Ni SANNY BOY AFABLE
Sa sulsol ng ahas, kakainin ni Eba’t Adan ang ipinagbabawal na mansanas. Magiging matandang palaboy ang ahas at iaalok niya ang prutas kay Snow White. Babagsak ang mansanas mula sa kanyang palad at pag-aagawan ito nina Aphrodite, Hera, at Athena. Ngunit nanakawin ito ni Mario para sa kanyang anak na maysakit at matatanggal siya sa trabaho.
Magsasara ang tabing. Tatangayin ang mansanas ng panahon papunta sa baybayin ng California. Gugulong ito sa pagitan ng nagkikiskisang mga sasakyan ng siyudad. Para bang itinadhana itong pulutin ni Steve Jobs. Sa isang iglap, ang buong daigdig ay maaakit, matatakam, at magugumon sa isang mansanas.
Alamat
Hitik ang kasaysayan at panitikan sa mayamang mito ng mansanas. Ayon sa kritikong si Roland Barthes, ang mito ay hindi lamang isang anyo ng kwento kundi isang “mensahe.” May kapangyarihan ang mito, at kapangyarihan din ang nagluluwal sa mito.
Noon pa ma’y simbolo na ng temptasyon ang mansanas. Sa Bibliya, nanunukso ang pulang kislap ng prutas na karaniwang inilalarawan bilang mansanas: Ako ay inyong tikman. Sa galit ng Diyos, pinalayas niya ang unang babae’t lalaking sumuway sa kaniyang utos—ang una sa marami pang sumunod na kasalanan ng tao. Sa mitolohiyang Griyego, premyo ang mansanas sa pinakamagandang diyosa: Sinong makapag-aakalang mauuwi ito sa Digmaang Trojan?
Hanggang sa kasulukyan nagpapatuloy ang mito ng mansanas: Nakatatakam ngunit makasalanan, simbolo ng kagandahan ngunit simbolo rin ng giyera. Mula sa mga alamat at kwentong-bata, ang mansanas ay nagiging pangalan, kapital, at simbolo ng paghahari ng kumpanyang Apple. Mapanganib pa rin ang tukso ng makabagong anyo ng mansanas, at ang pag-asam dito ay pagpasok sa isang paligsahan ng salapi.
Sa Pilipinas, may ‘di-pangkaraniwang hiwaga ang mansanas at produktong Apple. Hanggang ngayon, itinuturing ng maraming Pilipino na luho ang mansanas na nananatiling simbolo ng Amerika, ng wikang Ingles, ng karangyaan. Sa maikling dulang “The World Is an Apple” ni Alberto Florentino noong 1954, mansanas ang dahilan ng pagkakatanggal ng tauhang si Mario mula sa kaniyang trabaho, matapos siyang mahuling nagnakaw ng mansanas—isang luho kahit na para sa anak niyang may sakit.
Sa gitna ng kawalan ng pambansang industriya sa Pilipinas, pribatisadong mga serbisyong panlipunan, mababang pasahod at kahirapan, panandaliang ligaya at ilusyon ang hatid ng imported na luhong mansanas kay Mario, at produktong Apple sa neokolonyang tulad ng Pilipinas.
Panganib
Mula Eden, naging tukso ang mansanas sa mundong pinaiikot ng teknolohiya. Gumugulong sa merkado ang Apple bilang nangungunang information technology company sa daigdig. Nagtala ang Apple ng USD180 bilyong na kita noong 2015, higit na malaki kaysa kita ng Microsoft na pumangalawa lamang sa halagang USD90 bilyon. Samantala, aabot sa 700 milyong iPhones na ang naibenta sa buong mundo mula nang unang ilabas ito noong 2007 hanggang 2016, higit na sa kalahati ng kabuuang bilang ng yunit ng teleponong naibenta ng Nokia.
Pinakabago sa inilalako ngayon ng Apple ang iPhone SE, maliban sa mga bagong henerasyon ng iPad, iPod, at Mac. Pero halos walang pinagkaiba ang SE at ang sinundan nitong 6 Plus: Magkasingbilis ang mga processor at 12-megapixel pa rin ang kamera.
Ginagawang luma ng Apple ang mga dating produkto at lumilikha ng bagong uso. Tulad ng maraming kompanya, iskema ng Apple ang tinatawag na “planned obsolescence,” o ang patuloy na pag-“reinvent” sa imahe at mismong produkto nito para sa patuloy na pagkonsumo at kita. Halimbawa, ang mga lumang modelo ng mga produkto ng Apple ay kailangan nang palitan dahil hindi na maaaring makatanggap ang mga ito ng software updates. Sa katunayan, ito rin ang kalakaran ng iba pang mga kumpanyang tech, gaya ng Microsoft, Sony, at Samsung.
Ayon kay Jobs, simple’t magaan ang dating ng salitang “Apple,” tulad ng mga produktong ipinagmamalaki nito na simple, elegante, nakahihigit sa iba. Superlatibo ang paglalarawan sa produkto nito—revolutionary, cutting edge, most exciting, most interesting, most amazing—kaya hindi kataka-takang napakamahal ng presyo ng mga ito sa pamilihan.
Karaniwang nagkakahalaga ang iPhone ng halos USD600 o P27,000, malayo sa tinatayang USD200 o P9,000 na gastos sa produksyon nito. Malayo rin ang presyo ng iPhone sa halos USD250 o P11,000 na karaniwang presyo ng ka-kompetisyon nitong Android phones. Malaki ang epekto ng presyo ng iPhone sa pagpapaigting sa mitong ang Apple ay tatak ng kakayahang patuloy na bumili ng produkto—at unti- unti’y pagpasok nito sa panaginip ng mas nakaaangat na uring panlipunan.
Palayo sa Eden
Walang ideya ang ngayo’y nahihimbing na si Snow White na siya’y malalason ng isang mansanas. Tulad nito, mapanganib ang mitipikasyong nililikha ng Apple dahil inilalayo nito ang produkto sa produksyon nito, binabalutan nito ng kislap ang dugo’t pawis ng mga manggagawang lumikha nito.
Lumikha ng ingay ang Apple noong mga nagdaang taon dahil sa balita ng pananamantalang nararanasan ng mga manggagawa ng pinakamalaki nitong supplier sa Tsina. Taliwas sa itinatanghal na imahe ng Apple ang 12 oras ng pagtatrabaho at mababang sahod ng mga manggagawa ng Foxconn Technology Group. Pumutok ang balita noong 2010, nang 18 manggagawa ng Foxconn ang nagtangkang magpakamatay. Labing-apat sa kanila ang binawian ng buhay.
Sa ulat naman ng Amnesty International, bigo ang Apple sa pagtitiyak na walang menor de edad na nagtatrabaho sa mga minahan ng cobalt sa Congo. Mahalagang parte ang cobalt ng mga lithium-ion battery sa iPhone. Sa kabila ng ipinagmamalaking USD50 bilyon na kita ng Apple noong 2015, tinataya ng United Nations Children's Emergency Fund (UNICEF) na 40,000 ng mga manggagawa sa minahan ng Congo ay wala pa sa ligal na edad.
Samantala, habang patuloy ang proseso ng pagkamal ng murang lakas-paggawa, lalong tumitindi ang alienation: Balintunaang mismong manggagawa ng Foxconn o minero sa Congo ay hindi makabili ng mga iPad at iPhone na kanilang binubuo.
Hindi na kataka-takang naghahanap ang Apple ng ibang “teritoryo” tulad ng Tsina upang palakasin ang produksyon at merkado nito. Ayon sa iskolar na si David Harvey, “spatial fix” ang tawag dito—bilang tugon sa krisis ng labis na kita at labis na produksyon, naghahanap lamang ang kapitalismo ng bagong mga lupaing paglalagakan ng kapital at muling paghuhuthutan ng bagong kita.
Ngunit bilang likhang puno ng nagpatung-patong na mitolohiya, ang Apple ay nakasisilaw na hiwaga sa kabila ng maraming batikos. Ayon sa kritikong si Jean Baudrillard sa kanyang Consumer Society, ang patuloy na pagkonsumo ay anyo ng “moral demonstration”—ang paghahangad na makamit din ang pribilehiyo’t “kaligtasan” ng mga nasa itaas, sa kabila ng tumitinding kontradiksyon sa lipunan. Kalakip nito ang pagsabay sa uso at paglikha ng komoditi mula rito, habang ang totoong merkado ay ang walang humpay na paghahangad.
Walang tuktok ang tore ng paghahangad. Kay Baudrillard, ang “selective innovation” at “re-invention” tulad ng “planned obsolescence” ng Apple ay nililikha ng naghaharing-uri upang mapanatili ang kanilang distansiya mula sa masang naghahangad ng kanilang posisyon. Halimbawa, habang nagiging pangkaraniwan ang SE, lilikha naman ang Apple ng bagong uso. Pilit itong aabutin, at patuloy lang ang proseso ng paglikha’t paghahangad para sa lumalaking kita ng Apple. Dagdag na baitang ang bawat iPhone sa walang katapusang pagnanais ng marami na umakyat sa lipunan.
Pero para sa hanay ng mas nakararaming manggagawa sa daigdig, isang hungkag na pangarap ang pasukin at akyatin ang tore ng paghahangad. Sa “The World is an Apple,” ang tangis ni Mario at ng marami pang tulad niya: “Nilikha ba ng Diyos ang puno ng mansanas para mamunga lang sa may kakayahang bumili nito?” ●
*Paumanhin kay Alberto Florentino. Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika–12 ng Abril 2016. Si Sanny Boy D. Afable ay nagsilbing punong patnugot ng pahayagan mula 2017 hanggang 2018. Natapos niya ang kanyang undergraduate degree sa statistics cum laude at natanggap ang kanyang master's sa demograpiya kamakailan lang.