Pilit na pinasuko ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga magsasakang kasapi ng grupong Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) bilang mga rebelde at miyembro ng mga progresibong organisasyon sa isang pagpupulong sa Agdangan, Quezon ngayong hapon.
Sa tulong ng 201st Infrantry Brigrade, pwersahang pinatungo ang mga magsasaka sa isang covered court kung saan sila ay magiging bahagi ng programa para sa mga surenderees ng CPP-NPA-NDF at ng mga progresibong organisasyon, ayon sa Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), pang-rehiyong organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Pinagbantaan ng mga militar ang mga magsasaka na sasampahan ng kaso kung tatanggi sa “imbitasyon” na tumungo sa covered court. Tinatayang 400 magsasaka ang pwersahang pinasuko ng mga pwersa ng estado ngayong araw sa Agdangan.
“Ang sabi nila (mga militar), kaya raw kami pinasusuko para palinisin daw ang barangay namin at malinis ang aming mga pangalan,” ani Jojo*, isang magsasaka at miyembro ng CLAIM, sa isang panayam sa Collegian.
Saad pa niya, nagsunog ng watawat ng CPP-NPA-NDF ang mga opisyal ng NTF-ELCAC at militar. Pinasumpa rin sila ng katapatan sa pamahalaan matapos papirmahin ng mga dokumentong nagsasabing sila ay mga rebeldeng sumuko.
“Sumuko na lang kami [sa awtoridad at] sumunod na lang kami para wala nang gulo pa,” ani Jojo.
Hindi ito ang unang beses na niloko at pwersahang pinasuko ang mga magsasaka ng Quezon. Noong Setyembre, may mga pinasukong magsasaka rin sa mga karatig-bayan na Macalelo, San Francisco, Catanuan, at Lopez, ayon sa ulat ng KASAMA-TK.
Sinisisi ng CLAIM at KASAMA-TK ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Coconut Authority sa NTF-ELCAC at Ang pagmamanipula kay Genelyn Dichoso, isang dating staff ng Karapatan-Quezon, na tumulong para sa pagpapasuko sa mga magsasaka. Pinaghihinalaang hinuli ng mga militar si Dichoso noong Abril habang siya ay papunta sa doktor, at pinalagda ng mga dokumento bilang patunay ng pagsuko sa militar bagaman walang kasamang abogado.
Sa kasalukuyan, nananawagan ang KASAMA-TK at CLAIM kay Quezon Governor Danilo Suarez, Agdangan Mayor Radam Aguilar, at Sangguniang Bayan ng Agdangan, na pagtibayin ang isang resolusyon kung saan napagkasunduang magbibigay sila ng suporta sa mga magsasaka.
Kabilang sa mga isinusulong ng mga magsasaka ng Quezon ang pagpapanumbalik sa kanila ng Coco Levy Fund. Mahigit apat na dekada nang nabinbin ang pagpapanumbalik sa mga buwis ng magsasaka na ninakaw ng diktador na si Ferdinand Marcos at ng kanyang mga kroni.
Bagaman hinatulan na ng Korte Suprema na pag-aari ng mga magsasaka ang pondo, at naipasa na ang Coco Levy Trust Fund na mekanismo dapat upang maibalik ang buwis, marami pa ring isyu ang batas na tinututulan ng mga grupo ng magsasaka.
Isa rito ay ang komposisyon ng Trust Fund Management (TFM) committee na nakatakdang lumikha ng implementing rules and regulation sa pamamahagi at paggamit ng pondo. Binubuo ng mga ahensya ng gobyerno ang komite, ngunit kapansin-pansin ang kawalan ng representasyon mula sa mga pesante.
“Makatwiran ang paglaban ng mga magsasaka sa niyugan para maibalik sa kanila ang Coco Levy Fund,” anang KASAMA-TK sa isang pahayag. “Kailangan nilang (Suarez, Aguilar at Sangguniang Bayan) patunayan na sila ay nagsisilbi sa interes ng mga magsasaka, at samahan sila sa laban para sa karapatan, demokrasya at tunay na reporma sa lupa.” ●
*Di tunay na pangalan. May kasamang ulat mula kay Daniel Sebastianne Daiz.