Magdadalawang taon ko ring hinintay itong pagkakataon na muling makalabas, dumayo sa kanayunan, at muling makisalamuha sa mga magsasaka. Nagdesisyon kaming mga mula sa pangkultural na organisasyon na muling magsagawa ng basic masses integration (BMI) sa Lupang Kapdula sa Dasmariñas, Cavite. Layunin naming hikayatin ang mga magbubukid na paingayin ang kanilang sitwasyon sa pag-aangkat ng mga inaning produkto sa merkado at sa kawalan ng sapat na ayuda mula sa gobyerno—sa pamamagitan ng sining na sila mismo ang lilikha.
Tanghali na kami nakaalis ng Maynila dahil dumalo pa kami sa aming pang-umagang klase. Nagkomyut kami papuntang Lupang Kapdula, kaya inabot ng halos tatlong oras ang biyahe. Naghintay kami ng mga kasamang pwede kaming alalayan sa pag-akyat. Bahagyang umulan noong umaga kaya medyo basa ang daang nilakad namin. Hamon sa amin ang pagpanik dahil mayroon kaming dala-dalang mabibigat na bagahe.
Matarik na putikang lupa lamang ang daanan ng mga residente papunta rito. Para makaahon nang ligtas, kinakailangan naming maghanap ng makakapitang tangkay o malalaking bato nang sa gayo’y hindi kami dumausdos pababa. Kailangang maging maingat tuwing may madaraanang ilog dahil pwede kaming madulas kapag basa ang talampakan sa pag-akyat.
Kaya laking pasasalamat na lang namin sa mga anak ng mga magsasakang umalalay sa amin. Bakas sa kanilang kilos ang kasanayan sa pag-akyat-panaog sa sakahan ng Kapdula. Kapag kasi mayroong nagkakasakit sa kanilang pamilya at kailangan nilang bumili ng gamot, wala silang magawa kundi ang bumaba mula sa matarik na sakahan at umakyat papuntang sentro. Ang dati kasing kahit paano ay patag at maayos na daanan papuntang merkado, hinarangan na ng tarangkahan. Bunga ito ng pribatisasyon nitong Agosto, sa pag-uutos ni Juan Ponce Enrile, para sa kanilang pag-aaring negosyo.
Nauna nang iniulat ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP) ang lagay ng mga magsasaka sa Lupang Kapdula. Nitong Hulyo lamang, humingi ng tulong ang mga magsasaka dahil pinagsisira ang kanilang kabahayan at nilagyan ng tarangkahan ang ibang parte ng kanilang lupang sinasaka. Lahat ng ito ay gawa ng South Cavite Land Company Inc. at JAKA Investment Corporation na pagmamay-ari ng pamilya Enrile. Sapilitan ding ipinasusuko nina Enrile sa mga magsasaka ang kanilang lupang sakahan na may sukat na 155 ektarya.
Naramdaman na namin ang sakit ng katawan dahil sa mabibigat naming dala at halos 20 minutong pag-akyat. Pagdating sa taas, agad naming ibinaba ang aming mga gamit, nag-ayos nang kaunti, at naghanda ng lulutuin para sa hapunan. Ipinakilala ng mga taga-Lupang Kapdula ang kanilang paboritong sinabawang putahe, na kung tawagin ay bulanglang. Ang pangunahing sangkap nito ay malunggay, talbos ng kamote, tanglad, at asin bilang pampalasa. Mahirap suungin ang daan papuntang merkado, kaya lahat ng kanilang iniluluto ay madalas nanggagaling sa kanilang mga pananim.
Sa ikalawang araw ng aming pamamalagi, pagkatapos mananghalian ay napagdesisyunan naming umakyat pa sa ibang parte ng Lupang Kapdula upang kapanayamin din ang ibang magsasaka. Doon namin nakilala si Ate Davelyn. Inanyayahan niya kaming tulungan siyang pumitas ng mga sitaw para maibenta na ito, at upang ang sobra naman ay maipamahagi sa mga nangangailangan sa Kapdula. Habang pumipitas ng mga sitaw, naramdaman ko ang matutulis na dahon nitong ubod ng kati kapag dumampi sa balat pero hindi naman nag-iiwan ng pantal.
Habang pinupumpon ni Ate Davelyn ang mga sitaw, ibinahagi niya sa amin na ang benta nila sa sitaw ay piso lamang kada piraso. Lugi pa nga sila dahil mas gusto raw ng mga nagnenegosyo sa palengke ng sariwang produkto. Nasabihan silang kapag pipitas ng sitaw, gawin ito sa madaling-araw, at saka ibenta sa umaga bago magbukas ang palengke. Nahihirapan sina Ate Davelyn sa ganitong suhestyon dahil wala naman silang ilaw na magamit sa dilim, at wala rin naman silang transportasyon na mabilis na makapagdadala ng produkto sa sentro.
Tuwing dumaraing sina Ate Davelyn at ang iba pang magsasaka na buksan ang daan mula sa lupang sakahan papuntang merkado, laging ipinagdiriinan ng mga guwardyang mula sa kampo ni Enrile na kailangan munang maglabas ng mga magsasaka ng papeles na nagpapatunay na pag-aari nila ang ibang bahagi ng Lupang Kapdula. Kapag walang mailabas na papeles ang mga magsasaka, ang mga guwardiya ang naghahain ng “papeles ng lupain” na galing sa mga Enrile.
Pabalik sa pinagtitipunan, sinamahan kami ng mga batang napag-alaman naming anak at pamangkin pala ni Ate Davelyn. Tinanong namin sila kung anong pinagkakaabalahan nila liban sa paglalaro sa bukid. Bukod sa pagtulong kay Ate Davelyn sa gawaing bukid, kasa-kasama raw sila nina Ate Davelyn at ng iba pang mga magsasaka ng Lupang Kapdula sa pagpoprotesta para sa tunay na reporma sa lupa. Nabanggit nila sa amin na minsan na silang nagtanghal sa isang kilos-protesta sa Mendiola sa pamamagitan ng pagsayaw.
Muli naming inanyayahan ang mga batang ito na magbahagi ng kanilang talento sa palihan at kultural na tanghalang idinaraos ng Teatro Kabataan Mula sa Nayon (TeKa MuNa), Sining na Naglilingkod sa Bayan (Sinagbayan), Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), at Artista ng Rebolusyong Pangkultura (ARPAK). Habang kasama namin silang naglalakad pabalik, nagpakitang-gilas pa sila at kumanta ng awiting pambukid.
Agad na nakiisa ang anak at pamangkin ni Ate Davelyn sa palihan. Pinagsulat namin ang mga kabataan ng tanaga matapos naming ipaliwanag kung ano ito. Ang kanilang paksa ay ang kasalukuyang lagay ng kanilang pamilya sa komunidad. Pagkatapos nilang magsulat, pinag-grupo namin ang mga kabataan at nagpatanghal ng sabayang pagbigkas gamit ang mga tanagang kanilang naisulat.
Natapos ang aming araw na may paalalang mahalaga ang papel ng sining sa gitna ng krisis, dahil dito maibubuhos ang natural na emosyon ng mga binubusabos na binunga ng kasalukuyang lagay ng lipunan. Pagkatapos ng pagpupulong at paglalagom ng mga naganap sa pamamalagi sa Lupang Kapdula, nag-empake kami ng mga gamit dahil maya-maya lang ay babalik na kami sa Maynila. Nang matapos sa pag-aayos, sama-sama na kaming bumaba mula sa matarik na sakahan. Muli kaming sinamahan ng ilang anak ng mga magsasaka pabalik sa daang-bayan.
Ligtas kaming nakabalik at nag-abang ng masasakyang bus pauwi. Sa paghihintay, marahan kong pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Naisip ko na sa dalawang araw na pakikipamuhay sa mga magsasaka at sa kanilang mga anak, halos pare-parehas ang tema ng kanilang mga likhang-sining—pagmamahal at pagrespeto sa kalikasan, at pagkamuhi sa mga nangangamkam ng kanilang lupang sakahan. Iisa rin ang kanilang pagnanais na malaya sanang makapagtanim at mapanatili ang kanilang lupang sakahan hanggang sa susunod pang mga henerasyon. ●