Ni KARIMA LORENA TARIMAN
Makabuluhan ang walang humpay na pagkikinis sa estilo. Hindi maisisilid sa iisang kahon si Leonilo Doloricon—social realist, painter, illustrator, editorial cartoonist, printmaker, graphic designer—at bagong dekano ng College of Fine Arts (CFA). Sa ikalawang araw sa opisina, inilarawan ni Neil Doloricon ang direksyon ng kolehiyo, ng art scene, at ng Sining Pilipino.
***
Philippine Collegian (PC): Anu-ano ang mga programa ninyo para sa College of Fine Arts (FA)?
Neil Doloricon (ND): May dati nang mga programa pero gusto ko sana talagang simulan ang Research and Extension Program. Pwede nating sabihin na sa matagal na panahon, ang problema ng FA ay wala itong ganitong programa—kaya medyo may kasalatan ang intellectual contribution ng kolehiyo within the university… Napupunan ito ng creative aspect, pero dahil nasa akademya tayo, nakikita natin yung pangangailangan. Hindi lang para makapag-ambag sa university as a whole, kundi para sa kolehiyo.
Kailangang magkaroon ng FA ng research program na makakatulong sa pagpapaunlad sa pagtuturo mismo. Kapag nagtuturo ka kasi minsan at wala kang facts ukol sa trends—sa designing industry, halimbawa—paano mo maibabahagi yung bagong teknolohiya na pwedeng makatulong sa improvement ng isang design? Wala kang mapagkukunan.
Ang nangyayari sa amin, kahit nagwo-workshop kami, may kasalatan sa laman. Ang nagiging problema, parang hindi ka makakumpas sa kung ano ang takbo sa labas—sa industriya, halimbawa. Yung takbo sa akademya, hindi sumasabay. Sa ganitong kaso ko nakikita yung pangangailangan na magkaroon ng Research and Extension Program ang FA.
PC: May mga partikular bang mga isyu na tinutugunan ang mga programa, halimbawa, sa academic thrust ng kolehiyo?
ND: Kapag tinitingnan natin yan (academic thrust), depende sa leadership (ng dekano). Nasasalamin ang point of view mo sa kung anong klaseng leadership ang mayroon ka. Noong panahon nila, maaaring iba ang concern na binibigyan nila ng pokus.
Sa tingin ko naman, ang usapin ng kultura ang mas dapat na bigyan ng pansin. Halimbawa, ang usapin ng national identity. Isa itong continuous search—pursuit—para maging makabuluhan ang ambag ng Philippine visual arts sa paghubog ng isang Pilipinong kultura. Maaaring iba ang lebel ng paghahanap nito sa ibang disiplina ng sining. Sa Philippine visual arts, hindi ito masyadong nabigyan pansin sa mahabang panahon. May iba’t iba kasing mga pananaw na lumalabas.
PC: Gaya ng?
ND: May napakapersonal na pananaw sa sining. Halimbawa, hindi nila concern na dapat pala sinasalamin ng sining ang sensibilidad ng mga Pilipino, aspirasyon ng mga Pilipino, maging pulitikal man iyan o di pulitikal. Yung iba ang concern napaka-formalistic. Parang kwestiyon lang ito ng kung anong materials ang magandang gamitin—usapin lang ng texture o color aspect. Masyadong nakakahon sa pormalismo.
PC: May pagkiling sa form versus content?
ND: Siyempre, may mga artist na ganoon ang concern, pero maaaring naghahanap din ng national identity. Maraming gumagawa niyan. Halimbawa, sa paggamit ng appropriate materials. Sa iba, ang canvass ay hindi naman daw talaga bagay sa klima ng Pilipinas. Bakit ka magko-concentrate sa canvass? May mga available na materials or found objects na pwede mong magamit. Isang aspeto iyon ng paghahanap sa national identity.
Pero ang ibig kong sabihin, hindi lang dapat matali doon. Dapat malampasan mo ang usapin ng paggamit ng materials for creative purposes. Para kanino ba ito, itong ginagawa natin? Naiintindihan ba ng mga tao yan? Ano ba ang significance niyan? Hindi kasi napapataas ang level ng art appreciation. May kinalaman dito ang buong educational system—kung paano tinatrato ang art bilang subject sa kurikulum. Halimbawa, kung three units ang Mathematics, ang Art, 1.5—parang PE, parang Music. Hindi gaanong binibigyang pansin.
Kumbaga, kung mahina ka sa sining, kung mahina ka sa PE, okay lang basta’t mahusay ka sa Math, Science o English. Anong maaasahan nating pag-unlad ng art appreciation sa taumbayan? Siyempre, wala. Nasa tinatawag pa rin nating toreng garing—ivory tower. Create ka nang create, pero ang concern mo ay personal lamang. Later on, mawawala ang respeto sa iyo ng mga tao. Ano pa rin ang tingin sa sining? Para lang sa mayayaman, dekorasyon sa mga bangko. Tayo mismo naguguluhan sa ginagawa natin minsan.
PC: Gaya sa conceptual art? Ano ba ang conceptual art?
ND: Maaaring may sarili itong dinamiko sa local context. Ang Pinoy minsan, kung nanggagaya man, mas porma pa. Katulad halimbawa ng rap music. Sa US, kinakanta ng mga Black iyan as protest. Ang galit nila doon nila ipinapahayag—pati yung pagsusuot nila ng damit, protesta. Pero ang Pinoy tinitingnan iyan bilang isang fad. Yung konteksto, wala. Maganda yung kay Francis Magalona, nai-translate niya (ang rap music) along nationalist line, kahit papaano. Pero yung iba talaga, kapag kinopya ito, bilang isang fashion—wala yung konteksto, wala yung esensya. Porma lang ang kinuha.
Sa conceptual art, may tendency rin (na manggaya). Iyan kasi ang trend. Actually, hindi mo na rin masasabing bago ang conceptual art. Ganoon naman kasi ang progression ng iba’t ibang art movements sa US at sa Europe—laging may pagbabago. Kapag na-establish mo na ang isang konsepto, passe na ito kaagad. Kailangan na ulit ng bagong konsepto. Ang conceptual art, inabot na rin nito ang mataas na lebel. Hindi na ito bago.
Nagmumukha lang itong bago sa konteksto ng Pilipinas. Ang konsepto kasi nito bilang isang school of thought, nakaka-alienate. Iba ito sa kung ano yung popular, ano ang traditional, ano ang representational—kung ano ang mas madaling maunawaan. Ang conceptual art, ang laro nito—concept nga—more on the intellectual level. Lahat ng ginagawa nila, supposed to be ini-intellectualize, anuman ang gusto nitong ihayag na mensahe. Kung tutuusin, kadalasan wala. Problema pa rin ng porma, ng space, ng structure, ng material. Ganoon ang laro ng conceptual art.
PC: Ano naman ang social realism (SR)? Lipas na rin ba ito?
ND: Wala naman talagang bago kung pag-uusapan ang art movements. Lahat yan nagdaan sa isang proseso: nag-uumpisang bago tapos magmumukhang luma. I don’t think that’s the issue. Ano ba ang concern ng social realism compared to other schools of thought? Pagbabahagi ng nationalist ideas. Isa ito sa mga nagsimulang naghanap ng Philippine national identity sa aspeto ng kultura.
Gumamit kami ng lumang porma—representational. May mga gumagamit din ng installation o assemblage para magpahayag ng isang opinon o magtalakay ng isyung kinahaharap ng mamamayang Pilipino. Kasabay ng paglalagay ng laman ang pagkikinis sa porma. Hindi kami tumitigil dito. Sa tingin ko, habang nabubuhay ang artist, hindi mahalaga ang konsepto ng consistency sa estilo. Dapat nage-evolve ka. Dapat walang humpay ka sa pagpapakinis sa porma—para maging epektibo pa rin ang gusto mong ibahagi sa mga tao. Kapag hindi nagbabago ang porma o pamamaraan mo ng pagpapahayag ng opinyon, mawawalan din ng gana ang mga tao sa iyo. Magmumukha ka talagang luma.
Nakapabigat na gawain ang pagkikinis ng porma. Usapin kasi ito ng creativity. At kailangan, passionate ka rin sa paniniwala mo—kailangan committed ka. Kung hindi, yung sining mo mismo ang magsa-suffer, hindi uunlad. Kaya ang tingin nila sa SR, katulad pa rin noong late 70s at early 80s. Ganoon ang magiging epekto. “Hindi kayo nagbabago! Wala na ang dictatorial regime—ano pa ang saysay n’yo?” May mga ganoong usapin.
Pero hindi naman totoo ang sinasabi nila. Patuloy pa rin ang problema. Sa tingin ko, ang page-evolve ng SR ay bunga na rin ng mga kontradiksyon. Ito ang protest art sa sining biswal. Pero ang konteksto nito sa atin, hindi na simpleng protesta—bahagi na rin ito ng nationalist struggle. May larawan itong Pilipino dahil sumabay ito sa agos ng nationalist movement noong panahong iyon. Kahit na humina iyon, naroroon pa rin ang diwa. Hindi naman nila maikakaila na malaki pa rin ang impluwensya ng SR, lalo na sa kabataan. Hindi maikakaila na bahagi na ito ng kasaysayan ng sining biswal sa Pilipinas.
PC: Ano ang tingin ninyo sa kasalukuyang Philippine art scene?
ND: May paghina sa advocacy ng nationalist art sa visual arts. Yung mga matatanda sa art community, tingin ko hindi na gaanong nasundan. Nahahatak kasi sa komersyalismo yung younger batch, although may nade-develop na movement sa visual arts tulad noong three years ago—yun Salingpusa (isang Antipolo-based mural group).
Kung sa henerasyon namin, may mga natitira pa rin na nagpupursigi sa ganitong paniniwala (ng nasyunalismo). Noong nakaraang taon, nag-attempt kami na buhayin muli ito. Binuo namin yung Balintawak, parang preparatory committee para sa isang art exhibit para sa centennial. Pero hindi ito paglulunsad ng exhibit para sabayan ang centennial celebration ng gobyerno. For us, there should be a continuing revolution. Sa tingin namin, yung idineklara ni Aguinaldo noong 1898 ay hindi totoong kalayaan. Gusto naming ibahagi sa art community at sa lipunan sa kabuuan na patuloy pa rin ang paghahanap sa pagbabago, sa tunay na kalayaan.
Kung magtatangka ang henerasyon namin na buuin ulit ang nationalist movement sa art, mahirap na. Malaki na rin ang pagbabago ng mga tao. Bahagi talaga ito ng kung paano tumatakbo ang lipunan—apektado tayo ng mga nangyayari sa paligid natin at, minsan, iba’t iba ang mga desisyon natin sa buhay.
Ang may malaking papel ngayon ay ang mga bawat cultural activist—kailangang patuloy na panghawakan ang advocacy ng nationalist art. Sa ngayon, nakikita kong wala pa gaanong sumusulpot. Kung may sumulpot man, i-consider mo ang mga edad namin—kami nina Bogie Ruiz, Egai Fernandez, (Renato) Habulan, (Pablo) Baes Santos—ang laki na talaga ng puwang. On an individual basis, mayroon na ring ilang nade-develop, kaya lang yung concerns nila hindi na ganoon ka-pulitikal. They tackle subcultures, religiosity. Hindi tinatalakay ang kabuuan ng lipunan. Siguro mayroon silang mga simbolo na tumatalakay roon, pero base sa mga elemento na ginagamit nila, mukhang limitado. Maaaring mayroong ibang nasa nasyunalistang linya pero hindi gaanong aktibo sa art scene. Ibig sabihin, hindi nage-exhibit sa mga lehitimong gallery o museum. Mukhang kakaunti. Masaya na rin tayo na mayroon pa ring mga grupong katulad ng Alay Sining (isang UP-based cultural group) na may ganyang paniniwala. Hindi pa rin talaga patay—sumisipa pa.
PC: Ano para sa inyo ang direksyon ang Fine Arts sa bansa?
ND: Ang isang malaking development sa Fine Arts. Noon, kapag sinabi mong “Nay, gusto kong mag-Fine Arts,” natatakot yung mga magulang. Ang isasagot sa iyo, “Bakit ka magpipinta? Mabubuhay ka ba sa pagpipinta?” Kaya noon ang FA, maliit lang ang enrollment. Ngayon, maraming kumukuha ng Fine Arts, lalo na sa visual communication. Sa kung ilang taon, naseserbisyuhan ng mga kolehiyo yung pangangailangan ng design and advertising industry.
Kung UP ang pag-uusapan, sa advertising industry ay ang graduates ng FA ang masasabi nating malakas ang impluwensya, nasa leadership. Yun ang pwede nating ipagmalaki. Sa studio or editorial communication campaign, hindi kasi ganoon ka-lucrative lalo kung ang concentration mo ay ang gumawa ng mga plano for government-related communication problem. Ang malakas talaga ngayon ay ang marketing at advertising.
Ang painting hindi rin gaano kalakas, magkakalayo ang development. After SR, conceptual art—grupo nina Bobby (Roberto) Chabet… Hindi gaanong malakas yung gulong. Ang malaking period talaga diyan ay late 70s and early 80s, kung SR ang pag-uusapan. Sa painting, understandable na kaunti ang successful artists—dahil ganoon naman parati. Dahil kung committed ka sa pagpipinta, hindi naman sukatan diyan ang kita, kundi kung paano tinanggap ng media, ng peers, ng colleagues mo, at ng critics ng exhibit mo, kung pinag-uusapan ka sa art community. Bihira yung ganoon. Karamihan ang motivation lang ay ang kita. Pero nakakatulong ba iyan sa progression ng art? Hindi. Kasi kapag mayaman na sila, tumitigil na sila sa ganoong estilo dahil doon na sila kumita. Hindi na nila nae-evolve ang porma.
PC: Kumusta naman kayo sa art scene?
ND: Mula two years ago, medyo sunud-sunod na ang exhibit; kung hindi man one-man show, group show. Pero hindi naman tayo natatali sa mga exhibit lang. Involved tayo sa mga katulad ng ginagawa ng Alay Sining, sa mga forum. Kaya iniisip ko dito sa FA, dapat buhayin ang ganitong activities. Marami ngang mga estudyante ang nagtatanong, “Bakit walang mga forum on different art disciplines?” Pwedeng hindi lang tungkol sa SR, pwedeng pag-usapan ang photography—anu-ano ang mga school of thought sa photography. Pag-usapan natin ang art institutions—anu-ano ang role ng NCCA, AAP? Bakit ang dami-daming art institutions pero marami ring nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng pagkakataong makakuha ng grants.
Maipo-programa nating lahat ito, para magkaroon ng cultural awareness ang mga estudyante. For how many years dito sa FA, talagang wala. Ang concern nila rito—sabagay, iyan ang focus ng faculty—gumawa ng plates, ang ma-develop ang skill nila. Pero, siyempre, kapag sinabi nating academic activities, hindi lang dapat nakatali sa classroom. Ang knowledge, hindi lang sa loob ng clasroom umiikot yan.
Bilang estudyante, hindi mo dapat itinatali ang isip mo sa kung magkano ang baon mo, kung ano na namang plates ang ibibigay ni sir—yung mga ganoong problema. Lumalampas ka na sa eskwelahan: “Paano ako haharap sa lipunan? Ano ang papel ko bilang artist? Paano ako lalahok sa paghuhubog ng kultura? Paano ako magiging kapaki-pakinabang sa technological development—sa development ng lipunan sa pangkahalatan?” Kung ganoon na na ang iniisip mo, isang malaking bagay iyon. Paghuhubog na ng lipunan ang pinag-uusapan dito—malalim na.
PC: Mga huling salita para sa mga taga-FA?
ND: Malungkot na humina ang movement sa kultura sa sining biswal. Kung ganito ang kalagayan na walang pagpapasa ng responsibilidad para muling isulong ang art and nationalism, anong klaseng kultura ang aasahan natin sa Pilipinas? Babalik na naman siguro tayo sa pangongopya sa ibang bansa na dati rin naman naging ginagawa. Maipagmamalaki ba natin iyon? Na minsan hindi natin maintindihan ang konteksto ng mga kinokopya natin? Ano sasabihin sa iyo ng mga apo mo, ng mga anak mo: “Tay, anong ginawa n’yo? Ano ba yung sining?” Hindi nila maintindihan—(iniisip nila na) baka nga ang sining talagang dapat lang isabit sa pader, interior-friendly lang.
But art is beyond that—ispiritwal na bagay iyan sa isang lipunan. Kung ano yung kultura mo, lumalabas yan sa pangangatawan mo. Kung paano mo tinatrato ang sarili mo, ang kapitbahay mo, ang mga kaibigan mo. At kung paano ka tinitingnan ng ibang bansa. Ano yung nakikita nila sa atin? Wala, kundi salamin tayo ng colonization. Kung paano tayo tinatrato ng nangolonya sa atin, ganoon din tayo tinatrato ng mga tao sa ibang bansa. Isang malungkot na bagay ito para sa atin kaya kailangang buhayin ang nasyunalismo. Kung sa paanong paraan, dapat maging suliranin nating lahat iyon. Maaaring hindi tayo yumaman dito pero yung kayamanan ng kultura ang pinag-uusapan natin dito. Kung ituturo natin sa mga estudyante kung paano magiging effective communicator nang walang pagsasaalang-alang sa kultura, anong klaseng mga artist ang hinuhubog natin?
Bilang isang dekano, masasabi kong may kanya-kanya tayong mga papel na dapat gampanan, dapat gumawa tayo ng paraan. Mailap na bagay ito. Para tayong nangangapa sa dilim niyan—in search of national identity—maaaring magkabanggaan tayo, pero bahagi ng proseso iyan. Nagkakabanggaan tayo sa paghahanap—pero kaysa naman na hindi na naghahanap.
Habang may mga taong conscious of that effort, dapat bigyan natin ng suporta, dapat tulungan. Sabi nga natin, hindi naman ito mahuhulog galing sa alapaap. Hindi isang milagro ang mangyayari para makahubog tayo ng kultura. It’s a conscious effort. Tayo talaga ang gumagawa niyan. Kailangang makisangkot ang maraming cultural artists. ●
Unang nalathala sa isyu ng Kulê noong ika-6 ng Hulyo 1998, gamit ang pamagat na “Kuwadro Numero Uno: Leonilo O. Doloricon.”
Yumao si Doloricon noong ika-16 ng Hulyo 2021. Tanyag siyang tagapagtaguyod ng social realism sa kanyang sining at pulitikal na adbokasiya, na binitbit niya sa kanyang termino bilang dekano ng CFA sa UP Diliman noong 1998-2001. Noong kanyang kabataan, naging kawani siya ng Kulê. Simula 1986, naglingkod siya bilang editorial cartoonist sa iba’t ibang pahayagan tulad ng People’s Journal, Babayan, Manila Times, at Malaya Business Insight.