Ni SHEILA ABARRA
Nagkibit-balikat lang si Rissa. Hindi na siya gagaya sa nanay niyang nabuntis nang maaga. Nag-research yata siya. Condom lang naman ang katapat, at pag nabutas, bahala na si Papa Jizzas.
‘Yung pinakamatalik niyang kaibigan ang sinabihan niya. Kasing tibay ng ginawa nilang chinese garter nung Grade 1 ang pagiging magkasangga nila—buhay pa kasi ang garter hanggang ngayong Grade 8 na sila. Pero handa nang maputulan ng hymen si Rissa, magaling kasing gumawa ng vlog si jowa at mag-shoot ng ball tuwing recess.
Nagkibit-balikat lang si Rissa sa mala-sermon na lektura ng kanilang katekista. Nalilito rin siya dahil nagmamahalan naman sila ng kaniyang jowa. Sabi sa Bibliya, dapat magpasailalim ang babae sa kaniyang asawa at isa pa, “AsAwa qu0h” naman ang tawagan nila.
Sabi ng kaniyang titser sa Biology, gumuguho raw ang uterine lining kada buwan, pero kaba at takot ang gumuho sa loob ni Rissa nang ma-delay ang regla niya. ‘Di kasi niya sure kung nabutas ba ang condom o masyado lang makatas ang kanilang pagmamahalan.
Kay mahal kasi ng morning-after pill na dapat inumin kung delikado ang condom at gustong pigilan ang pagbubuntis. Pero sabi lang naman yun ng Kana sa isang guide-to-sex video. Nanalig na lamang siya sa Sprite na kaniyang ininom kinaumagahan.
Isa lamang si Rissa sa sampung Pilipino na nabubuntis nang wala pang 18 taong gulang. Isang malaking suliranin ang lumalalang kaso ng maagang pagbubuntis, na kasalanan sa Diyos para sa maraming Kristiyano sa bansa.
Mas maswerte pa si Rissa kung tutuusin, dahil maaari pang magpatuloy ang buhay niya. Pina-abort ng kaniyang magulang, mga sagrado-Katoliko, ang dapat bunga ng kaniyang pakikipagtalik. Kahihiyan, dahil ayon sa lumang turong Katoliko, bastado ang anak sa pagkadalaga at imoral ang pre-marital sex.
Tinawag naman ng dating Senadora Miriam Defensor-Santiago na immoral ang isang bilyong budget cut sa 2016 badyet na laan para sa family planning at contraceptives. Isa ang senadora sa mga taga-suporta ng Reproductive Health (RH) law, batas para sa libreng contraceptives, pampublikong serbisyo sa mga ospital para sa RH, at pagtuturo ng sex education sa mga pampublikong paaralan.
Budget cut na isinulong ng mga konserbatibong opisyales gaya ni Senador Tito Sotto, at temporary restraining order mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang sinapit ng RH law. Matapos ang proseso ng recertification ng FDA, nais na itong muling iimplementa ng kasalukuyang administrasyon.
Marahil iba ang epekto para sa kinabukasan ni Rissa na taga-Catholic school, at ibang-iba rin para sa mga bata sa Puerto Princesa, Palawan, kung saan isa sa limang teenager ang nabubuntis at napapasabak sa maagang pagpapamilya. Higit pa sa usapin ng nahihintong pag-aaral, lumalala ang kahirapan sanhi ng kawalan ng kakayahang makahanap ng disenteng hanapbuhay.
Epekto ang kahirapan—ito ang tinitingnan ng gobyerno dahil sa pataas nang pataas na populasyon ng bansa. Gayunman, sanhi rin ito, dahil ang kawalan ng kakayahang bumili ng pampaagas o kahit condom sa convenience stores ay isa rin sa puno’t dulo ng hindi inaasahang pagkabuntis.
Sa edad na 13 ay nagpaagas na si Rissa, habambuhay niyang makakapa-kapa ang pilat ng kasalanang ito sa Diyos. Palagi siyang mapapakibot sa tuwing makakapa ng susunod na mga kasintahan ang pilat na ito. Kung may libreng morning-after pills lang sana. ●
* Pasintabi kay Don Senoc. Unang inilathala ang akda sa isyu ng Kulê noong ika-23 ng Pebrero 2018.