Tapos na ang unang sandaang araw ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (BBM). Tinatawag na honeymoon phase, nagbibigay ng pahiwatig ang panahong ito sa magiging tipo ng pamumuno at direksyon ng pangulo sa bansa. Sa unang 100 araw niya sa pwesto, tila ibinalik ni Marcos ang bansa sa madilim na panahon ng kanyang ama—naging proyekto ni BBM ang pagsigurong walang makakahadlang sa pagbabalik ng kanyang pamilya sa Malacañang.
Malay si Marcos na dadaluyong ang protesta sa kanyang pagwawagi, kaya agad siyang gumawa ng paraan para mapigilan ito. Ngunit natuto mula sa napatalsik na ama, at sinundang pangulo, hindi niya tahasang ipinanukala ang batas militar. Bagkus, minabuti niyang pahabain at baguhin ang ibinabang lockdown matapos ang eleksyon noong Mayo.
Hinayaan niyang magbukas ang mga negosyo, dahil aniya, hindi maaaring tuluyang isakripisyo ang ekonomiya sa gitna ng muling tumitinding pandemya, lalo’t nasa daan patungong economic recovery ang Pilipinas. Sa halip, ipinagbawal niya ang malakihang pagtitipon. At upang masigurong masusunod ito, minobilisa niya ang mga pulis upang rumonda sa mga kalsada at sawatain lahat ng nag-oorganisa ng malakihang mga kaganapan.
Matapos masigurong walang magtitipon sa lansangan upang paingayin ang panawagan sa pagpapatalsik sa kanya, sinunod niya ang midya. Ngunit taliwas sa nakagawiang paninira ni Duterte sa midya, mas tahasan ang pagpapakita ni Marcos sa kawalan niya ng tiwala sa mga mamamahayag. Hindi niya hinayaang makapasok ang mga mamamahayag sa kanyang inagurasyon, gayundin sa mga press briefing. Ipinatupad niya na ang tanging midyang bibigyan niya ng oportunidad na makapasok sa Palasyo, at bibigyan niya ng panayam ay ang People’s Television Network at Philippine News Agency, mga brodkaster at pahayagang pagmamay-ari ng estado.
Hindi niya sinundan ang yapak ng nakatatandang Marcos, na kinuha ang kontrol sa mga korporasyon ng midya at ibinigay ito sa kanyang mga crony. Ani BBM, malaya pa rin naman ang midya gayong maaari pa rin silang maglimbag ng anumang gusto nila. Ngunit upang maiwasan ang pagkalito at maling impormasyon tungkol sa Malacañang, mainam na manggaling sa iisang source ang mga balita.
Ikinagalit ito ng unyon ng mga mamamahayag, gayong sa pagtupad sa mandatong maging tagapagmatyag ang mga peryodista, may kakayahan dapat silang makausap mismo ang pangulo o kahit ang tagapagsalita nito. Ngunit matigas ang tindig ni BBM: Hindi siya kakausap ng mamamahayag na hindi niya kilala at aprubado ang “integridad.” Masyado na raw maraming paninira ang ginawa ng mga ito sa kanilang angkan, dahil nagpatuta sila sa naratibong pinapakalat ng mga dilaw at ng Kaliwa.
Kaya upang malinis ang pangalan ng kanyang pamilya, tahasan niyang iniwasan ang mga batas na may kinalaman sa kalupitan ng kanyang amang si Marcos; halimbawa, ang kautusang nag-uutos sa kanilang isauli ang nakaw na yaman.
Hindi binasura ni Marcos ang mga panukala, ngunit hindi rin niya ito ipinatupad. Parang nagpapanggap na wala ang mga batas na ito, hindi pinansin, ni hindi umiimik si Marcos ukol dito. Ito marahil ang magiging pagtrato niya sa mga ito, hanggang sa panahong malapit nang matapos ang kanyang termino—saka roon ibabasura upang masigurong walang hahabol sa kanila.
Tiniyak din ni Marcos na walang mag-oorganisa ng pagpapatalsik sa kanya—sa pamamagitan man ng Kongreso, o, higit, rebelyon mula sa mga probinsya. Naging prayoridad din ni Marcos ang tuluyang paggapi sa New People’s Army (NPA). Gaya ng pangako ni Duterte bago bumitaw sa pwesto, pupuksain din ni Marcos ang insurhensiya bago magtapos ang kanyang termino.
Kita ang desperasyon ni Marcos sa mabilis na pagpawi sa kilusan. Ang mga bagong armas na nakuha ni Duterte mula sa Estados Unidos ang ginamit laban sa mga rebelde. Ipinagpatuloy niya ang aerial bombing sa mga kinikilalang kuta ng NPA. Dahil dito’y muling napilitang magbakwit ang mga nakatira sa mga binombang komunidad, ngunit ang iba sa kanila’y inaresto at hinuli sa paratang na kasabwat ng NPA. Tuluyang pinagana ni Marcos ang Anti-Terror Law, at napatunayan ang kahinaan ng naging rebisyon dito ng Korte Suprema noong nakaraang taon.
Wala ring ligtas ang mga organisador at aktibista sa mga probinsya, lalo’t sunod-sunod ang pangre-raid sa mga opisina at tahanan nila. Kung noong panahon ni Duterte ay naging target ng pamamaslang ang mga tinuturong adik, naging primaryang target naman ni Marcos ang mga pinaghihinalaan niyang komunista. Sa kanyang rehimen, sila ang dahilan ng kahirapan ng bansa, sila ang sakit ng lipunan. Ganito rin sinisi at itinuring ni Ferdinand Marcos ang mga kritikal noong kanyang panahon.
Sa unang sandaang araw ni BBM, inuna niyang kontrolin, higit sa lahat, ang publiko. Pagkat sa pagsisiguro niyang walang susubok na paalisin siya sa pwesto, malaya na siyang gawin ang anumang gustuhin sa bansa. Sa nagbabadyang mas matinding kalupitan sa ilalim ni Marcos, nasa kamay ng masa ang potensyal na patalsikin siya—itama ang pagkakamali noong Mayo, bumuo ng mas malawak na pagkakaisa. ●
Editor's note: Lahat ng kaganapan sa artikulong ito ay piksyon, ngunit nakabase sa kasalukuyang tindig ng mga kandidato.