Ni SHEILA ABARRA
Wala pa ako sa sapat na edad pero ngayong nagbalik ako sa aming bayan sa Negros, parang nag-iiba ang aking pakiramdam, parang may nagtutulak sa aking magngitngit, magalit.
Yung pangalan kong Ana, naging Anang Aswang na simula elementarya. Tubong Negros kasi kami, bagaman ang kwentong katatakutan ay sa Capiz madalas, basta Bisaya, aswang. Pero pakiramdam ko may katotohanan, dahil sa aking pagtanda, may galit sa loob ko na parang maghahasik sa takdang panahon.
Tumatawa lang ang Nanay ko pag kinukwento ko. Baka raw mana ako sa mga lola ko sa tuhod na matatapang na sakada ng Negros. Napakalawak ng salitang ‘matapang’, hindi naman siguro iyon nangangahulugan ng pagka-aswang?
Baka nga may lahi kaming aswang. Kaya ngayong undas at nagkakataong babalik ako sa Negros, inantay ko ang bilog na buwan sa tubuhan. Nang maghahatinggabi na, naramdaman ko ang antok kung kaya pumikit ako saglit at sumandal sa isang kubo.
Nakaramdam ako ng usok at tubig sa aking buong katawan at nang dumilat ako, laksa-laksang sakada ang magkakapit-bisig sa aking tabi at harapan. Nangilabot ako sa mga pulis, paramilitar at sundalong nagbobomba ng tubig sa mga sakada.
Ang aking lola sa tuhod ang may hawak ng megaphone at sumisigaw ng “Bigas, hindi tear gas!” Nang mabaling ang tingin ko sa mga militar, nagsihaba ang kanilang mga dila, tumutulo ang mga laway, “Mamatay kayo hindi lamang sa gutom, kundi sa bala!” anang tunay na aswang.
Ilang saglit pa, pinaulanan na ng bala ang mga kasama kong sakada. Isa-isa silang nagsibagsakan at maging ako. Nagising ako’y malalim na ang madaling araw at saka ko napagtantong hindi ako ang tunay na aswang.
Wala pa ako sa sapat na edad pero ngayong nagbalik ako sa aming bayan sa Negros, malinaw na ang aking pakiramdam. Ang kawalan ng hustisya sa higit tatlong dekadang masaker sa Escalante ang nagtutulak hindi lamang sa akin kundi sa bawat sakada at pesante para magngitngit, magalit. ●
Unang inilathala ang akda noong Nobyembre 1, 2018. Noong Setyembre 1985, nagkasa ang mamamayan ng Escalante, Negros, ng Welgang Bayan upang iprotesta ang kalayaan ng bansa mula sa batas militar ng diktador na si Ferdinand Marcos. Lugmok ang ekonomiya at hanapbuhay ng mga magsasaka sa sakada, sa kabila ng pangakong pamimigay ng lupa ni Marcos. Bagsak ang sahod ng mga magbubukid at talamak ang militarisasyon at pang-aabuso ng mga paramilitar. Sa ikalawang araw ng Welgang Bayan, Setyembre 20, habang kapit bisig na nananawagan ang mga residente ng Escalante para sa demokrasya at hustisya, pinalibutan at walang awa silang pinaputukan ng mga paramilitar.
Napatunayan nang nagkasala ang pwersa ng estado, ngunit di pa rin nito naibibigay ang dapat na danyos sa pamilya ng mga biktima. Napalaya rin sa pamamagitan ng parole ang mga pulisyang sangkot sa krimen noong 2003. Hanggang ngayon, nananatiling lugmok ang mga magsasaka sa Negros—biktima ng kahirapan, at ng karahasan ng mga panginoong may lupa.