Sa malawak na karagatan ng West Philippine Sea (WPS), binabagtas ng mga Pilipinong mangingisda ang buhay sa pagitan ng tunggalian at pakikisangkot. Nitong Ago. 11 lamang, nagsalpukan ang dalawang barko ng Tsina habang tinatangka nilang habulin ang Philippine Coast Guard sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Bagaman nananatili ang presensya ng mga Pilipinong mangingisda rito, patuloy silang naiipit sa ibayong banta ng pandarahas at paniniktik mula sa Tsina.
Kung gayon, matimbang ang ginagampanan ng mga naratibong magsisiwalat sa tunay nilang mga danas. Sa kabila ng tahasang pagpigil ng Tsina sa pagpapalabas ng dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ni Baby Ruth Villarama, hindi nito naikubli ang reyalidad ng kanilang panunupil sa karagatang deka-dekada nang nagsilbing tahanan para sa mga Pilipinong mangingisda.
Unang nakatakdang itampok ang dokumentaryo sa Puregold CinePanalo Film Festival sa Quezon City noong Marso pa lamang. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, itinigil ang dapat na pagpapalabas dito. Bagaman walang klarong kadahilanan, para sa mga namemelikula, malinaw ang mensaheng mahihinuha rito: Patuloy na sinesensura ang mga kuwento ng inhustiya sa gitna ng namamayaning makapangyarihang puwersa.
Sa halip na suportahan, nagpatangay sa agos ng sindak mula sa banyagang interes ang lokal na pagdiriwang na inaasahang dapat kumakanlong sa naratibo ng mga Pilipino. Gayundin, ipinapakita ng ganitong hakbangin ang pagkakait sa karapatan ng malayang pamamahayag sa gitna ng lumulubhang pagsupil sa katotohanan.
Kalaunan, nang ipalabas ang “Food Delivery” sa Doc Edge Festival 2025 sa New Zealand, muli itong nakatanggap ng banta ng sensura. Nagpadala ng liham ang konsulado heneral ng Tsina sa Auckland na nananawagang ipatigil ang pagpapalabas ng dokumentaryo dahil hitik daw ito sa disimpormasyon at propaganda. Ngunit nanatili ang tindig ng pagdiriwang sa malayang pagpapahayag at itinuloy ang pagpapalabas nito.
Taliwas sa pahayag ng Tsina, sagana ang dokumentaryo sa konkretong danas ng pandarahas ng China Coast Guard laban sa mga lokal na mangingisda ng WPS. Higit, walang anumang natanggap na suporta mula sa estado ang dokumentaryo, kaya hindi ito maaaring paratangang propaganda ng Pilipinas laban sa Tsina, ani Villarama.
Kung bibigyang pansin ng estado ang dokumentaryo, magsisilbi itong kontrapuntal sa mga mapanghamak na pahayag ng Tsina. Gayundin, ang pagsuporta rito ay estratehikong paraan ng pag-aangkin at pagkilala sa karapatan ng bansa sa WPS. Salimbayan dito ang pagtitiyak sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisdang nakaasa sa likas na yaman ng karagatan.
Buhat ng pandarahas ng Tsina sa mga mangingisda, tulad ng pagtutok ng baril at paggamit ng water cannon upang paalisin sila, kaunti na lamang ang isdang kanilang nahuhuli kaya mababa rin ang nauuwing kita. Ani ng isang mangingisda sa dokumentaryo, madalas, pangkain na lamang ang isdang nahuhuli nila. Dagdag pa sa suliranin ang pagtaas ng gastusin sa gasolina at iba pang mga kagamitan sa pagpapalaot.
Ilan lamang ito sa mga manipestasyon ng patuloy na panunupil ng China Coast Guard sa mga mangingisda sa WPS. Sa makailang ulit na pagtatangkang isensura ang dokumentaryo, ang kuwento at buhay ng mga Pilipinong pumapalaot ang nakaambang tangayin ng rumaragasang puwersa mula sa Tsina.
Lampas sa hangaring maipakita sa kapuwa Pilipino ang bigat ng sitwasyon sa WPS, isang paraan ang pagtampok ng dokumentaryo sa ibang bansa upang matunghayan ng mas malawak na manonood ang umiigting na pandarahas ng Tsina. Sa gayon, natutunggali ang ipinamamandila nilang kaisipang sila ang mayroong hurisdiksiyon sa WPS. Higit, nalalantad ang buhay ng mga mangingisda sa makatao at makatotohanang kaparaanan mula sa punto de bista ng mga Pilipino.
Nananatiling kahingian sa estado ang pagsustena sa pangangailangan ng industriya ng mga namemelikula, tulad ng Film Development Council of the Philippines, na kumikilala sa mga independent at lokal na pelikula. Salimbayan sa pagsuportang ito ang pagtitiyak na napakikinggan ang kondisyon ng mga itinatampok na apektadong sektor, tulad ng mga mangingisda—yaong malayo sa anumang porma ng pandarahas at panunupil.
Makapangyarihan ang katotohanan. Kaya gaya ng walang takot na pagpalaot ng mga mangingisda sa WPS sa kabila ng banta ng China Coast Guard, walang pangingimi ring babagtasin ng dokumentaryong ito ang nagbabadyang daluyong tungo sa malayang pagpapahayag at pagpukaw sa damdamin ng bawat Pilipino. ●