Maaari pang bigyang palugit ang unang pagkakamali, mga kakulangang nag-ugat sa kawalang kahandaan, dahil ngayon lang hinarap ng mga pamantasan ang problema sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng pandemya. Sa pangalawang pagkakataong ibibigay sa kanila ngayong darating na semestre, marapat na harapin ng pamunuan ang mga pinaglilingkuran nito, makinig sa mga direktang naaapektuhan ng kanilang mga palisiya.
Sa kabila ng kahingian ng mga estudyanteng pansamantalang iantala ang pagsisimula ng klase, itinulak ng mga pamantasan ang agad na pagbubukas ng akademikong taon, kabilang ang UP na nagsimula ng klase noong Setyembre. Minadali ang preparasyon at ang mismong semestre: Binigyan lamang ng tatlong buwan ang mga kolehiyo at guro upang baguhin at ayusin ang kanilang kurikulum at gumawa ng mga course pack. Isiniksik din sa 14 na linggo ang semestre mula sa regular na 16, na lalo pang napaikli dahil sa ilang araw na suspensyon ng klase bunsod ng mga bagyo.
Ang mga patlang na idudulot ng mga di inaasahang kanselasyon ng klase, at di maiiwasang pagliban ng ilang estudyante sa online na setup, ang layong punan ng mga course pack. Ngunit sa mismong paggawa pa lang ng mga silabus at gabay sa kurso, nakaranas na ng kahirapan ang mga propesor. Bukod sa gipit na oras para sa paggawa ng course pack, isa sa mga problema nila ang limitadong mga teksto o materyal na pwedeng isama sa course pack o ipagamit sa klase dahil sa istriktong palisiya sa copyright. Hindi sapat o lubos na natutugunan ng mga subscription ng UP sa mga journal at research database ang pangangailangan ng maraming kurso.
Ang mga course pack din, kasabay ng asinkronikong pagdaraos ng klase, ang magtutulay sana sa mga mag-aaral at gurong may limitadong akses sa internet. Ngunit sa ilalim ng ganitong sistema, di maiiwasang naipapasa sa mga estudyante ang bigat, mag-isa nilang aaralin ang mga bagong konsepto. Hindi rin malaya sa kahirapan ang online na mga klase, gayong nariyan palagi ang nawawala-walang koneksyon—sa internet, at sa pagitan ng estudyante’t gurong di maayos na makapagdaos ng diskurso.
Maganda ang layon ng kasalukuyang sistema ng pagkatuto at kinikilala ang pagsisikap ng administrasyon na punan ang mga puwang at patagin ang di pagkakapantay-pantay. Nariyan ang aktibo nilang pag-aalok ng subsidyo para sa data at pagpapahiram ng mga gadyet upang tulungang makadalo ang mga estudyante at maayos na mapadaloy ng mga guro ang sinkronikong klase. Ngunit mabagal ang pagproseso sa mga suportang pinansyal at pagpapadala ng gadyet sa mga benepisyaryo, kalakhan sa kanila ay hindi pa nakukuha ang mga package gayong magsisimula na ang susunod na semestre. Sa huli, ang remote learning bilang paraan ng pagkatuto ay di tumutugma sa katangian, kahingian, at kasalukuyang kakayahan di lang ng UP kundi pati ng sektor ng edukasyon sa bansa.
Ibinabagsak ng remote learning sa kamay ng mga guro at estudyante paano iraraos ang semestre, paano ituturo at aaralin sa kakaunting panahon ang mga konseptong napagyayaman lamang sa pamamagitan ng maiging pag-aaral at pagtalakay dito.
Kalakip ng mas maikling semestre ang pagpapababa ng regular na bilang na yunit ng mga estudyante upang pagaanin kahit papaano ang kanilang mga pang-akademikong pasanin. Ngunit nananatiling may puwang sa mga palisiyang inilatag ng lupon ng mga rehente upang suportahan ang mga estudyante’t guro. Mas kaunti nga ang kailangang kuning yunit, ngunit hindi ito katiyakan ng mas magaan at maluwag na dalahing pang-akademiko.
Ipinahayag na natin, simula pa lang, ang kabigatang idudulot ng pagpapatuloy ng semestre sa gitna ng patong-patong na mga alalahanin at suliraning dala ng mga krisis. Hindi dapat mahinto ang pag-aaral sa kabila ng mga nangyayari, ngunit pumalya ang UP na isaalang-alang ang kondisyon ng mga pinamamahalaan nito. Pagod at unti-unting nauubos ang lakas, maging katinuan, ng mga estudyante’t guro.
Bumigay lang ang administrasyon ng UP sa kahingian ng mga mag-aaral at propesor nang magkasa ang mga ito ng strike—naglaan ng reading break, na napahaba dahil sa sunod-sunod na mga bagyo, at nagpatupad ng “No Fail” na palisiya. Sa pinaikli nang semestre, hindi madali ang desisyong magkaroon pa ng break dahil nangangahulugan ito ng mas kaunting oras para sa mga lektura. Ngunit hindi rin maipagkakaila na tila kandilang nauupos na ang mga estudyante, at kailangan nila ng pinakamalawak na konsiderasyon. Ito marahil ang pinagbatayan ng UP gayong pauna na nitong itinakda ang huling linggo ng Abril bilang reading break sa susunod na semestre.
Kung may mapupulot na aral sa mga pagkakamali ang pamunuan ng UP noong unang semestre, ito ang kahalagahan ng pakikinig sa mga pinaglilingkuran, pag-unawa sa kanilang kondisyon sa tuwing naglalapag ng mga palisiya. Unti-unti na itong nagagampanan ng UP sa pagbubukas nito ng mga town hall meeting, kung saan nakakapagtanong ang mga estudyante at napapanagot, kahit papaano, ang mga administrador ukol sa kanilang mga bigong patakaran.
Mainam na simulain ang ganitong malayang dayalogo dahil inaasahan nating magiging mabigat ang susunod na semestre dahil hindi na lamang internal na mga isyu ang kailangang harapin. Sa pagkakataong ito, kahingian sa administrasyon at komunidad na ayusin na ang mga gusot sa sarili nating bakuran at magkaisa dahil nariyan na ang mas malaking banta sa ating kalayaan—ang estadong tumatarget sa pamantasan sa pagkawalang bisa ng UP-DND accord.
Wala man sa UP ang mga estudyante’t guro, ang banta ng panggigipit ay umiigpaw sa mga bakod at tarangkahan ng pamantasan. Minamarkahan ng terminasyon ng kasunduan hindi lang ang mas madaling panghihimasok ng mga pulis at militar sa kampus, kundi pati ang mas matindi nilang panghahabol at intimidasyon sa mga nag-aaral, nagtuturo, nagta-trabaho o naninirahan sa UP. Mas madaling pagmukhaing lehitimo ang mga bansag sa sinumang kunektado sa unibersidad—terorista, kontra sa gobyerno, kaaway ng estado.
Bukod sa pagpapahayag ng pakikiisa sa kasalukuyang laban, maipapakita ng pamunuan ng UP ang pagpapahalaga nito sa pang-akademikong kalayaan sa pamamagitan ng wastong pagtrato sa mga mag-aaral at guro na pundasyon nito, at higit, sa walang pangingiming pagtindig laban sa sinumang umaatake sa pamantasan.
Pagkakataon ang mga susunod na semestre upang itama ang mga pagkakamali at baguhin ang hulma ng edukasyon sa pamantasan. Ito ang pinaka-akmang panahon upang ilagay na sa aksyon ang paninindigan para sa kalayaang pang-akademiko, isaalang-alang ang pagluluwal di lang ng mga estudyante’t guro kundi mga administrador na malay at kumikilos para sa lipunan. Ngunit kung sakaling hindi pa rin makapagwasto ang pamantasan, hindi magdadalawang-isip ang nagkakaisang komunidad ng UP na ilagay na sa kanilang kamay ang pagpapasya, muling dadaluyong ang mga protesta. ●
Unang nalimbag ang artikulong ito noong ika-28 ng Pebrero 2021.