“Mabuti pa ang kalabaw, kahit hayop lang, mabait sa amin, katu-katulong namin sa bukid. Sila (militar), naturingan ngang tao, pero masahol pa sila sa hayop.”
Mga pangungusap mula sa isang magsasakang nakaligtas sa madugong masaker sa Mendiola noong Huwebes, Enero 22, 1987. Tanging layon nila ay makipag-usap kay Pangulong Corazon Aquino tungkol sa kanilang hinaing at kahilingan hinggil sa programa sa tunay na reporma sa lupa.
Ang kahayupang naganap sa Mendiola ay pinalala pa ng pagpilit nina Gen. Ramon Montaño at Gen. Alfredo Lim na bigyang tuwid ang kanilang pangangatay na umano’y ang mga magsasaka ang nagpasimula ng gulo. Subalit paanong magpapasimula ng gulo ang mga magsasaka, samantalang kadarating pa lang nila sa Mendiola at hindi pa nakapwesto, bumuga na ng kamatayan ang mga armalayt ng mga pulis at militar? Ipalagay nang ang mga magsasaka ang nagpasimuno (bagaman mahirap itong patunayan), armalayt ba ang sagot sa walang armas na mga magsasaka? Ang kawalan ng barbed wire sa may Mendiola, at ang pagkakatalaga doon ng mga Marines ay indikasyon na may nakahandang madugong plano ang mga militar, may probokasyon man o wala.
Walang maaaring magsabi na sana’y mas naging pasensyoso ang mga magsasaka, na sana’y binigyan pa nila ng panahon ang pangulo. Ilang beses nang nagtangka ang mga magbubukid na ilahad kay Aquino ang kanilang kahilingan hinggil sa reporma sa lupa, subalit lagi na lang hindi sila hinaharap ng pangulo, dahil daw marami itong inaasikaso. Kung tutuusin, nais lamang ipaalala ng mga magbubukid kay Aquino ang binitiwan niyang pangako hinggil sa reporma sa lupa. Kung tutuusin, may rekomendasyon hinggil sa minimum na reporma na ipinaabot sa Malacañang ng ilang maka-magsasakang tauhan ng Ministry of Agrarian Reform noon pang isang taon, subalit hanggang ngayon ay inaagiw na ito sa mesa ni Aquino.
Wala ring maaaring magsabi na sana’y hinintay na lang ng mga magbubukid ang ratipikasyon ng bagong konstitusyon. Wala rin naman silang mahihita doon, hungkag ang pangakong reporma sa lupa ng panukalang saligang batas.
Nasaan ang katarungan para sa mga magsasaka? Bakit ang mga loyalist ni Marcos, ilang beses nang nagtangkang ibagsak ang rehimeng Aquino, pero 30 push-ups lang ang tinanggap na parusa? Samantalang ang mga magsasaka, humihingi lang ng dayalog, kamatayan ang naging hatol.
Marahil wala talagang maaasahang katarungan ang mga magsasaka mula sa rehimeng Aquino. Ang kaso ng pagpatay kay Rolando Olalia at Leonor Alay-ay ay unti-unti nang ibinabaon sa limot ng kawalang-hustisya. Ano nga naman ang aasahan mo sa isang pangulong ang pagkamatay ng asawa niya mismo ay hindi niya mabigyan ng katarungan.
Ang naganap na masaker sa Mendiola ay bumabasag sa ipinangalandakang “democratic space” ng rehimeng Aquino. Ibinasura na nito ang panlabas na liberal na postura, at inilantad na ang katotohanang buo at higit na lumakas ang makinarya ng pasismong ipinundar ng bumagsak na rehimeng Marcos. Naganap na ang kinatatakutang muling pangbangon ng pasismo sa Pilipinas. Umusbong ito hindi mula sa mga inaasahang nakaambang panganib sa pamahalaang Aquino—kundi sumungaw muli ang pangit na mukha ng pasismo sa loob mismo ng rehimeng ito.
Sa nangyaring masaker, kapwa may dugo sa kamay ang sabwatang pamahalaang Aquino-militar, at ang US dahil sa patuloy na pagpapatupad nito ng patakarang low intensity conflict at Oplan Noel na naglalayong patatagin ang pro-US at anti-mamamayang karakter ng bagong rehimen at AFP.
Sa nangyaring walang-awang pagpaslang, ang mga bukid ngayo’y nakatiwangwang. Sa gitna ng parang, nag-iisa ang kalaban, wala nang magsasakang kaulayaw. Inangkin na sila ng lupa at ng kabundukan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Enero 26, 1987.