Ni ALDRIN VILLEGAS
Sunud-sunod na putok ng mga baril ang umalingawngaw matapos ang marahas na pagbomba ng mga pulis ng tubig at tear gas sa mga magsasaka’t manggagawa ng Hacienda Luisita sa may 6,435-ektaryang lupain na pag-aari ng angkan ng Cojuangco-Aquino sa Tarlac.
Habang gumagapang palayo sa insidente, tinamaan ng bala sa hita si Jhaivie Basilio, 20 taong gulang. Nang damputin siya ng mga pulis, tinalian siya ng alambre sa leeg, isinabit ang katawan sa bakod, at saka binaril sa dibdib, kwento ni Nay Violeta Basilio, ina ni Jhaivie.
Sampung taon na ang nakalipas ngunit sariwa pa rin sa alaala ni Nay Violeta ang sinapit ng kanyang anak. Si Jhaivie ang pinakabata sa pitong napaslang sa tinaguriang “Hacienda Luisita Massacre” noong ika-16 ng Nobyembre taong 2004, kung kalian nagwelga ang mga magsasaka’t manggagawa ng asyenda bunsod ng kalunos-lunos nilang kalagayan.
Ilang buwan bago ang masaker, namatay ang ama ni Jhaivie kaya napilitan siyang magtrabaho bilang isang tauhan sa tubuhan, kasabay ng kanyang pag-aaral. “Nung buhay pa ‘yung asawa ko, P9.50 lang kada linggo ang kinikita niya dahil sa mga kaltas, at sa pagpapatupad ng patakarang Stock Distribution Option (SDO),” ani Nay Violeta. Sa ilalim ng SDO, kinakaltasan ang kanilang sahod para sa rasyon ng bigas, asukal, at pautang para sa pangangailangang pang-edukasyon at medikal ng kanilang pamilya.
Gayunman, hindi umano nila napakikinabangan ang nasabing mga benepisyo. Sa katunayan, napilitang mangibang bansa ang dalawang anak ni Nay Violeta, kaya naman tanging ang bunsong anak na lamang niya ang kanyang kapiling. “May sarili na silang pamilya doon. Hindi ko na nga maalala kung kailan umuwi yung mga anak ko, isa nasa California at ‘yung isa nasa Singapore,” pahayag ni Nay Violeta.
Matagal nang ipinapanagawan ng mga magsasaka na ipamahagi na ang lupang matagal na dapat nilang pagmamay-ari. Taong 1957 nang bilhin ng pamilya Cojuangco ang Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac mula sa Tabacalera, isang korporasyong Espanyol. Pautang mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Government Service and Insurance System ang perang ipinambili ng Cojuangco, sa kondisyong ipamamahagi sa mga magsasaka ang lupain matapos ang sampung taon.
Lumipas ang dalawang dekada ngunit hindi tumupad ang Cojuangco-Aquino sa kasunduan. Sa halip ginawa pang legal ang pag-angkin sa lupain nang isabatas ang 1988 Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino. Sa ilalim ng CARP, hindi maaaring ipamahagi sa mga magsasaka ang lupaing hindi agrikultural kaya isinailalim ang asyenda sa “land use conversion” kung saan tinayuan ng mga komersyal at residensyal na gusali ang malaking bahagi ng tubuhan. Dahil dito, maraming mga magsasaka at manggagawa sa tubuhan ang nawalan ng trabaho.
“Instead of seeking justice for the victims, Aquino continues to champion the interests of the landowning class and the coercive state apparatus that brought about the Luisita Massacre,” ani Renato Reyes Jr., secretary general ng partidong Bagong Alyansang Makabayan.
Dagdag ni Nay Violeta, karahasan ang sinalubong sa kanila ng mga pulis nang magprotesta sila sa harap ng bahay ni PNoy sa Time Street noong anibersaryo ng masaker. “Tumakbo ako sa sasakyan kasi pinagpapalo na ng mga pulis yung mga kasama ko.” Ani Nay Violeta hinarangan din ng bato ang sasakyan para hindi sila makaalis, at nakalabas lamang sila nang dumating na ang midya.
Nobyembre 2011 pa nang sang-ayunan ng Korte Suprema ang pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka subalit hanggang ngayon hindi pa rin ito naipatutupad ng administrasyon ni PNoy. “Aquino cannot ensure justice for the victims because he himself is one of the main perpetrators and staunchest defenders of the Hacienda Luisita massacre,” ani Ranmil Echanis, Punong Kalihim ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura.
Sa pagbabalik ni Nay Violeta sa lugar kung saan pinaslang ang kanyang anak, napansin niya ang malaking pagbabago—nakatindig na ang mga gusali’t bakod at wala na rin ang bakas ng dugo ng mga manggagawa’t magsasaka. Subalit kahit tila nilimot na ng panahon ang alaala ng karahasan, umaasa si Nay Violeta na ang bawat pagkilos niya ay hakbang tungo sa pagkamit ng hustisyang patuloy na mailap para kina Jhaivie at sa iba pang magsasaka ng asyenda. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-12 ng Pebrero 2015.