Naging makasaysayan ang hatol na ibinaba ng korte hinggil sa kaso ng Ampatuan massacre noong nakaraang taon. Ngunit para sa pamilya ng mga biktima, hindi pa ito ang ganap na hustisya.
Matapos ibaba ang desisyon hinggil sa Ampatuan massacre, alamin kung paano nagpapatuloy ang pamilya't taga-suporta ng mga biktima upang makamit ang katarungang nananatiling mailap sa bawat isa.
Pagkilala
Malinaw pa sa alaala ni Ma. Reynafe Castillo kung paano niya kinainisan bilang bata ang pagiging mamamahayag ng kanyang amang si Reynaldo Momay. Bilang isang photojournalist, kailangang pumunta ni Momay kung nasaan ang balita kaya hindi niya kayang maglaan ng mahabang oras para sa kanyang anak.
“You can’t really stop him,” ani Castillo. “Kahit na nasa espesyal na handaan kami o simpleng salu-salo, kung may tawag siya, aalis at aalis yun. Hindi siya napipigilan kasi ang idadahilan niya, kailangan siya roon.”
Bagaman naiintindihan niya ang dedikasyon ni Momay sa propesyon, hindi mapigilang madismaya ni Castillo dahil sa kakarampot na sahod na natatanggap ng kanyang ama. Madalas din siyang mag-alala para sa kaligtasan ng kanilang padre de pamilya dahil sa kaakibat na banta ng pagiging mamamahayag sa bansa.
Hindi nagkamali si Castillo sa kanyang pangamba. Nangyari ang malagim na pagpaslang sa kanyang ama noong Nobyembre 23, 2009 sa kamay ng makapangyarihang pamilya ng mga Ampatuan sa Maguindanao. Kabilang siya sa 58 biktima ng nasabing masaker.
Dekada ng paglaban para sa hustisya ang pinagdaanan ni Castillo hindi lang para sa kanyang ama kundi para sa lahat ng pinaslang. Ngunit nang ibinaba ng isang korte sa Quezon City ang desisyon sa kaso isang taon na ang nakalilipas, wala pa ring kapanatagan sa loob ni Castillo. Hinatulan man ng 40 taon na pagkakakulong ang 28 sa mga akusado, hindi naman kinilala ng korte bilang biktima ang kanyang ama.
“Bagong pahirap sa’min ito na pagkahaba-haba na ng pinagdaanan para lang makuha yung justice. Sobrang hirap and I just can’t understand kung ano pa bang gusto ng justice system sa atin,” ani Castillo. “Nandyan na, harap-harapan na yung pagpatay, marami yung nag-witness at klaro nilang iprinisenta yung nangyari. Sadyang pinapahirapan kami by twisting the facts na ibinigay.”
Alam ni Castillo, kung gayon, na mahaba pa ang gugugulin niyang panahon para makamit ang hustisya. Sa kabila nito, handa pa rin siyang harapin ang laban.
Panibagong Yugto
Naninindigan ang kampo ng mga biktima na matibay ang salaysay ng mga saksing nagpatunay na kasama si Momay sa mga pinatay. Nagsumite ang kanilang kampo ng apela sa Court of Appeals upang maisama si Momay sa listahan ng mga biktima, ngunit wala pa ring tugon ang korte hinggil dito.
Inaasahan ni Atty. Nena Santos, lead counsel ng ilan sa mga biktima, na maaari pang humaba ng lima hanggang 10 taon ang usad ng kaso habang dinidinig ang apela ng mga biktima.
Bukod sa pagkilala kay Momay, nais din nilang itaas ang danyos na dapat bayaran ng mga nahatulan sa halagang P500,000 kada pamilya, higit na mataas sa P300,000 unang idineklara ng korte.
“Ang lalabas kasi sa [ganyang kababang] danyos ay okay lang mag-massacre nang marami dahil ang civil damages niyo ay kapiranggot lang … Parang walang pinagkaiba yung civil damages sa madami yung pumatay at maraming pinatay sa isa lang yung pumatay at isa lang ang biktima,” ani Santos sa isang forum ng Freedom for Media, Freedom for All Network noong Nobyembre 23.
Nais din ng kampo nina Santos na ikulong ang 48 indibidwal na hindi naisama sa unang grupo ng mga akusado. Ngunit sa resolusyong nilagdaan ng Department of Justice (DOJ) noong Agosto 28, 2019 na natanggap lamang nina Santos nitong Oktubre 27, walo lamang sa mga ito ang nakikitaan ng ahensya ng “probable cause” para litisin.
Para kay Santos, ang desisyong ito ay nagpapakita ng panibagong porma ng kawalang-katarungan.
“Three paragraphs lang yung legal basis para i-dismiss yung kaso at yung naka-cite pa na case ay kaduda-duda,” pahayag ni Santos sa parehong pagtitipon. "Parang feeling ko hindi na natin kakampi [ang DOJ], parang pinagbigyan lang ako sa walo tapos inalis yung 40. Ano ba yung 40 na yun, sa testimony [pa lang] ng mga witness pwede na silang ma-convict.”
Sa kabuuan, tinatayang nasa 76 na suspek ang hindi pa naipakukulong. Mayroon ding mga ulat na sumapi umano ang ilan sa mga ito sa Moro Islamic Liberation Front upang makapagtago. Sa palagay ni Santos, malaki ang pananagutan ng Philippine National Police (PNP) at ng iba pang ahensya ng pamahalaan sa patuloy na proteksyong natatanggap ng mga akusado.
“The PNP lacks the political will to arrest the suspects. One of the reasons is that the areas where these suspects allegedly sought refuge are controlled by the families of the Ampatuans. Also, allegedly, money exchanged hands for their continued freedom,” paliwanag ni Santos sa panayam sa Collegian.
Bagong Hakbang
Sa kabila ng inisyal na pagkapanalo ng kaso at malawak na suporta sa apela ng mga biktima, naniniwala si Antonio La Viña, isang eksperto sa batas, na hindi ito sapat upang itulak ang mga pulitiko at iba pang makapangyarihang itigil ang pag-atake laban sa mga mamamahayag. Mahirap umanong mangyari ito habang nananatili ang kasalukuyang pampulitikang sitwasyon sa bansa.
Nitong nakaraang linggo lamang, ikinulong sa mismong Human Rights Day si Lady Ann Salem, editor ng Manila Today, batay sa gawa-gawang mga kaso ng illegal possession of firearms, ammunitions, and explosives. Patuloy rin ang ginagawang red-tagging ng mga opisyal laban sa mga progresibong grupo kung saan kabilang ang alternatibong midya.
Dahil sa panganib na dulot ng red-tagging, marapat lamang na gawin itong krimen, ayon kay La Viña, upang protektahan hindi lamang ang mga mamamahayag kundi ang lahat ng mamamayan.
"The legal basis for criminalizing red-tagging is that it is harmful to the people being red-tagged. It is not a freedom of speech issue anymore but what the speech does to the people," ani La Viña sa panayam sa Collegian.
Isinusulong din niyang buhayin ang mga panukalang buwagin ang mga political dynasty sa bansa na isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na naghahari ang gaya ng mga Ampatuan. Mahalaga rin umanong puksain ang mga pribadong militar na ginagamit ng mga pulitiko at makakapangyarihang pamilya para pumatay.
“The issue we are seeing here is a structural issue. Hindi matatakot ang mga malalaking tao just because they saw the (partial) victory of the victims of Ampatuan Massacre in the court,” ani La Viña. “We need to strengthen the safeguards of our journalists through passing laws that would prohibit this kind of massacre to happen again.”
Mahalaga naman para kay Castillo ang suportang kanilang natatanggap mula sa iba’t ibang samahan.
Sa patuloy nilang paglaban, dito napagtanto ni Castillo ang halaga ng pamamahayag na hindi niya lubos mabatid noon bilang bata—ang pagsiwalat sa katotohanan at paglaban para sa mas makatarungang lipunan para sa lahat.
“Lahat ng grupo ng journalist ay sumama talaga sa laban, hindi nila iniwan itong kasong ito mula simula. I know as we go along, lumiliit yung chance na talagang walang bibitaw pero for me, habang may nakakasama ako, kahit isa, dalawa o tatlo, lalaban at lalaban ako,” ani Castillo. “As long as may nakikita akong journalist, lawyer, at individual na sumusuporta, we’ll always fight for 58!” ●
Unang nailathala noong Disyembre 19, 2020.