Nakalaot na si Tatay Elpidio bago pa man ang bukang-liwayway. Ilaladlad niyang banayad ang lambat na humahalina sa mga isda’t iba pang mga lamang-dagat na malapit sa kaniyang bangka. Matatapos siya ng alas dyis ng umaga, saka didiretso sa palengke upang ipagbili ang kaniyang mga nahuli.
Kung tutuusin, payak ang kanilang buhay sa Brgy. Lamao sa Limay, Bataan—sumasapat naman ang kaniyang kita upang tustusan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak at mga apo. Gayunman, tila pinagdamutan na sila ng kalikasan sa dalang ng mga isda nang magsulputan ang mga plantang coal-fired na nakatirik mismo sa may dalampasigan.
Sagana man sa likas na yaman ang bayan ng Limay, kakaibang kalbaryo naman ang dinaranas ng mamamayang naninirahan dito. Idinadambanang pag-unlad ang pagkakaroon ng mga plantang hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi maging sa buhay at kabuhayan ng mamamayan para lamang sa interes ng iilang korporasyon.
Ningas
Ramdam na ramdam na ng mga residente ng Sitio Pexsite sa Brgy. Lamao ang negatibong dala ng mga plantang coal-fired, wala pang isang dekada ang operasyon ng mga planta.
Kalagitnaan ng taong 2012 nang maitayo ang planta ng Petron na may kapasidad na 140 megawatts. Binili ito mula sa San Miguel Corporation (SMC) PowerGen Inc. upang tustusan ang pangangailangan ng Petron Bataan Refinery na may kapasidad na 180,000 bariles mula sa dating 90,000 bariles, ayon sa nakasaad sa master plan ng planta.
Nang sumunod na taon, wala pa mang environmental compliance certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), binubuo na ang plano para sa isa pang 600-megawatt na plantang coal-fired na pag-aari naman ng SMC Consolidated Power Corporation. Ang kumpanyang ito ang nagsusuplay ng kuryente sa 19 na porsiyento ng buong bansa.
At dahil pag-aari ng pribadong kumpanya, hindi kataka-taka na nakapagtala ang kumpanyang Petron ng higit P5.8 bilyon na pagtaas ng kita sa unang tatlong buwan ng 2018 habang patuloy na tumataas ang presyo ng kuryente sa bansa.
“Noong wala pang planta, kumita ka na ng P500, sagana ka na. Hindi pa maghapon ‘yun. Ngayong andiyan na ‘yan … umuuwi ako ng alas dyis ng umaga, tatatlong isda [ang nahuhuli ko], maliliit pa,” reklamo ni tatay Elpidio sa tumal ng isdang nagagawi ngayon sa kanilang lugar.
Noong 2016, lumabas sa pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na kontaminado ng mataas na lebel ng heavy metals tulad ng chromium, cadmium, at mercury ang mga isdang malapit sa planta. Problema din ang mga abo na pumapasok hanggang sa loob ng kanilang tahanan. Nakapagtala ang Provincial Office ng Bataan ng 649 na kaso ng pagkakasakit sa Sitio Pexsite sa taong 2017.
“Doon mo makikita ang kapabayaan ng gobyerno natin sa kanilang mga obligasyon sa mamamayang tulad namin,” ani Nestor Castro, residente ng Sitio Pexsite at pangalawang pangulo ng Limay Concerned Citizen Inc. (LICCI), isang grupong nalunsad noong 2015 at aktibong tinututulan ang mga negatibong implikasyon ng planta sa kalusugan ng mga residente.
“Kasi tulad noon, naglabas na ang BFAR [ng pag-aaral, pero] wala man silang aksyon para gawan ng paraan na kwestyunin o alamin kung bakit ganiyan [ang nangyayari sa ‘min],” dagdag ni Castro.
Liyab
Sa kasalukuyan, mayroong 17 operational na plantang coal-fired sa buong bansa, at may 29 pang inaprubahan ang Department of Energy na inaasahang matatapos sa 2020. Higit sangkatlo ng bansa ang patuloy na umaasa sa coal para sa kuryente, kaya hindi kataka-takang noong 2016, naitala ng Center for Global Development Studies ang Pilipinas bilang pang-32 sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng binubugang carbon dioxide na nagpapainit sa mundo.
Bagaman mayroon nang iba pang posibleng pagkuhanan ng kuryente, kalahati pa rin ng daigdig ang nakaasa sa coal. Sa katunayan, isa’t kalahating beses ang itinaas ng pagkonsumo ng coal sa buong mundo mula 2000 hanggang 2014, ayon sa ulat ng World Energy Council. Sa mga ibang pag-aaral, coal pa rin ang nananatiling pinakamurang pinagkukunan ng kuryente kumpara, halimbawa, sa solar power.
Ngunit para kay Derek Cabe, lead convenor ng Coal-Free Bataan Movement, hindi totoong mas mura ang paggamit ng coal sa pagprodyus ng kuryente. “Hindi nila isinasama sa cost ‘yung health, ‘yung socioeconomic, ‘yung pollution; ini-externalize nila ‘yung impact na ‘yan kaya sabi nila mura,” ani Cabe.
Ito ang kapalarang sinapit ng kabiyak ni Nanay Anita. Matagal na nagtrabaho sa planta ang kaniyang asawa ngunit noong 2016, nakitaan ito ng bukol sa baga na ayon sa mga doktor na tumingin dito sa clinic ng kumpanya, ay makukuha sa gamutan.
“Noong una, magagamot daw. Sabi nila noon, hangga’t maaga, gagamutin. Eh ‘di siyempre, kami naman po, tiwala sa mga doktor. Sa kagustuhan pong gumaling, lalo [lang lumala]...kaya hindi na kami naniwala sa sinabi nila. Magagamot tapos bandang huli, wala,” kuwento ni Nanay Anita.
Lumabas sa pag-aaral na isinagawa ng Atmospheric Chemistry Modeling Group ng Harvard University na labis na nakakasama sa kalusugan ng tao ang makalanghap ng “fly ash,” ang abong galing sa sinusunog na coal. Mas pino pa ito sa hibla ng buhok na sa oras na malanghap ito ng tao, nagreresulta sa komplikasyon sa katawan ng tao.
Apula
Sa kabila ng matataas na bilang ng insidente ng pagkakasakit sa lugar, patuloy na itinatanggi ng mga kumpanya na responsibilidad nila ang insidente. Sinabihan pa silang may “galis aso” lamang at hindi dahil sa nililipad na abo, ayon kay Alex Pura, kasapi ng LICCI.
Pero giit ng LICCI, kapabayaan ng Petron at SMC ang nangyari sa kanilang lugar. Dahil environmentally critical project ang mga planta, isa sa mga rekisito ayon sa DENR sa pagkuha ng kanilang ECC ay ang environmental and social impact assessment, kung saan nakalagay ang kanilang detalyadong hakbangin kung sakaling magka-aberya sa planta.
Ngunit umpisa pa lamang, tila wala nang pakialam sa kanila ang mga kumpanya. Walang tamang konsultasyon sa mga residente bago maipatayo ang planta, at hindi rin dinidinig ang kanilang hinaing ng lokal na pamahalaan sa mga public hearing na iilan lamang din ang pinadadalo. “Kung marunong ka sa environmental law, lahat ‘yan nilalabag nila rito. Pero pagdating mo sa regional at central office, ayos lang ‘yan,” ani Pura.
Mahalaga ang kuryente sa buhay at kabuhayan ng tao. Ngunit kung isinasadlak ng iilang nagmomonopolyo nito ang mga mangingisdang katulad ni Tatay Elpidio para sa sariling ganansya, makatarungan ang igiit ang kanilang karapatang mamuhay nang payapa. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-13 ng Pebrero, 2019, gamit ang pamagat na “Alimpuyo ng Alabok.”