Ni JOHN FRANCIS C. LOSARIA
Nangatigil ang gawain sa bukirin.
Nagpahinga ang makina sa pabrika.
At sa madla ay nagbanta ang dalita.
Nangalupaypayang puhunan at kalakal.
Nangasara ang lahat na…
- Aklasan, Amado V. Hernandez
Sa isang iglap, magbabago ang lahat. Pansamantala munang hindi matitikman ang paborito mong tsokolate. Pansamantala munang liliban sa pinakaabangan mong klase.
Mabubulok ang mga gatas sa merkado habang unti-unting naglalaho ang mga asembleangg pila ng mga mangagawa sa pagawaan. Samantala, magsisimulang pamahayan ng katahimikan ang mga pasilyo ng pamantasan.
Magiging silid-aralan ang lansangan, kung saan ang mga estudyante’y mananabik magtala sa konkretong sementong daan at sa mga dingding na nakatiwangwang. Magiging pabrika ang liwasan kung saan ang mga manggagawa ay hahanay upang magyari ng bagong kamalayan.
Pagpigil Upang Magpatigil
Isa ang boykot sa mga porma ng pagkilos ng isang grupo ng mga tao upang ipakita ang pagtutol sa isang umiiral na kaayusan. Ayon kay Judy Taguiwalo, isang beterano ng kilusang kabataan noong panahon ni Marcos, ang boykot ay isang relatibong mataas na antas ng pagkilos. “May mga isyu talaga na sa bigat at laki ng implikasyon, nangangailangan ng pagkilos na katumbas din ng bigat ng isyung iyon,” paliwanag niya. Kung sa mga manggagawa, mas kilala ito bilang welga.
Ang paggamit ng terminong “boycott” ay pinasimulan noong 1880 ni Charles Stewart Parnell ng Irish Land League, isang organisasyong nakipaglaban para sa reporma sa lupa sa Ireland. Hango ang salia kay Captain Charles Cunningham Boycott, isang ahenteng Ingles na nagpalayas ng mga nangungupahan sa kanyang lupain. Tinugunan ito sa pamamagitan ng hindi pagrenta, pagtrabaho at pagtangkilik ng mga magsasakang Irish sa mga lupain ng Ingles. Mula rito, nagsulputan ang mga boykot na may iba’t ibang dahilan at adhikain—diskriminasyon sa lahi, pang-aabuso sa kalikasan, politikal na pahayag, pagsasamantala sa mga mangagawa at iba pa.
Kung sa Pilipinas, 1900s pa lamang ay nakapagsagawa na ng mga boykot ang mga unang unyon sa bansa. Isa rito ang pagkalahatang welga noong ika-2 ng Agosto 1902 para sa dagdag na sahod. Pagpasok ng huling bahagi ng dekada ‘60 patungong 70’s, naging popular naman sa mga estudyante ang boykot. Nagkaroon ng malawakang boykot ng mga klase na may iba’t ibang panawagan: ang pangkalahatang welga ng 1969 para sa demokratisasyon ng UP; ang Diliman Commune noong 1971 laban sa oil price hike at pangangalaga sa pang-akademikong kalayaan sa lobo ng kampus; at ang maramihang pagliban sa klase ng mga estudyanteng tumututol sa Education Act of 1980.
Paglabas Upang Magpamalas
Mapapatotohanan sa boykot ang binabanggit ni John Berger sa kaniyang “The Nature of Mass Demonstrations” na ang mga demonstrasyon ay may simbolikong layuning maipakita ang lakas at kakayanan ng malawak na bilang ng tao. Katangian ng isang boykot ang paghadlang sa normal na kalakaran sa lipunan.
Tila tumigil ang lahat sa isang boykot. Ito ay dahil pinapatid ng tao ang isang pang-araw-araw na siklong kanyang sinusundan—gigising, kakain, mag-aaral, magtatrabaho, uuwi—kasabay naman ng paggawa ng bago. Isa itong siklo ng produksyon at pagkonsumo na kinakaharap ng tao. Sa mga estudyante, ang sama-samang pagliban sa klase ay pansamantalang pagpaparalisa sa sistema ng edukasyon sa loob ng mga silid-aralan, upang pag-aralan ang realidad sa labas ng pamantasan sa pamamagitan ng mga forum, diskusyon, at mobilisasyon. Para sa mga manggagawa, ang di pagpasok sa pagawaan ay isang pagtatangkang ihinto o pabagalin man lang ang produksyon sa isang partikular na panahon.
Bahagi rin ng boykot ang paghikayat na huwag tangkilikin ang mga produkto ng mga tinututulang kumpanya o institusyon. “Isa iyang paraan ng pagkalap sa mas malawak na suporta,” ani Taguiwalo hinggil sa pagboboykot ng produkto. Ibinigay niyang halimbawa ang boykot noon sa mga produktong pagmamay-ari ng mga crony ni Marcos kabilang na ang dyaryong Daily Express.
Tanyag naman ngayon ang pandaigdigang boykot laban sa produktong Nestlé. Isang aspeto nito ay ukol sa labis na page-endorso ng mga gatas na pangsanggol at pandarahas sa mga miyembro ng unyon tulad na lang ng pagpaslang sa lider-mangagawang si Ka Fort.
Ang talaban sa boykot sa paggawa at boykot sa pagkonsumo ay pagpaparalisa sa daloy ng puhunan mula sa produksyon hanggang sa labis na ganansyang tubo ng mga malalaking negosyante. Sa ganitong paraan naibabaliktad ang relasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng mga negosyante at ng mga mangagawa at konsumer. Ito ay sapagkat pinupuntirya ng boykot ang pinakamahalagang bagay sa negosyo, ang tubo at kita.
Paghinto Upang Magpatuloy
Gayunpaman, katangian din ng kasalukuyang sistema ng lipunan ang gumawa ng matingkad na pamamaraan para paigtingin ang labis na pagkonsumo ng mga tao. Monopolyado na ng iilang kumpanya ang maraming mga produkto—mula sa shampoo sa pagligo, ang asukal sa pagkain, ang kontraktwal na trabaho, ang bagong bilang damit, ang hikayat ng bagong model ng cellphone, hanggang sa maiuuwing pasalubong—na nagtatali sa pang-araw-araw na buhay ng tao at sa sistema. Para lamang isang pasilyo sa mali na saan mang direksyon ay katukso-tuksong pagkonsumo ang tutunguhin. Walang kawala.
Kaya naman hindi ganoon kadaling maisagawa at maipagwagi ang isang boykot. Ayon kay Taguiwala, “isa itong mahabang proseso.” Sa pag-igting ng krisis sa isang partikular na panahon, nagiging mahirap para sa ilan ang agaran makibahagi kahit sa parehong mangagawa at estudyante. Sa ganitong kalagayan, ani Taguiwalo, mahalagang maipaliwanag nang husto ang pangangailangan at ang mga posibleng tagumpay ng mga ganitong klase ng pagkilos.
Pinatutunayan ng mga karanasan na ang presyur ng boykot ay nagiging materyal. Kasama rito ang pangkalahatang welga ng UP noong 1969 kung saan napagtagumpayang makuha mula sa administrasyon ang mayorya sa 77 kahilingan ng mga estudyante, guro at kawani.
Hindi nangangahulugan na kung hindi agarang maabot ang hinihiling ay wala nang naiaambag ang boykot. Ayon nga kay John Berger, ang mga demonstrasyong masa ay mga ensayo o paghahanda ng rebolusyonaryong kamulatan. Nangangahulugan na ang pakikiisa rito ay isang manipestasyon at isa ring hakbang sa mas malalim na pag-unawa sa mga politikal na usapin.
Sa isang iglap, magpapatuloy ang paglikha ng mga bago sa lipunan mula sa pagtigil ng mga gulong na bakal sa pabrika at paghinto ng pagdaan ng mga produkto sa mga kahera. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-23 ng Hulyo, 2008, gamit ang pamagat na “WALANG PASOK: Ang Esensya at Bisa ng Boykot sa Paggawa at Bisa ng Boykot sa Pagkonsumo.”