Makailang beses na nakaranas ng diskriminasyon si Moon*, 35, residente ng Manila, dahil sa kanyang desisyong hindi magpabakuna. Buhat ng wala syang maipresentang vaccination card, hindi siya makapasok sa mga kainan, palengke, at pampublikong transportasyon. Ilang oras din ang inaabot niya para makapagpakuha ng dugo upang makapagpa-check up sa kanyang mga sakit dahil madalas siyang usisain ng mga doktor at propesyonal sa hindi niya pagiging bakunado.
Importante sa kanya ang medikal na atensyon bilang indibidwal na may kondisyong cervical spondylitis, isang sakit na pangunahing nakakaapekto sa gulugod. Higit pa rito, mayroon din siyang polycystic ovarian syndrome o PCOS. Ang dalawang sakit ang siya ring dahilan kung bakit niya tinatanggihan ang pagpapabakuna.
Isa lamang si Moon sa 46 milyong Pilipino na wala pang nakukuhang kahit isang dose ng bakuna, ayon sa Department of Health noong Marso 30. Bukod sa kanilang lalong pagiging bulnerable sa mas malalang sakit at sa diskriminasyong nararanasan, biktima rin sila sa paglabag ng gobyerno sa karapatang pantao ngayong may pandemya.
“I just really stay quiet kasi sobrang malala yung discrimination sa mga unvaccinated. Di ko na lang pinapansin most of the time kasi may mas mahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin tulad ng work for my family and for myself. Pero minsan, it is too much na talaga na it affects you physically and emotionally,” ani Moon.
Pagpaparusa
Nitong Disyembre, pinuntahan ng ilang tauhan ng barangay ang tahanan nila Moon upang tanungin ang kanilang vaccination status. Tumanggi siyang ibahagi ang impormasyong hinihingi sa kanya dahil ito ay personal na detalyeng maaaring maglagay sa kanya sa pahamak. Gayunman, hindi umalis ang mga tauhan ng barangay hanggang sa aminin niyang hindi siya bakunado, at ang dahilan sa likod nito.
Ang profiling na pinagdaanan ni Moon ay bahagi ng ibinabang direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na kolektahin ang impormasyon ng mga indibidwal na hindi pa bakunado. Ito ay bilang paggampan sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalang lumabas ang mga hindi bakunado, at parusahan ang mga ito kung lumabag.
“[Ang] profiling ng mga unvaccinated raises concerns about the right to privacy especially since it is something that has been done [during] the Cold War and in the counterinsurgency program ng gobyerno,” ani Philip Jamilla, public information officer ng Karapatan. “May danger na maging katulad ito ng tokhang na people are persecuted without due process.”
Upang pagtibayin ang direktiba ng DILG sa mga barangay, ipinag-uutos ng ahensya ang pagpasa ng mga ordinansang magtatakda ng parusa sa mga hindi susunod sa kanilang patakaran. Sa Kalakhang Maynila, tatlong lungsod na lamang—Navotas, Makati, Pasig—ang hindi nag-iimplementa at nagsusumite ng kopya ng kanilang ordinansa sa DILG.
Ang mga ordinansang ito ay nagtatakda ng P500 hanggang P5,000 multa sa mga hindi bakunadong lalabas. Makukulong din ang mga susuway ng hanggang isang buwan. Maaari namang patawan ng P3,000 hanggang P5,000 multa ang mga negosyong magpapapasok ng mga bakunado sa kanilang establisyemento at posible ring kanselahin ang kanilang business permit.
Ayon kay Jamilla, bagaman may batayan ang paglilimita ng gobyerno sa karapatan ng mga hindi bakunado, hindi naman ito sumusunod sa mga kondisyon ng pinagbabasehang kasulatan nito.
Sa ilalim ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), isang kasunduang pinirmahan ng iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas, pinahihintulutan ang mga gobyerno na limitahan ang ilang karapatan ng mamamayan sa gitna ng isang krisis tulad ng COVID-19.
Subalit, batay sa Siracusa Principles, isang dokumentong ng ICCPR na gumagabay sa pagpapatupad ng mga restriksyon sa mga karapatan ng mamamayan, ang mga palisiya upang limitahan ang karapatan ng tao sa gitna ng krisis ay dapat na “legal, proportional, necessary,” at “non-discriminatory.”
“Hindi pumapasok yung mga ordinansa doon sa pillars ng Siracusa Principles. Unang-una, hindi ito legal dahil wala namang batas that criminalizes being unvaccinated. Being that, freedom ng individual na magpabakuna, freedom din nilang hindi magpabakuna,” ani Jamilla. “Also, while we believe that there is certain necessity to restriction, what must be ensured muna ay may access ang tao sa essential service tulad ng pagkain, public transportation, at medical services.”
Pagsusumikap
Ipinagdiinan naman ni Dr. Josh San Pedro, co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health, ang pagiging unproportional ng mga palisiyang naglilimita sa karapatan ng mamamayang hindi bakunado gayong lagpas kalahati pa ng populasyon ng Pilipinas ang hindi nababakunahan.
Aniya, kahit na may mga pinipiling tumanggi sa bakuna, mayorya pa rin sa mga hindi bakunado ay mga taga-probinsya kung saan kulang ang suplay ng bakuna.
Sa katunayan, walo lamang sa 18 rehiyon sa bansa ang umabot sa national average na one vaccine dose per capita, ayon sa ulat ng Rappler at EpiMetrics, isang health research institution. BARMM naman ang may pinakamababang vaccination rate sa buong bansa na sinundan ng Bicol at SOCCSKSARGEN.
Kung may dumarating mang suplay ng bakuna, nananatiling maraming di bakunado dahil sa mabagal na pamamahagi rito ng mga lungsod.
Bagaman inilabas ng DILG ang Memorandum No. 2021-136 na naglalayong maipamahagi sa loob ng tatlong araw ang mga bakuna mula sa lungsod papuntang mga barangay, at maiturok ito sa loob ng hindi lalagpas ng 15 araw, maraming probinsya pa rin katulad ng Zamboanga at Negros Occidental ang inabutan ng expiration period ng kanilang mga bakuna.
Nag-aatubili ang mga barangay na tumanggap ng mga bakunang malapit nang ma-expire sa paniniwalang naaapektuhan nito ang bisa ng bakuna. Dagdag din dito ang pagiging tago ng ilang mga lugar na dahilan para hindi maabot ng suplay bago ang expiration.
“Hindi fully available ang bakuna, at hindi pantay-pantay [ang distribusyon] sa ating bansa kaya may ilan na hindi pa makapagpabakuna. Kailangan maging cognizant tayo—kung available ba, pangunahin, ang bakuna—at kung available man, doon natin titingnan kung tanggap ba o hindi ng mamamayan itong bakuna,” ani San Pedro.
Pakikinig
Bukod sa pangamba ng mga taong may sakit, mayroon ding mga indibidwal na pinili ang hindi makapagpabakuna dahil sa kanilang opinyon at agam-agam hinggil sa clinical trial ng bakuna, side effect, at ligalidad ng sapilitang pagturok nito.
Masasabing isa rito si Mara Guevarra, 22, mag-aaral mula sa UP College of Music. Nalalagay sa kawalang kasiguruhan ang pagtatapos ni Guevarra gayong isang piano recital ang kanyang pinal na rekisito sa kurso na posible lamang sa face-to-face na setup. Subalit tanging bakunado lamang ang maaaring makalahok sa mga in-person activity tulad ng recital, ayon sa guidelines ng UP Diliman.
Hindi pa rin nagpapabakuna hanggang ngayon si Guevarra dahil, bukod sa kawalang-tiwala sa bakuna, naniniwala siyang marami pang paraan para makontrol ang COVID-19, hindi lamang sa pamamagitan ng bakuna.
Bagaman sumasang-ayon si San Pedro na marami pang paraan at hindi lamang pagbabakuna ang natatanging solusyon upang matapos ang pandemya, hindi ibig sabihin nito ay maaari nang ibagsak ng gobyerno ang responsibilidad sa mamamayan.
Ang pagpapabakuna, kasabay ng patuloy na pagsunod sa mga health protocol ang napatunayang mabisang solusyon sa mga krisis pangkalusugan, ayon kay San Pedro. Malaki umano ang bentahe kung mababakunahan ang mayorya ng populasyon at maaabot ang herd immunity dahil hindi lamang mga bakunado ang mapoprotektahan kundi maging ang mga taong bawal at ayaw magpabakuna.
Sa kabuuan, ang higit na kinakailangan ng bansa upang malagpasan ang pandemya ay pagsisiguro ng libreng testing, maayos na contact tracing, at mas malawig na serbisyong pangkalusugan upang tugunan ang mga pasyente ng COVID-19, ani San Pedro.
“Imbes na tingnan na mas malawakang serbisyong pangkalusugan at mas malawak na usapin na pagprotekta sa mga komunidad, ibinabalik ito ng gobyerno sa indibidwal na responsibilidad at panunupil,” ani San Pedro. “Kailangan nating alisin yung ganitong paningin at ibalik naman yung usapin [na ito ay] pampublikong kalusugan at hindi indibidwal na suliranin.”
Balak ni Guevarra na kausapin ang administrasyon ng kanyang kolehiyo upang ilatag ang kanyang pananaw hinggil sa hindi pagtanggap sa bakuna. Gayundin, nais ipaliwanag ni Moon sa mga tauhan ng barangay na nag-profile sa kanya na buhay at kabuhayan ang kasunod ng usapin sa pagbabakuna.
Subalit, batid nilang ang kanilang pakikipag-usap ay hindi agarang nangangahulugan ng pakikinig mula sa mga nasa kapangyarihan. Katulad ng iba, sila ay maaaring patawan na lamang ng parusa batay lamang sa kanilang naiibang paniniwala.
Para kay San Pedro at Jamilla, gaano man kaiba ang pananaw ng katulad ni Moon at ni Guevarra, marapat pa ring balikan ang kanilang mga rason sa pagtanggi dahil dito rin makikita ng mga nasa kapangyarihan ang hakbang upang agapan ang agam-agam ng publiko hinggil sa pagbabakuna.
“Itong pag-balance between the individual right to informed consent at yung greater people’s right to health ay hindi yan magiging mahirap na bagay sa gobyerno if they are really listening sa tao at seryoso sila sa paga-address the problems such as vaccine hesitancy,” ani Jamilla. “There are rights-based methods which could be done to address this and this has been constantly proven effective.” ●