Ni FERNANDO CAO
Malalapad ang paa ng mga tumimbuwang noong hapong iyon. Mga paang lagi nang kaulayaw ang pilapil at putik sa bukirin. Mga paang marahil ay kinukutkot na lang habang nililibang ang mga sikmurang nangangasim. Mga paang sindungis ng kapalarang tinamo nila ng hapong iyon at ng mga nagdaang taong hindi na halos mabilang.
Tigilan na natin ang habag. Tama na ang mga nakakaiyak na rekiyem. Tama na ang mga litong katanungan. Tama na ang sisihan. Hindi na mabubuhay ng mga ito ang mga paang tumimbuwang. Hindi na maibabalik ng mga ito ang pag-asang nagutay.
Kung may pinatunayan man ang masaker sa Mendiola, ito ay ang malamig na katotohanang hindi pala kailanman naibsan ang bangis ng mga kaaway. Bangis na naging tatak ng mga madudugong siglong nagdaan. Bangis na hindi pala napaamo noong Pebrero. Bangis na hindi na mapapaano ng kung ano pa mang testamento.
Tiyak, marami ang magpapalahaw; hiningi ng mga magsasaka ang nangyari, sila ang mas may kasalanan! Oo, napakadaling sabihin, subalit, dapat isiping taimtim—sino naman ang hindi magpipilit? Marahil ay sila yaong mga taong nakakakain pa ng tatlong beses isang araw; yaong mga taong nakakaaninaw pa ng kahit katiting na pag-asa sa takbo ng kanilang tadhana. Simple lang. Ang hindi magpipilit makapasok sa Malakanyang ay yaong mga walang kagyat na dahilan upang makipagsapalarang tumimbang.
Pero hindi ang mga bumulagta noong hapong iyon. Paano sila sisisihin kung ang kaliit-liitang sumbat ay mistulang pangungutya sa kanilang kalagayan? Paano ipapaliwanag sa kanila na esensyal sa kasalukuyang pamahalaan ang katiwasayan upang ang makataong mukha nito’y tumanyag kung simula’t sapul pa noong Pebrero’y ang retrogresibong bahagi nito ang palagi na’y iniumang sa kanila. Paano sila hihimuking huminahon kung ang kanilang kalunos-lunos na kapalara’y pinapalala lamang ng mga mabulaklak at hungkag na retorika ng demokrasya. Paano sila hihikayating maghintay pa ng konting panahon kung ang kahulugan nito’y patuloy na unti-unting pagpapakamatay. Paano sasabihin sa kanila sa pang-apat na pagkakataon, ay uuwi sila sa mga probinsyang walang maiaalay kundi ang hinagpis at himutok nadulot ng pagbingi-bingihan ng pamahalaan. Pagbingi-bingihang taliwas sa kanilang mga ipinangangalandakang katangian.
Basag na ang ilusyon. Nawarak na ang pag-asang maaring makaakibat ang pamahalaang ito sa paglulunsad ng mga makataong panukala. Napasubalian na ang dati’y nakakagalak na katotohanang minahal ng bagong kaayusan ang karapatan at kapakanan ng isang busabos na lipi. Nalunod na sa gobyernong ito ang mga matatamis na paninindigan noong Pebrero.
Tapos na ang magandang panaginip. Ang nalimutang kaaway ang siya ngayong nakakapanaig. Tunay, hindi si Cory Aquino ang kaaway, subalit siya at ang kanyang pamahalaan ay bahagi ng sistema. Ang sistemang nasa likod ng bawat balang tumagos sa katawan ng mga magsasaka ng hapong iyon. Ang sistemang nagtulak sa bawat daliring kumalabit sa gatilyo noong hapong iyon. Ang sistemang lohika ng mga panawagan ng kahinahunan sa kabila ng isang hindi maitatatwang kalagiman. Ang sistemang pansamantalang naudlot noong Pebrero pero siya ngayong lumalamon dito.
Hindi masasabing hindi pinagbigyan ang pamahalaang Aquino ng pagkakataon upang bakahin ang sistemang ito. Subalit kahit anupaman, ang labinwalong nautas ay malaking patunay sa pagkabigo nito. Maaring mayroong nagsabi, hindi pa huli ang lahat; hindi pa dapat husgahan ang pamahalaan. Subalit kailangang itanong, ilang paa pa ang hihintaying tumimbawang?
May pinatunayan pa ang masaker sa Mendiola. Ito ang katotohanang walang ibang maasahan ang mga anak-bukid kundi ang kanilang sari-sarili; ang kanilang kakayahan; ang kanilang paninindigan. Hindi kailanman ang isang liberal na pamahalaan. Hindi kailanman. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Enero 26, 1987.