Magkasunod na nagsampa ng notice of strike ang kaguruan ng dalawang unibersidad sa Maynila upang ipagtanggol ang dagdag sa sahod at benepisyo.
Pormal na naghain ng planong welga noong Marso 26 ang mga guro sa Lyceum of the Philippines University Manila dahil walang nabuong kasunduan ang kanilang pitong buwang negosasyon ukol sa collective bargaining agreement (CBA).
Isinagawa ito bilang pagtutol sa forced retirement policy—na mula 1978 pa ipinapatupad ng Lyceum—na inoobliga ang mga guro at kawani na magretiro matapos ang 20 taong serbisyo sa unibersidad. Dagdag na pahirap dito ang 30–35% buwis na tinatanggal sa take-home pay kung sakaling magretiro ang isang kawani bago sila’y maging 50 taong gulang.
“Aside from teaching, we also do extension. We also do research because that's the requirement para makakuha [ang admin] ng mga awards nila. And yet, ang tingin nila sa [amin] is disposable,” ani Jovy Cuadra, pangulo ng faculty association, sa panayam ng Collegian. Limang empleyado ang sapilitang magreretiro ngayong taon dahil sa polisiya, dagdag pa niya.
Ipinaglalaban din ng mga guro ang karampatang dagdag-sahod batay sa pagtaas ng matrikula. Sa 15 taong pagtatrabaho ni Cuadra sa Lyceum, wala pa siyang natatanggap na dagdag-sahod mula sa tuition fee increase. Aniya, ibinibigay lamang ito kapag may nabuong bagong CBA, tulad na lamang noong 2021 kung saan naipanalo ng faculty ang dagdag P100 kada oras sa sweldo.
Ayon sa Republic Act 6728 o Government Assistance To Students and Teachers In Private Education Act, maaari lamang magtaas ng matrikula ang mga pribadong unibersidad kung 70% nito ay mapupunta sa mga guro at kawani.
Dahil sa pagtanggi ng Lyceum sa mga kahingian ng mga guro, kinakailangan ng 60% ng faculty association na mangutang upang matustusan lang ang kanilang pang-araw-araw na gastos.
“Mahal naman talaga namin ang Lyceum University. It’s just that there are times we need to speak out. Pakinggan naman nila kami. We are not asking for too much,” ani Cuadra.
Tulad ng kaguruan ng Lyceum, naghain din ng notice of strike noong Marso 25 ang University of Santo Tomas Faculty Union, matapos magkaroon ng deadlock sa negosasyon ng kanilang CBA.
Sa kabila ng taon-taong pagtaas sa matrikula, wala pang naitutupad na dagdag-sahod sa karamihan ng guro mula 2021, ayon kay Emerito Gonzales, pangulo ng unyon.
Naaantala pa rin ang pagpapamahagi ng higit P220 milyong tuition hike share ng mga guro at kawani mula 2020 hanggang 2023. Ayon sa UST, ipapamahagi lamang ito kapag nilagdaan na ang CBA.
“Parang nagiging bargaining chip siya. In other terms pa nga nung iba, it's like dangling the carrot to the rabbit,” ani Gonzales.
Noong Lunes, nangako naman ang administrasyon na dagdagan ang ilang benepisyo ng mga guro, tulad ng pagtaas nang P2,000 sa allowance ng mga NSTP facilitator at pagbaba sa emergency loan interest mula 6% hanggang 4%.
Ngunit wala pa ring nakakamit na kasunduan sa pito pang probisyon ng CBA. Pangunahin na rito ang ipinaglalaban ng unyon na 100% hospitalization coverage sa UST Hospital tulad ng ibinibigay sa mga kawani dito. Mula 1998, nananatili lamang ang coverage sa P100,000 kada taon.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang diyalogo ng mga guro ng Lyceum at UST sa kani-kanilang administrasyon kasama ang National Conciliation and Mediation Board, ang opisina ng Department of Labor and Employment na namamagitan sa mga labor dispute tulad ng di pagkasundo sa CBA.
Bagaman inaasahan ng mga unyon na mapakinggan ang kanilang hinaing, maaari nilang ikasa ang kanilang mga welga sa Mayo kung walang mabubuong kasunduan.
“We are not greedy. We are not asking for the moon. We are only asking for what is just, what the law says na dapat ay nasa amin and should be given timely,” giit ni Gonzales. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025.