By MARY JOY CAPISTRANO
Pula ang nangingibabaw na kulay sa litrato ni Imee Marcos sa pabalat ng espesyal na isyung inilabas ng magasing Philippine Tatler ngayong Oktubre, isang buwan matapos ang ika-43 anibersaryo ng deklarasyon ng kanyang ama ng Batas Militar noong Setyembre 1972.
Walang paumanhing idinadambana ng mamahaling babasahin si Imee bilang idolo: maganda, mayaman, makapangyarihan. Tila binihisan ng magasin ang madugong kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng pamilyang Marcos, ginawang misteryo ang katotohanan, at binalot sa anyo ng kabalintunaan.
Kamay na Bakal
Tumagal ng higit 21 taon ang panunungkulan ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. nang isailalim niya ang buong bansa sa Batas Militar, kontrolado ng estado ang lahat ng aspeto ng buhay ng mamamayan, mula sa pagpapasara ng Kongreso hanggang sa pananakot, pagdukot, pag-torture, at pagpatay sa libu-libong Pilipino.
Ngunit halos tatlong dekada paglipas ng pagpapatalsik kay Marcos, naglipana pa rin ang mga kwentong noon pa man ay hinahabi na ng pamilyang Marcos at ng kanilang mga kaibigan upang pagtakpan, baluktutin, pabanguhin, o burahin ang alaala ng kanilang pasistang rehimen.
Laman ngayon ng internet at social media ang mga mala-alamat na kwento tungkol sa yumaong diktador. Siya umano ay isang matalinong estudyante noong kanyang kabataan sa UP at kalauna'y naging magaling na abogado, magiting na sundalo, at pinakamahusay daw na pangulo sa kasaysayan ng bansa.
Kakambal ng pagdadambana kay Marcos at sa kanyang pamilya ang propagandang naglalayong ipinta ang buhay sa ilalim ni Marcos bilang kabaligtaran ng kahirapan at karahasang dinanas ng bansa. Sa halip na kagutuman, kawalan ng hanapbuhay, at pagbulusok ng halaga ng piso, kaunlaran at kapayapaang dulot ng Batas Militar ang ipinakakalat na larawan.
Ngunit nababago ang nilalaman ng kasaysayan sa pagdaan ng panahon. Paliwanag ng historyador na si Harry Elmer Barnes, walang ibang layunin ang historical revisionism o pagbabago ng kasaysayan, kundi ang pagsusumikap na itama ang mga nauna nang naitalang impormasyon.
Taong 1940s umano lumakas ang hatak ng pagbabago ng kasaysayan dala ng mga bagong ebidensiyang nakalap ng mga historyador na nagbigay suporta sa mga bagong teorya o nagpatibay sa nauna nang teorya na magbibigay ng komprehensibong detalye ukol sa mga nangyari noong nakaraan.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, talamak ang pagbabago ng mga naitalang akda na nagdulot ng mababaw na pagtanggap sa naging danas ng mga Pilipino. Isang halimbawa na lamang ang giyera sa pagitan ng Amerikano at Pilipino na kumitil sa maraming buhay ng mga Pilipino.
Sa akda ni Sharon Delmento na The Star-Entangled Banner, binigyang diin niya ang ipinakitang pagbabago ng mga pangyayari sa kasaysayan noong panahon ng digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano sa pelikulang Back to Bataan, isang pelikula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ipinakita sa pelikula ang ilang eksena ng labanan sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino samantalang binigyang-diin ang pagtatayo ng mga Amerikano ng mga pampublikong paaralan na nagbigay ng sapat na edukasyon sa mga Pilipino. Layunin ng pelikula na ipakita ang ideolohiyang ipinamana ng Amerikano sa halip na ipakita ang tunay na sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop na Amerikano.
Ayon kay Felipe Romanillo, executive director ng National Historical Institute sa Amerika, wala umanong banggit sa Philippine-American War sa mga aklat sa Amerika, kundi insureksyon lang ng mga Pilipino. Pahiwatig lamang ito ng pagsasantabi ng mga Amerikano sa mga Pilipinong lumaban para sa kalayaan ng Pilipinas.
May ugali ang mga historical revisionist na baguhin ang kasaysayan upang iayon sa sariling interes ng iilan, ani Scott Jones.
Hindi iba ang Pilipinas sa ganitong mga pangyayari lalo na kung usapin ng mga biktima noong Batas Militar. Sa pagdaan ng panahon, unti-unting nababago ang madilim na alaalang iniwan ng Batas Militar sa mga Pilipino. Sa halip na bilang o danas ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-pantao ang ilathala, samu't saring kwento na hindi tumatagos sa tunay na kaganapan ang makikita, maririnig, o mababasa sa midya.
Aklasang Bayan
May iba't ibang antas ang pagbabago ng kasaysayan kung saan midya ang pangunahing makinarya na ginagamit. Sa kabila ng ilang dekadang lumipas, sariwa pa rin sa alaala ng mga Pilipino ang naging karanasan nila noong panahon ng Batas Militar.
Kaugnay ng paggunita sa Batas Militar, pumatok sa midya ang pabalat ng Tatler, Heneral Luna, at ang paghahain ni Senador Miriam Santiago ng intensyon niyang tumakbo. Niyanig ang social media ng mga batikos.
Sa unang tatlong linggo, bumenta naman ng P140 milyon ang pelikulang Heneral Luna na tahasang sumalungat sa kinamulatang kasaysayan ng mga kabataan. Lumitaw sa pelikula ang kataksilan ni Emilio Aguinaldo na itinuturing na bayani ayon sa mga aklat na ginagamit sa primaryang antas.
Kasunod na nag-trending sa social media ang paghahain ni Senador Miriam Santiago kasama si Bongbong Marcos ng kanyang intensyon na tumakbo. Nagalit ang ilang mga netizen dahil tahasang bumalikwas si Santiago sa laban ng mga Pilipino hinggil sa kalupitan ng pamilya Marcos noong panahon ng Batas Militar. Aniya pa sa isang pahayag, walang kasalanan si Marcos sa nangyari at kailangan umano ng bansa ang ganoong sistema.
Madalang lumitaw sa midya ang bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos kung saan ang pagsuway sa kapangyarihan ng estado ay katumbas ng kaliwa't kanang pagpatay, tortyur, at sapilitang pagkawala ng mamamayan.
Habang tumatagal, bumababaw ang pag-unawa at pagkakakilanlan ng mamamayan sa nangyari noong Batas Militar. Ito ay dahil sa iba't ibang antas ng pagbabago ng kasaysayan na ginagawa ng mga taong nais linisin ang kanilang pangalan mula sa pananagutan.
Sa pagbabago ng kasaysayan maaaring itanggi ang tunay na nangyari noong nakaraan at bigyang halaga lamang ang nagaganap sa kasalukuyan. Isang halimbawa si Imelda Marcos na tila ba wala noong panahon ng Batas Militar para hindi pakinggan ang panawagan ng bayan na hustisya para sa mga biktima.
Isa pang porma ng pagbabago ng kasaysayan ang pagpapaliwanag ni Gerardo Sicat, sikat na ekonomista na nakaakit ang Batas Militar ng kalakalan sa pagitan ng ibang mga bansa. Katumbas ng paglalim ng ugnayan sa pagitan ng ibang mga bansa ang pakikinabang din ng mga dayuhan sa yaman ng bansa.
Dagdag pa rito ang tahasang pagtatago ng mga naganap sa iba-ibang panig. Ngunit dahil sa midya na pangunahing makinarya upang maabot ang kalakhan ng mamamayan, nababago ang ilang impormasyon at nabibigyang-diin ang mga di mahalagang pangyayari.
Liban sa mga nabanggit, isa pang malaking kasalanan sa kasaysayan ang pagsasantabi o pagtatago ng ginampanan ng isang kritikal at makamasang kilusan upang patalsikin si Marcos. Sa halip, ipinapalabas sina Cory at Ninoy Aquino, Fidel Ramos, at Juan Ponce Enrile bilang mga bayaning nagpanumbalik sa demokrasya—gayong kolektibong pagkilos ng mamamayan ang tunay nagpanalo ng laban.
Maraming paraan upang mabago ang kasaysayan—baliktarin, baluktutin, itanggi o gumawa ng panibagong bersyon na papabor sa kagustuhan ng iilan.
Kahingian samaktwid ng panahon na maging mapagmatyag ang bawat Pilipino, bumuo ng tindig ukol sa mga isyu na hahawan ng daan tungo sa mas malawak na kaisahan ng taumbayan. Mahalagang kilalanin at patuloy na alalahin ang kasaysayan upang humalaw ng mga panibagong aral upang harapin ang kasalukuyan at hinaharap. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-23 ng Oktubre 2015.