Matapos ng isang mahaba’t nakakapagod na araw, dapat lang na magpahinga ka, ibigay sa sarili kung ano ang gusto mo. Maligo sa maligamgam na tubig, maglagay ng sheet mask sa mukha, at manood ng paborito mong palabas sa TV. Ngayong isang taon na tayong kulong sa kanya-kanyang bahay dala ng pandemya, wala na sigurong mas tamang oras pa upang higit na alagaan ang sarili, manatiling malusog at buhay.
Kung tutuusin, walang bago sa pagsubok ng yoga o sa pagkain ng tama. Ngunit ngayong nariyan pa rin ang banta ng sakit, at lumilitaw pa ang iba’t ibang tipo nito, nagiging kritikal ang pagiging malay sa pangangailangan ng katawan natin. Dahil liban pa sa pagsunod sa mga protocol, ano pa ang magagawa natin upang hindi dumagdag sa araw-araw na pagtaas ng kaso ng COVID-19 kundi subukang palakasin ang pangangatawan sa kahit ano pang paraan.
Madali lang makumbinsi na kailangan mo nang tratuhin nang maayos ang sarili mo. Sa kabila ng samu’t saring krisis na nananalanta sa bansa, hindi na palaisipang kinakailangan din natin paminsan-minsan ng hinahon, pagkat binibigyan tayo nito ng ilusyong may kontrol tayo sa mga buhay natin.
Marahil wala na tayong magagawa kung magtatagal pa ang pandemyang ito, ngunit kaya nating magpasya kung ano ang ipapahid nating produkto sa mga mukha natin. Sa pagkumpleto rin ng araw-araw na gawain, nagagawa nating lumikha ng estado ng pagiging normal, nababasag natin ang kawalan ng ritmo sa pamumuhay ngayong lockdown.
Ngunit higit pa sa pagkakaroon ng kontrol sa buhay natin, unti-unti na rin itong nagiging obligasyon. Gawa ng tahasang pagsasantabi at kawalang-silbi ng gobyernong tapusin ang pandemyang ito, karga natin ang lahat ng bigat ng pananagutang dapat malayo tayo sa sakit. Umaasa tayo sa samu’t saring paraan upang alagaan ang sarili dahil hindi natin maaasahang magagawa ito para sa atin ng gobyernong ito.
Kaya habang nananatiling hindi abot-kaya ang pagpapagamot, sumasandig tayo sa mga alternatibong paraan ng pagpapagaling. At ngayong muli na namang napupuno ang mga hospital ng mga pasyente ng COVID-19, natutulak tayong maglaan ng oras at pera para mag-ehersisyo at kumain ng tama, bagay na mahirap na ring maabot sa mahal ng mga bilihin ngayon. Dagdag pa rito ang nararanasan nating pagkabalisa, kalungkutan, at galit sa mga kontrobersiya at patayang nangyayari sa paligid natin, na mapapahupa lang kung lalapit tayo sa propesyunal, o kung pipiliin nating ilayo ang sarili sa mga insidenteng ito.
Subalit sa pagtanto na hindi lamang personal ang mga problemang pinagdaraanan natin, matuturol na hindi na lang din dapat personal ang pamamaraan natin para lunasan ito. Kolektibo ang hinihinging solusyon ng problemang ito, kaya kailangan na nating lumabas sa kanya-kanya nating mundo. Sa sama-sama nating pagharap sa mga krisis, natitiyak nating malusog ang lahat, at nagkakaroon tayo ng lakas para magtulak ng mas malawakang pagbabago.
Dahil hangga’t hindi tayo kumikilos para baguhin ang mundong iniiwan lang tayong lugmok at nagdurusa, hindi tayo magiging lubos at ganap na maligaya. Sa paglabas lamang natin sa ating mga sarili at sa pagsasama-sama matutunghayan ang tunay na paggaling ng bawat isa at ng lipunang kinabibilangan natin.