Ni ALDRIN VILLEGAS
Tila digmaan ang sinusuong sa pagtalunton sa kahabaan ng EDSA. Nilalason ng hangin ang baga, nagpapaligsahan ang mga busina, nakikipagpatintero kay Kamatayan ang mga motorista.
Tila patikim ang EDSA sa napakahabang paglalakbay ng bansa patungong hustisya't kaunlaran. Ngunit higit sa pagkakakilanlan nito ngayon dahil sa malalang trapiko, naging lunan ng tunggalian ang EDSA ng mapanghamong pagkilos ng mamamayan laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos.
Tatlong dekada matapos pabagsakin ng taumbayan ang rehimeng Marcos, tila natrapik sa EDSA ang makinarya ng demokrasya. Minamaniobra pa rin ng naghaharing uri ang manibela ng bansa, at inuungusan pa rin ng iilan ang taumbayang naiipit sa buhul-buhol na mga problema.
Pagmulat
Kabilang sa mahigit dalawang milyon kataong dumagsa sa EDSA si Bernadette Aquino o Nanay Bernie, billanggong pulitikal ni Marcos. Apelyido lang ang pagkakapareho niya sa pamilyang Cojuangco-Aquino. Sa katunayan, isa siya sa mga lider-estudyante noong panahon ng Martial Law.
Hanggang ngayon, may talas at talab pa rin ang pananalita ng halos sisenta anyos na ginang. Malakas at masigla pa rin si Nanay Bernie na patuloy sa pagmumulat ng mga kabataang tila nakakalimot na sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Ayon sa Amnesty International, isang global human rights organization, may 70,000 bilanggong pulitikal, 34,000 biktima ng tortyur, at 3,240 katao ang pinatay noong Martial Law. Samantala, pinakamalalang krisis sa ekonomiya ang naranasan sa pagkalugi ng mga industriya ng asukal, niyog, at kopra. Sa ilalim ni Marcos, lumobo rin ang utang ng bansa mula $2 bilyon hanggang $30 bilyon, habang dumami pa ang bilang ng mahihirap mula 24 porsyento patungong 40 porsyento. Tumaas din ang presyo ng langis nang mahigit 16 na beses, at anim na porsyento ang naitalang taunang pagbaba ng sahod ng mga manggagawa.
Bilang estudyante ng Economics sa Philippine College of Commerce (PCC) na ngayon ay Polytechnic University of the Philippines, sa ganitong krisis nagsimulang mamulat si Nanay Bernie sa tunay na kalagayan ng bansa. Mula sa mga isyu tulad ng pagkakaltas ng badyet ng PCC hanggang sa mga usaping lumalagos sa tarangkahan ng pamantasan, kasama niya ang ordinaryong mamamayang nanguna sa pagbabago.
“We started organizing the students. Hindi lang tayo estudyante. May higit [na] responsibilidad to give back to the people," aniya. Malaking hamon ito para kay Nanay Bernie dahil nakatataas na opisyal ng militar ang kanyang ama na dekano noon ng National Defense College. Pinapaliwanagan niya ito at sa umpugan ng ideya naiigpawan ang tunggalian upang makausad sa susunod na hakbang.
Alam ni Nanay Bernie na maaari siyang pahirapan at pagsamantalahan tulad ng panggagahasa, pagkuryente, at iba pang tortyur na sinapit ng kanyang mga kasama. Matapos mamulat sa piniling landas, pinagtibay niya ang paninindigan sa pagsali sa mga progresibong organisasyon. lnspirasyon at paalala sa tunay na diwa ng EDSA ang kanyang mga anak na pinangalanan niyang Dakila, Diwa, at Kalayaan.
Pag-oorganisa
Hindi man sinapit ng mga anak ni Nanay Bernie ang Martial Law, tila Batas Mllitar naman ang dinanas ng anak ni Nanay Nimfa Lazanas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino Ill.
Sa tala ng grupong Hustisya, nasa 557 ang mga bilanggong pulitikal sa kasalukuyan, kung saan 136 ang kabataan, 88 ang may sakit, 50 ang senior citizen, at 50 ang kababaihan. Hindi man aktibo noon sa EDSA si Nanay Nimfa, ang pagiging bilanggong pulitikal ng anak niyang si Eduard ang nagtulak sa kanyang lumaban para sa anak at iba pang biktima.
Katatapos lamang ng high school nang magsimulang mag-organisa si Eduard ng mga magsasaka sa Laguna. Kasama niya si Andrea Rosal, ang anak ni Ka Roger na tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Patungo sila noon sa ospital para magpa-check-up ang noo'y buntis na si Andrea nang harangin slla ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation at akusahang kasapi ng New People's Army.
Kalunus-lunos ang sinapit ni Andrea na piniit sa kulungang mas maliit pa sa silid-aralan kasama ang 31 na kapwa bilanggo. Nagkasakit siya ng pneumonia at kakulangan ng oxygen sa dugo subalit hindi siya pinalabas ng kulungan hanggang sa siya ay manganak. Dahil sa kumplikasyon, namatay ang sanggol matapos ang dalawang araw at ni hindi pinayagan si Andrea na dumalo sa libing ng sariling anak.
Bunso naman sa tatlong magkakapatid si Eduard, na kinakitaan ng galing bilang guro sa Alternative Learning System. “Hindi sakit ng lipunan ang anak ko. Pero winasak nila [ang] kinabukasan, pati pagkatao [niya],” ani Nanay Nimfa.
Para sa kanya, walang pinagkaiba ang administrasyong Aquino sa panahon ng Martial Law. “Inaaresto 'yung mga nagsasalita, sinasampahan ng kaso na 'di naman nila ginawa. Sinusupil ang aming mga karapatan—sa pagpapahayag, sa paninirahan, sa hanapbuhay,” aniya.
Bunsod nito, kusang lumalahok si Nanay Nimfa sa mga pagkilos upang ipanawagan ang pagpapalaya sa anak at mga bilanggong pulitikal. Nangunguna na rin siya sa mga kilos-protesta bilang tagapagsalita at kasapi ng Karapatan-Laguna.
Pagkilos
Habang patuloy ang pananamantala, pagtapak sa karapatan, at pagsikil sa kalayaan, itinutulak nito ang sambayan na kumilos, tutulan, at panagutin ang pamahalaan—pasulong mula sa nasimulan ng EDSA.
Ngunit pinupuksa ngayon ang diwa ng EDSA ng mga kasinungalingan ng isang bagong rehimeng Aquino. Habang idinadambana ang sariling mga magulang bllang mga bayani, ibinabaon ni Noynoy Aquino sa limot ang alaala ng kapangyarihan ng mamamayang tunay na nakipaglaban para sa demokrasya.
Sa muling paggunita ng EDSA, mainam na linawing nagpapatuloy ang karahasan, katiwalian ng gobyerno, laganap na kahirapan at kagutuman, kahit hanggang sa kasalukuyan. Ayon kay Dr. Carol Araullo, kasalukuyang tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan at isa sa mga lider-estudyante ng UP noong panahon ng Martial Law: “Bumagsak ang diktadura pero hindi ang bulok na sistema.”
Sa gayak ng “demokrasya,” ibinallk lamang ni dating Pangulong Corazon Aquino ang pamumuno ng mga elitista na uring kinabibilangan niya, kaya para kay Araullo, hindi kataka-takang walang tunay at makabuluhang pagbabagong nararamdaman ang mga mamamayan.
"Ang manufacturing natin katulad pa rin noong '50s. We were producing agricultural goods then for our domestic consumption, but now even basic goods are Imported,” ani Araullo.
Napanatili rin ng mga Marcos ang impluwensiya nito sa pulitika hindi lang sa baluarte nila sa Ilocos kundi sa buong bansa. Sa katunayan, tumatakbo pa ngayon si Senador Ferdinand Marcos Jr. bilang bise-presidente.
Malinaw samakatwid ang kahingiang humalaw ng inspirasyon mula sa milyun-milyong mga bayani ng EDSA at lagutin ang siklo ng kahirapan at pananamantala. Pinatunayan ng EDSA na mulat at militanteng mamamayan lamang ang magpapatumba ng anumang pasistang rehimen. Ito ang hamon sa kasalukuyang henerasyon ng kabataan na siyang tagapagmana ng tunay na diwa ng People Power. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-27 ng Pebrero 2016.