Limang lider-magsasaka at mangingisda ang inaresto habang 105 bahay ang giniba sa isang marahas na demolisyon na naganap sa 32 ektaryang lupa ng isang komunidad sa Brgy. Taltal, Masinloc, Zambales noong Hunyo 19.
Ikinulong sina Neil Edward Geroca, Claire Elfalan, Elmer Nollas, Elmer Madarang, at Alex Mose, mga kasapi ng Samahang Magsasaka at Mangingisda ng Brgy. Taltal, na kabilang sa nagtangkang makipag-usap sa demolition team upang pigilan ang paggiba.
Bagaman pansamantalang nakalaya na ang lima noong Hunyo 24 sa kabuuang P250,000 na piyansa, nahaharap pa rin sila sa mga kaso ng direct assault, obstruction of justice, physical injuries, at resistance and disobedience. Kinasuhan din si Geroca ng illegal possession of explosives matapos makumpiskahan umano ng isang Molotov cocktail, bagay na pinabulaanan ng samahan.
Layunin ng mga kasong takutin ang mga lider ng samahan upang bitawan ang kanilang pagtindig para sa lupa ng komunidad, ani Geroca sa panayam ng Pokus Gitnang Luson.
Bago isagawa ang demolisyon, tinangkang suhulan ang 13 lider ng komunidad ng tig-P31,000, na mariin nilang tinanggihan, upang sila’y makisama sa demolisyon. Nang hindi umubra ang negosasyon, nagbarikada ang komunidad upang harangan ang demolition team.
Sinaktan at tinutukan pa ng baril sa gitna ng demolisyon ang ibang miyembro ng komunidad, ayon sa samahan sa isang Facebook post. Matapos ang ilang araw, kinabitan ang lupang kanilang binubungkal ng mga karatulang may “no trespassing.”
Bukod sa kawalan ng tahanan, dagok din sa kabuhayan ng higit-kumulang 400 miyembro ng komunidad ang pagwasak sa tanim nilang kamote, mais, sitaw, at iba pa na umaabot sa P1 milyon ang halaga.
“Ngayon ay nalalapit pa ang habagat. Kapag tag-ulan, hindi kami makapangisda kaya ang ginagawa namin, nagsasaka. Ngunit itong maliit naming sinasaka ay pilit pang aagawin sa amin,” saad ng samahan.
Naganap ang demolisyon sa pamumuno ni Sheriff Roy Mendones mula sa regional trial court ng Iba, Zambales, kasama ang isang demolition team na may higit-kumulang 50 pulis, na ipinadala ng mga pribadong developer na sina Perpetuo Yap at Jennifer Escala.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng atake sa mga magsasaka ng Taltal. Nitong huling taon lang, nagkaroon din ng demolisyon, kung saan 500 pinyang tanim ng komunidad ang winasak sa pamumuno rin nina Escala at Yap.
Malaon nang nahaharap sa land dispute ang lupang binubungkal ng komunidad na bahagi ng 55 ektaryang planong ipamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Patuloy rito ang banta ng pagmimina sa lugar sa kamay ng mga malalaking kumpanya, ani Geroca.
Sa ngayon, 23 ektarya pa lamang ang naipapamahagi dahil sa deklarasyon ng Department of Agrarian Reform noong 2004 na hindi umano akma ang lupa para sa agrikultura, na siyang napagdesisyunan alinsunod sa isang petisyong hinain ni Yap.
Ngunit binubungkal at patuloy na napakikinabangan ng komunidad itong lupa mula pa noong panahon ng Hapon, habang naninirahan na ang pinakamatandang mga miyembro ng samahan simula dekada 80 pa, ayon sa mga magsasaka.
Para sa mga grupo, tinutulak lamang ng petisyon ni Yap ang pangangamkam ng lupa sa pamamagitan ng land use conversion, na laganap sa iba-ibang probinsya ng Gitnang Luzon.
Bilang tugon, naghain ng petisyon nitong huling taon sa Department of Agrarian Reform ang samahan ng Taltal na naglalayong bawiin ang desisyon ukol sa 32 ektaryang lupa. Nakiisa rin ang mga magsasaka sa limang araw na kampuhan noong Marso, kasama ang iba pang mga magsasaka ng Gitnang Luzon, sa harap ng departamento upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa.
Ngunit nalaman na lamang ng komunidad na nagbabadya ang demolisyon sa kanilang sitio nang maghain ng notice to vacate ang municipal trial court ng Masinloc-Palauig noong Mayo 19.
Patuloy na dudulog ang samahan sa Department of Agrarian Reform upang idiin ang pagbabalik ng 32 ektaryang lupa sa mga magsasaka, pagsulong ng tunay na repormang agraryo, at pagtigil sa kumbersyon ng lupa.
“Kaya sa gantong gipit na kalagayan, patuloy pa rin kaming magkakaisa, at lalaban upang makabalik kami, upang ang kapakinabangan naman ay para sa aming nagpapagal. Tuloy ang laban,” panawagan ng grupo. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Hulyo 2025.