Mapangahas na pagpapasya at pambihirang pagkilos ang tanging wastong tugon sa di-pangkaraniwang krisis. Hinahamon ng panahon ang kasalukuyang dispensasyon, ipinapakita ang mga kontradiksyon nito sa ating pangangailangan. Ang mga ngayo’y nabubunyag na lamat sa ating mga binabansagang demokratikong institusyon ang mismong magiging batayan ng itutulak nating pagbabago.
Nasa posisyon tayo ng pagsulong: Ibinubungkos ang mga basura ng kasaysayan upang magsilbing paalala at babala. Sisimulan ng Kulê ang bago nitong siglo ng peryodismo habang papalapit na ang pagtatapos ng mga termino nina Danilo Concepcion, presidente ng Unibersidad ng Pilipinas, at Rodrigo Duterte, ang pasakit ng bansa. Sa paghatol sa kanilang panunungkulan sasalubungin ng pahayagan ang susunod na yugto ng kasaysayan.
Dalawang taon na mula nang huling nakapag-imprenta ang Kulê. Bagaman hindi pa rin pisikal ang operasyon ng pahayagan, patuloy itong nag-uulat at nakikisangkot sa mga isyu sa loob ng pamantasan. Hindi tumitigil ang publikasyon sa pagmamatyag at pagpapanagot sa paglimot, kung di man pagtalikod, ni Concepcion sa pangako niyang “dangal at husay nang may pang-unawa” noong simula ng kanyang termino.
Nakatala sa publikasyon ang serye ng atake ng mismong pamantasan sa mga sektor nito. Sa kanyang termino, tila ibinabandera pa ni Concepcion ang kapangyarihan niyang magpalayas ng mga pesante’t residente sa Pook Aguinaldo, Arboretum, Pook Malinis at iba pa, upang pagtayuan ang lupain ng mga establisimyentong ni hindi sigurado kung mapakikinabanagan ng mga estudyante.
Maaari pa sanang maisalba ni Concepcion ngayong pandemya ang pinanghawakan niya noong plataporma ng pang-unawa. Bagkus nagpakulong ang kanyang administrasyon sa burukrasya, at tumangging pakinggan ang mungkahing mga solusyon ng mga sektor sa kampus.
Dahil, kung di man abala si Concepcion sa paglalabas ng mga baog na memorandum, sa tuwina’y ikinukubli ng mga press release hinggil sa world ranking, journal publication, at mga tropeyo ng UP ang pagwawalang-bahala ng kanyang opisina sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, kawani, at kaguruan. Anupa’t wala ring kabuluhan ang anumang ranggo o prestihiyong pinagmamayabang ng pamantasan kung, sa gitna ng krisis, walang ambag ang pamunuan nito sa pakikibaka ng nakararami.
Mismong ilang opisyal pa nga ni Concepcion ang nangunguna sa pagpapakalat ng maling impormasyon at palyadong pagtatasa sa sitwasyon. Dala-dala ang pangalan ng UP—ang sana’y bastyon ng kritikal na diskurso sa bansa—pinili ni Concepcion na magbitiw na lamang ng mga magagarbong salita at grandyosong panata. Tanging mga estudyante, kasama ang publikasyong ito, ang nananatiling tapat sa mandato ng pamantasan at panawagan ng taumbayan.
Sa pagiging kimi ng Quezon Hall, lalong itatambol ng pahayagan ang mga kahingian ng malawak na hanay ng mamamayan: ang hindi natin pagpirmi sa barya-baryang kaginhawaan, at ang pagtanggi nating magpatuloy pa ang kasulukuyang kalagayan ng lipunan.
Ngayong sukdulan ang pambubusabos sa atin mula sa loob ng pamantasan hanggang sa mas malaking mundo sa labas, hindi sapat ang pagiging kritiko lang. Isinadlak tayo ng pamahalaan sa kahirapan dahil sa pambihira nitong kapalpakan at kapabayaan, kaya bukod sa paniningil kay Duterte, makikipagtuos tayo sa mga iiwan niyang latak sa bansa.
Sa pagharap sa tinatawag na “Duterte legacy,” susi ang midya, lalo ang mga alternatibo’t nakapagsasarili, sa pagsisiwalat at pagpapasinungaling sa ipinagmamalaki niyang mga tagumpay. Hinahamon nila at tinatangkang buwagin ang ilusyon tungkol sa rehimen, kaya naman madaling target ng administrasyon ang mga pahayagan gaya ng Kulê, at mabilis na inaakusahang prente ng mga komunista.
Pilit na ginuguho ni Duterte ang kredibilidad ng mga peryodista sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kasinungalingang tumatabon sa makatwirang talakayan. Ayon naman sa kagustuhan ng rehimen ang resulta: mamamayang lunod at lito sa impormasyon—tunay man o hindi—at madaling malinlang.
Walang paumanhing pag-uulat ang tugon ng Kulê sa ganitong mga taktika ng estado. Makikipagtuos ang pahayagan sa marahas at mapanghating pulitikang pinairal at iiwan ni Duterte. Ang ambag ng institusyong ito sa pagpapanagot kay Duterte at sa kanyang mga kaalyado ay pagmulat sa mga mambabasa, pagtatakda ng tono at klimang mapaningil sa mga nagkasala sa atin.
Sasariwain ng aming mga artikulo ang danas ng mga naging biktima ng rehimen—mula sa brutal nitong giyera kontra-droga, pagtugis sa mga binababansagang kaaway ng estado, hanggang sa mga naulila ngayong panahon ng pandemya. Walang paligoy-ligoy, papangalanan ng publikasyong ito ang mga kasapakat ni Duterte: silang mga mamamatay-tao, magnanakaw, pasakit sa mga Pilipino. Hindi itatago ng patnugutang ito ang panghahawakan nitong linya—ang walang patumanggang pagkiling sa interes ng masa.
Tangan ang linyang masa, gagaod ang Kulê sa bagong direksyon: sa paghahatid ng mas mabagal, ngunit mas malalim at matalas na pamamahayag. Taliwas ito sa kasalukuyang gana ng midya sa bansa, kung saan pinapaboran ang mabilis at nakaliligalig na pagprodyus at pagkonsumo ng balita.
Ang pagpihit sa ganitong kumpas ay tulak din ng internal na kondisyon ng publikasyon. Walang patawad ang epekto ng pandemya at iba pang krisis sa aming institusyon—nahirapang konsolidahin ang numipis na bilang ng aming kasapi dahil sa limitasyong itinatakda ng aming mga disposisyon.
Gayunman, hindi nagpapatianod ang Kulê sa anumang kahinaang internal nito—mas matimbang ang pangangailangang magpatuloy sa paglalathala. Patuloy naming pauunlarin ang aming mga platapormang digital, kasabay ng pagsuong sa bagong tereno ng buwanang news magazine—naglalaman ng mas maraming pahinang hitik sa ulat at komentaryo kaysa sa nakasanayang tabloid.
Ang limitasyon naming sumabay sa bilis ng balita ay isa ring oportunidad upang makapag-alok ng bagong karanasan. Ang pagbabasa ng bawat artikulo ng Kulê ay pagkakataong maglimi, mag-usisa, partikular na matukoy sino o ano’ng dapat bakahin.
Sapagkat madalas ang mga atake, hindi pa man humuhupa ang ating galit ay mayroon na namang institusyong puspusang tinitibag, komunidad na winawasak, buhay na kinikitil. Ngunit matagal at mahaba ang pakikipagbuno para sa pagbabagong gusto natin. May pangangailangan sa pagsusuring naglalapat ng bawat isyu sa pangmatagalan nitong implikasyon, sa relasyon nito sa mas malaking iskema ng mga bagay. Ito ang ipamamalas ng bagong Kulê.
Walang takot naming uusigin ang mga isinuka na ng taumbayan na muling nagbabantang manungkulan. Paninindigan ng pahayagan ang malaon na nitong inihahaing dyagnosis: Bulok ang pulitika sa bansa, at ang tanging rekurso ay pagpapalit ng bagong bubuo nito.
Nananatiling makabuluhan ang Kulê sa loob ng isandaang taon dahil sa pagkilala at pagkilos nito ayon sa mga konkretong kalagayan. Nagbabago man ang mga nakaupo sa pwesto, patuloy tayong naghihirap, inaapi, at inaabuso. Hindi nakasaalang-alang ang ating pag-unlad sa anumang kasalukuyang uri ng demokrasyang nagpapahintulot ng ating paghihikahos.
Subalit kinikilala pa rin ng Kulê ang pansamantalang ginhawang maaaring ihandog ng mga susunod nating ihahalal. Kaya ikakampanya ng pahayagan ang kahingian ng masa—lupa para sa magsasaka, nakabubuhay na trabaho para sa manggagawa, tulong sa maralita, at sariling pagpapasya para sa mga minorya. Susuportahan ng publikasyon ang mga tumatakbong subok na ang dedikasyong dalhin at tuparin ang mga panawagang ito, bagaman marapat na batid nilang ang pagsuporta ay di nangangahulugang ligtas sila sa pamumuna.
Walang hatid na katiyakan ang mga susunod na buwan. Wala ring katiyakang magagampanan ng Kulê ang bawat takdang gawain nito. Ngunit tanging sa paglabas sa nakasanayan masisiguro ng patnugutang ito na di mapag-iiwanan ng panahon ang pahayagan. Handa kaming tuklasin ang iba pang porma ng pamamahayag o paraan ng paggawa. Mahirap mang takdaan ang tatahaking landas ng Kulê sa susunod na siglo, makakaasa ang anumang pamunuan, sa loob at labas ng pamantasan, na ubos-lakas kaming magmamatyag, magsusuri, magpapanagot, kikilos.
Pagkat anumang wangis o porma ng Kulê ang datnan ng mambabasa sa mga entrada ng gusali, lansangan, o sa kanilang pintuan, makakaasa silang mananatili ang pahayagang mula at para sa kanila. ●