Nakakamiss iyong pakiramdam na nananabik ka sa unang araw ng eskwela. Noong nasa elementary ako, halos katatapos pa lamang ng school year, kinukulit ko na si Mama na mamili ng bagong gamit para sa susunod na taon.
Hindi lang din kasi bagong kagamitan ang bitbit ng bawat pagbubukas ng panibagong taon—nariyan ang mga bagong kaklase, kaibigan, at guro na sasalubong sayo. Pero ngayong nasa kolehiyo na ako, unang araw palang ng klase, nasa isip ko na agad ang huli.
Di naman ako nagpapaka-nega sa mga nag-e-enjoy sa pag-aaral. Buhat na rin ito ng mga kaakibat ng pagpasok sa klase: pangamba dahil walang makuhang units, takot na hindi kayanin ang workload ngayong sem, at hirap na pagkasyahin ang kakarampot kong baon sa araw-araw.
Siguro noon, iba pa ang mga prayoridad ko. Hindi pa ako namomroblema kahit siksikan sa klasrum o sakto lang ang pambaon. Pero kung tatanungin ako ngayon, nakakadismayang isipin na marami pa rin ang humaharap sa parehong kalagayan: kulang na klasrum at espasyong pang-estudyante, kahirapan sa pagpasok sa eskwelahan, at sira-sirang kagamitan.
Lalo pang pinalulubha ang katotohanang ito ng mga binabalak na reporma sa edukasyon. Napipinto ang pagtanggal ng ibang general education subjects sa kolehiyo kasunod ng mungkahing bawasan ang mga asignatura hinggil sa agham panlipunan tulad ng etika. Taliwas sa katwiran ng pamahalaang mabawasan ang redundancy sa pagtuturo, mas malaking kabawasan sa estudyante ang mawalan ng oportunidad na matutuhan nang mas malalim ang lipunan.
Samantala, lantad ang lumalalang krisis sa edukasyon sa datos ng EDCOM 2—siyam sa bawat sampung estudyante sa elementary ang hindi marunong magbasa nang naaayon sa kanilang antas, pumalo na sa 100,000 ang kulang na mga klasrum sa bansa, baog na rin ang pangakong trabaho ng K-12. Higit 80% ng mga gradweyt mula sa senior high ang nagpapatuloy pa rin sa kolehiyo dahil malimit na kailangan ang college diploma para makapasok sa maraming kumpanya.
Kung seryoso ang gobyerno sa pagtugon sa kinakaharap nating krisis, ipapaling nito ang atensyon sa pagsisigurong sapat na napopondohan ang edukasyon sa halip na magpanukala ng mga panandaliang reporma. Isang kongkretong hakbang ay ang pagtalima sa rekomendasyon ng United Nations na maglaan ng 6% ng GDP para sa edukasyon.
Kaya hindi ko na masisisi kung maraming estudyante, bata man o nasa kolehiyo na, ang di na nasasabik ngayong pasukan na muli. Hanggang pasan natin ang bigat na sistemang taliwas sa layuning payabungin ang ating talino’t kakayahan, lalong hinihingi ang kagyat nating pagkilos.
Minsan nang napagtagumpayan ng ating kampanya ang pagkamit sa libreng edukasyon sa kolehiyo. Pero nakatitiyak akong hindi pa roon natatapos ang ating laban. Kaya ngayong pasukan na muli, hindi lamang lapis at papel ang bitbit natin, tangan din ang papel sa pagpapatag ng daan tungo sa edukasyong dapat nating matamasa. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-19 ng Hunyo 2025.