army. At sa taong nagpasya siyang maging guro ng mga batang katutubo, dinukot ng mga militar ang kanyang ina; ibabalik lamang daw ito sa kondisyong sumuko si Teacher Rose sa awtoridad.
Ngunit ang mga karanasang ito ay nagpatibay lamang sa determinasyon ni Teacher Rose. “Imbes na matakot ka, magalit tayo. [Iisipin natin,] hanggang kailan pa kaya ‘to? Hindi ka ba iimik, hindi ka aaksyon?” ani Teacher Rose sa isang interbyu sa Collegian. “Yung karahasan mismo yung nagtutulak [sa atin] na makibaka.”
Ang sunud-sunod na pag-atake sa mga komunidad ng Lumad, gayundin ang pagpapasara ng kanilang mga eskwelahan, ay nagresulta sa pangangailangan nilang mag-bakwit sa iba’t ibang lugar. Minsan silang napunta sa Marikina, Novaliches, Makati, maski Tagaytay, at ngayon, sa Maynila. Sa kabila ng pabago-bago at hindi magandang mga kondisyon, nagpatuloy sa pag-aaral ang mga batang Lumad sa ilalim ng Bakwit School.
Ani Teacher Rose, isa sa mga pinakamahalagang requirement ng pagiging volunteer teacher ay ang pagkakaroon palagi ng whiteboard at marker. Sa gayon, saan man sila mapadpad, huminto, o sandaling manirahan, patuloy silang makakapagturo. Dahil higit sa pagiging lunan ng pagkatuto, ang paaralang ito ay mismong paglalahad ng kanilang panawagan: ang karapatan sa edukasyon at sariling pagpapasya. Ngunit marahil ito rin ang rason ng pagpapasara ng kanilang mga paaralan.
Sa likod ng burukratikong mga rasong inilalahad ng Kagawaran ng Edukasyon, ang primaryang dahilan ng kanilang pagpapasara sa mga eskwelahang Lumad, ay ang paratang na tinuturuan ang mga estudyante ritong labanan ang gobyerno. Dahil sa mga pahayag na walang ebidensya ng estado, pinagkaitan ng pagkakataong matuto ang libo-libong kabataang Lumad.
“Kasi ayaw nila sa mga estudyante na pumupuna sa maling ginagawa. Yung mga Lumad students kasi ay ... kritikal mag-isip, kaya nakikita nila kung ano yung tama sa mali,” ani Teacher Rose. Malay ang mga estudyante sa karahasang ginagawa ng militar sa kanilang komunidad, maging sa kanilang mga guro. Alam nilang hindi tama ang pagpapalayas sa kanila, at pagpasok ng malalaking minahan sa kanilang lupang ninuno.
Taliwas sa paratang ng estadong tinuturuang maging rebelde ang mga Lumad, kung tutuusin ay para rin silang mga estudyante sa lungsod—nag-aaral ng Mathematics, Science, English, at Research para sa mga baitang 11 at 12. Sila rin ay nahihirapang mag-adjust sa online na pagkatuto dahil sa kahirapang makakuha ng gadget at load. Kung may partikular man sa kanilang edukasyon, iyon ay ang pagtutuon ng kanilang mga leksyon para sa benepisyo ng kanilang komunidad.
Sa halip na “A is for Apple,” na hindi naman matatagpuan sa kanilang lugar, ang pundamental na itinuturo ay ang pagpapayaman sa kanilang sariling lupa at kultura—kung paano gagawing organic fertilizer ang mga sobrang bunga, paano higit na pauunlarin ang kanilang mga tanim. At taliwas sa kompetisyong pinaiiral sa mga paaralan sa lungsod, namumuhay ang kolektibong ideya sa paaralan—lahat ay dapat matuto, lahat ay dapat sabay-sabay na umangat.
Iba sa mga ordinaryong klasrum, iwinawaksi sa Bakwit School ang ideyang mas mataas ang guro sa mga estudyante. “Yung pagkatuto ng mga estudyante ay pagkatuto rin ng teacher,” ani Teacher Rose. Hindi lamang nakukulong sa mga guro ang pagbibigay ng aral, ni ang pagkatuto ay para lamang sa mga estudyante. Sa ilalim ng ganitong sistema, mas malaya ang mga talakayan, at mas madaling umusbong ang bagong mga kaalaman, kumpara sa mga tipikal na klase—kung saan ang pag-aaral ay nauuwi sa pangangailangang tumalima sa striktong batas.
Sa darating na seremonya ng kanilang pagtatapos, sabay-sabay na magtatapos ang 11 estudyanteng nasa ika-12 baitang. Ngunit ang pagkamit ng kanilang diploma ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng pagkatuto at pagtuturo, para sa mga estudyante at kanilang mga guro.
Patuloy na sasamahan ni Teacher Rose ang kanyang mga estudyante, lalo sa lansangan, upang ipawanagan ang hustisya sa mga naging biktima ng karahasan. Para naman sa mga nagsipagtapos na estudyante, ang pagtatapos ng Bakwit School ay hudyat lamang ng paghahanda para bumalik sa kanilang komunidad at magturo sa kanilang kasamang Lumad.
“Marami pang Lumad communities ang di pa napapasukan ng Lumad school, kaya yung kanilang (mga estudyante) goal ay pasukin yun, maabutan ng education, at magbigay ng kaalaman na mali yung ginagawang pagpasok ng minahan, mali yung pagkakampo [ng mga militar], at may karapatan pala silang makapag-aral,” ani Teacher Rose. ●