Ni FRANK LLOYD B. TIONGSON
Walang hiya ang mga rebulto ng UP.
Bilang lang ang mga estatwa sa kampus, ngunit karamihan sa kanila’y nakahubad. Kitang-kita ang ipinagkaiba ng mga ito sa mga rebultong matatagpuan sa mga pribado’t sectarian na pamantasan tulad ng Ateneo at UST. Halos lahat ng estatwa sa mga kampus nila, mga bihis na bihis na santo. Dito sa UP, kalakha’y anonimo—kilala lang sa tema, postura, pamagat at, siyempre, sa hubog ng kanilang hubad na katawan.
Boso at Simbolo
Minsan na ngang kinutya ni dating DOJ Secretary Raul Gonzales ang UP sa paglipana diumano ng “naked runners,” na pasaring din sa pamumugad ng mga kritiko ng administrasyon sa pamantasan. Ang hindi niya alam, walang napikon. Bukod kasi sa mababaw ang kanyang naging pagtingin sa taunang Oblation Run ng Alpha Phi Omega, nakaukit na rin sa mga hubad na rebulto ng UP ang tradisyon, kasaysayan, at tunguhin ng pamantasan.
Pinakatanyag nga sa mga ito ang Oblation ni Guillermo Tolentino na mas kinikilalang simbolo ng unibersidad kaysa sa opisyal nitong logo. Kahit ang huling routine ng UP Pep Squad sa UAAP cheerdance competition ay nakaangkla sa naturang imahe. Bukod sa tila ipinipintang berdeng alibata at kapirasong tela, ang kulay balat na costume nila’y lumikha ng ilusyon na hubo’t hubad silang nagsayawan sa gitna ng Araneta Coliseum
Hindi na nakapagtataka na isa sa mga tampok na programa ng pamantasan sa taon ng sentenaryo nito ang paglunsad sa eksibit na “100 years, 100 nudes.” Sa pangunguna ng UP Alumni Association, pinasinayaan nitong Hunyo ang eksibit na tumipon sa mga obra ng 79 artistang alumni ng unibersidad. Kauna-unahang pagkakataon din ito na nagsama sa iisang eksibit ang mga gawa ng siyam na pambansang alagad ng sining tulad nina Tolentino, Napoleon Abueva, Botong Francisco, Fernando Amorsolo, at Benedicto Cabrera.
Hubad na Tradisyon
Mahaba na ang kasaysayan ng estetika ng hubad na katawan. Mula sa ideyal na sukat at symmetry ng mga rebulto ng mga Griyego, tumungo ito sa pagkahumaling sa anatomiya noong Renaissance, Sa patuloy na paggamit dito bilang tema ng sining at sa unti-unting pagbabago sa kamalayan ng tao, naging kumplikado na rin ang estetika’t pamamaraan ng pagsasalarawan ng hubad na katawan ng tao, lalo na nang umusbong ang mga kilusang tulad ng impressionism, cubism, at surrealism.
“Highlighting the beauty of the human body” diumano, ang isang tunguhin ng “100 Years, 100 Nudes,” ayon kay dating Alumni Regent Ponciano Rivera. Ngunit sa lawak ng impluwensya nito sa kultura’t tradisyon ng pamantasan, hindi na marahil sasapat na ipaliwanag ang pagkahumaling ng imahinasyon sa hubad na katawan ayon sa mga nasambit ni Rivera.
Sa madaling pagkilatis, masasabing simbolo ng liberalismo ng pamantasan ang pagkahilig sa hubad na katawan ng tao bilang paksa ng mga rebulto nito. Patunay din ito na sekular ang unibersidad, walang kinikilangang relihiyon at, samakatuwid, naigpawan na ang konserbatismo ng Simbahang Katoliko, lalo na pagdating sa sining. Kung palalawigin pa, masasabi rin namang tanda ito ng kapangahasan ng mga taga-UP at patunay ng malawak at bukas nilang isipan kumpara sa mga estudyante ng ibang pamantasan.
Ngunit maraming bagay pa ang nakaukit sa mga hubad na estatwa ng UP. Dahil ang hubad ng katawan ay larangan din ng iba’t ibang tunggalian.
Inukit na Tunggalian
Kung titingnan, halimbawa, si Oble, masasabing angkop ang kanyang postura’s tindig: nakadipa habang nakatuon ang paningin sa langit, tila walang pag-aalinlangan sa sarili. Hango diumano ito sa pangalawang saknong ng tulang Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal, na nananawagan ng buong pag-aalay ng sarili para sa bayan. Tumpak ang mensahe ng simbolong ito ng UP ukol sa dapat na tunguhin nito bilang pamantasan.
Ngunit hindi naman talaga maituturing na hubad si Oble. Ang dahon ng igos o fig leaf sa kanyang ari’y nangangahulugang may isang parte pa ring nakareserba para sa sarili. Sinasabi na iniutos ni dating UP President Jorge Bocobo kay Tolentino ang paglagay ng fig leaf sa ari ni Oble dahil hindi pa niya maatim ang sagad sa butong kahubdan ng rebulto. Sa pamamagitan nito, ginawang baog si Oble, katumbas ng “castration” ayon sa terminolohiya ng psychoanalysis, kung saan pinalabnaw ang simbolikong kapangyarihan ng rebulto.
Matatandaang naging kampanya rin ng Simbahang Katoliko ang paglagay ng fig leaf sa mga estatwang hubad noong Renaissance, partikular sa mga obra ni Michelangelo. Samakatuwid, may malaon nang kasaysayan ng konserbatismo sa pamantasan na pana-panahong nanunumbalik sa pamamagitan ng mga palisiyang kumikitil sa iba’t ibang demokratikong karapatan ng mga mag-aaral—tanda ng pananaig ng simbolikong kapangyarihan ng estado.
Inukit si Oble noong panahon ng asimilasyon ng Pilipinas sa kolonyal na gobyerno ng Amerika. Makikita rito ang mga palatandaan ng mga klasikong pamantayan sa sukat at symmetry ng katawan ng tao. Kung gayon, inukit ito ayon sa pilosopiya ng liberal humanism, isa sa mga saligang kaisipang nagtulak ng kolonyal na pananakop. Ito rin ang naging mitsa ng marahas na pananakop upang umayon ang mga nalupig na kultura sa mga kanluraning paniniwala’t sistema.
Bagamat naging tumpak na simbolo ito sa kasalukuyan ng pag-aalay ng sarili, may pira-pirasong mapapait na alaala ang kasabay na naukit ng pinakatanyag na simbolo ng pamantasan.
Sinubukan din namang gawing lokal ni Abueva ang naturang tema sa sining sa pamamagitan ng kanyang Siyam na Diwata ng Sining na matatagpuan sa tapat ng Faculty Center. Naisilang ang isa pa nilang kapatid, si Magdangal, na makikita naman sa tapat ng Kolehiyo ng Arte at Literatura. Hindi man matatawaran ang husay at naging ambag ni Abueva sa sining ng bansa, hindi pa rin naiwasang maiukit ang ilang mapapait na kasaysayan. Kinatawan ng siyam na diwata sa obra ang siyam na larangan ng agham at sining. Ngunit sa representasyon nito, hindi maiwasan ang pagbalik-tanaw sa “civilizing project” ng hegemonyang kanluranin.
Ngunit nagagamit din ang hubad na katawan bilang anyo ng protesta. Ang taunang Oblation Run ng kapatirang Alpha Phi Omega’y unang inilunsad noong 1977 bilang protesta laban sa pag-censor sa dulang Hubad na Bayani na naglarawan sa mga paglabag sa karapatang-pantao ng diktadurang Marcos. Hanggang sa kasalukuyan, inililunsad pa rin ang ritwal na ito upang tumugon sa mga tampok na isyu, gaya na lang ng pagpapanawagan para sa mas mataas na subsidyo para sa edukasyon.
Totoong iba ang konteksto ng mga hubad na rebulto ng pamantasan. Ngunit hindi estatwa ang lipunan, lalung-lalo na ang mga taong umiinog dito. Sa paglipas ng panahon, iba’t ibangang pakikitunggali pa ang matatagpuan sa mga tila inosenteng rebulto ng UP, alinsunod sa mga karanasan at ideolohiya ng mga tagapagmasid. Sa huli, marapat lamang angkinin ang simbolikong kapangyarihan ng mga ito at lumikha ng interpretasyong tunay na makapagpapalaya sa sarili at sa lipunan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-11 ng Setyembre 2008, gamit ang pamagat na “Hubog ng Hubad: Ilang tala sa tradisyon ng hubad sa Pamantasan.” Si Frank Lloyd Tiongson ay nagsilbing kapatnugot, tagapamahalang patnugot, at patnugot ng lathalain sa ilalim ng iba’t ibang termino sa Kulê, at naging tagapangulo rin ng UP Solidaridad. Siya ngayo’y miyembro ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).