“Never in my wildest dreams”—ganito inilarawan ng lider-mamamalakaya at tanggol-kalikasan na si Roberto Ballon o Ka Dodoy, 57, ang pakiramdam nang matanggap ang prestihiyosong Ramon Magsaysay Award noong 2021.
Gaya ng itinatanim niyang bakawan sa bayan ng Kabalasan, Zamboanga Sibugay, nagbunga ang higit tatlong dekada niyang pag-oorganisa sa mga kapwa mangingisda para sa adbokasiyang mangrove reforestation.
Ngunit, hindi para sa anumang parangal kumikilos si Ka Dodoy. Diin niya, ginagawa niya ito upang tulungang umahon ang mga kapwa mangingisda mula sa kahirapan at igiit ang kanilang karapatan sa sustenableng kabuhayan.
“Ako ay anak ng mangingisda at nakikita natin sa pang-araw-araw gaano kahirap, gaano kasakit yung gusto kang mag-aral, hindi mo magawa dahil mahirap ka,” kwento ni Ka Dodoy sa Kulê. “Kung linangin kaya natin yung dagat at alisin yung mga maling pamamaraan, siguradong babalik yung mga resources na nawala.”
Bagaman malayo na ang narating ng pag-oorganisa ni Ka Dodoy, higit na malayo pa ang lalakbayin ng mga mangingisda ng Kabalasan. Sa kabila ng kanilang tagumpay buhat ng pag-oorganisa, nananatili ang mga pagsagasa sa kanilang kabuhayan bunsod ng coastal development para sa itinatayong airport at seaport, tourism access roads, at development facilities at ipinalalawak na commercial fishponds.
Hindi hiwalay ang danas ng mga mangingisda sa Kabalasan sa danas ng maraming mangingisda sa bansa. Sa Taliptip, Bulacan lamang, higit 600 puno ng bakawan—na nagsisilbing tahanan sa sari-saring isda at ibon at inaasahan ng 5,500 katao sa pangingisda—ang pinutol habang 700 pamilya o tinatayang 3,000 katao ang pinaalis upang bigyang-daan ang itinatayong New Manila International Airport ng San Miguel Corporation.
Nananatili namang banta sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda ang commercial fishing sa 15 kilometrong tubig munisipal. Aabot sa 90% ng kabuuan ng katubigang munisipal ang mapupunta sa malalaking negosyo ng pangisdaan kung tuluyang ipatutupad ang utos ng Korte Suprema, ayon sa grupo ng mga mangingisda na PAMALAKAYA.
Ipinunto pa ng grupo na malawakang pagpapaalis sa mga pamilyang naninirahan sa mga baybayin ang dulot naman ng mga reklamasyon at pagsasagawa ng military exercises sa mga katubigan ng bansa, partikular sa West Philippine Sea.
Mariin ding ipahahayag ng PAMALAKAYA sa SONA ng Bayan sa Lunes ang pagtutol nito sa foreign military activities, kabilang ang Balikatan exercises at ang pagpapalawak ng Estados Unidos ng mga base militar nito sa Pilipinas, na anila’y nakaaapekto sa kabuhayan at seguridad ng mga mangingisdang Pilipino.
Inaasahan naman ni Ka Dodoy na mabibigyang-pansin ng pangulo ang tumitinding tensyon sa West Philippine Sea, proteksyon ng maliliit na mangingisda, pagtugon sa climate change, pagpapanagot sa mga mapanirang mining operation, at ang pagsugpo sa korapsyon sa pamahalaan.
“Kaya ang panawagan natin, palakasin talaga ang education system natin. Gumawa ng mga makabagong programa, at syempre, kundi para maging accessible at magiging inclusive yung ating education system sa Pilipinas,” ani Ka Dodoy. ●