Ni MARIE GERONE BA-ANG
UP shirt, lanyard at maroon jacket. Buong katawan na yata ni Trina’y tatak-UP. Unang pagkakataon kasi niyang makapanood ng UAAP cheerdance competition. Sabik na siya nung gabi pa lang bago ang patimpalak.
Kaya naman nasa Araneta Coliseum na siya alas-siyete pa lang ng umaga para makakuha ng tiket. Maaga siyang dumating para mauna, ngunit metro-metro na pala ang haba ng pilang kanyang nadatnan.
Doon pa lang, madali nang malaman kung saang unibersidad nagmumula ang isang manonood. Ang mga estudyante mula sa mga pamantasang matatagpuan sa Taft at Katipunan ay madalas nakapila sa lower box at patron seats ng Coliseum. Habang ang karamihan nama’y naggigitgitan sa general admissions kung saan nakasisigurong mura ang tiket. Meron din naman mga nakapila sa mga scalper—yung mga naubusan na ng pasensya sa paghihintay.
Ramdam na ang tensyon sa paligid kahit sa pila pa lang para sa mga tiket. Kumpul-kumpol ang mga magkakapareha ang kulay ng damit. May mga nagpaparinig at nagyayabangan. “Walang duda pare, mababawi natin ang atin naman talaga,” nasagap ng kaliwang tenga ni Trina. Sa kanan naman narinig niyang sinambit, “naku, di na natin kailangang magmayabang … ipaubaya na natin sa squad ang lahat.”
Halos limang oras ding nakatayo sa pila si Trina bago siya makakuha ng tiket na agad naman niyang binulsa upang makasigurong hindi ito mawawala. Sumenyas na ng gutom ang kanyang tiyan ngunit binalewala niya ito’t tumakbo pa papuntang entrance ng general admission, kung saan maririnig ang nakabibinging hiyawan ng mga dumalo. Ito na yata ang tunog ng tinatawag nilang “school spirit.”
UP and Others
Tensyonado sa loob ng Coliseum na patuloy na dinadagsa ng mga taga-suporta ng iba’t ibang cheering squad. Hindi pa man nagsisimula ang kompetisyon, nagpakitang-gilas na ang mga drummer ng bawat unibersidad na sinabayan naman ng mga sigaw at palakpakan ng mga manonood.
Kung anu-ano rin ang pakulo ng bawat eskwelahan para lang mapakitang sila ang magaling. May mga nagtsi-cheer na sinabayan ng organisadong galaw ng mga kamay at ulo ng mga kalahok. Iwinagayway ang mga banderitas at mga lobong sumisimbolo sa kani-kanilang unibersidad. Nagsilabasan din ang mga tarpaulin na sadyang nangungutya sa ibang pamantasan tulad ng “400 years of existence is nothing compared to 100 years of excellence.”
Di nagtagal ay napuno na ang paligid. Halos magkapalitan na ng mukha ang mga tao sa labis na siksikan, lalo na sa kinatatayuan ni Trina. Tinatayang nasa 23,440 ang bilang ng mga estudyanteng nasa Araneta ayon sa emcee. Ito na raw ang pinakamaraming nanonood sa isang patimpalak sa kasaysayan ng UAAP.
Napaisip tuloy si Trina habang pinapanood ang mga nagtitilian sa paligid. Hinalughog niya ang kanyang alaala upang matandaan kung kailan huling nagbuklod ang lahat ng tulad sa UAAP.
Tila tumahimik ang paligid nang simulang bagtasin ni Trina ang mga kwento’t alaala ng mga taga-UP. Marahil mula sa tagpi-tagping naratibo, higit na mabibigyang saysay at damdamin ang paghiyaw, pagpalakpak, at pag-indak sa saliw ng chant ng ipinagmamalaki niyang Pep Squad.
Let’s Go, UP!
Bumalik sa realidad ang lumilipad nang isip ni Trina at kanyang napagtantong UP Pep Squad na pala ang susunod. Lumunok muna siya bilang paghahanda sa mga gagawin nilang pagsigaw.
Natapos ang commercial break, nag-drum roll, at sumenyas ang cheerleaders. Isa, dalawa, tatlo!
Matatapang, matatalino …
Buong giting na sigaw ni Trina at ng kanyang mga katabi bilang pagpugay sa mga iskolar ng bayan. Naalala niya ang kwento sa kanya ng isa niyang propesor ukol sa tungkulung ginagampanan ng mga taga-UP lalong-lalo na noong Batas Militar. Ayon sa propesor niya, naging mapanuri sila sa lipunan at mula sa mga pagsusuri nila’y bumuo sila ng mga paninindigang tuwirang sumasagupa sa diktadurang Marcos.
Tunay ngang matatapang ang mga Iskolar ng Bayan. Habang hindi na maipagkakaila ang talino’t husay ng mga estudyante ng pamantasang kinikilalang pinakaprestihiyoso sa buong bansa, hindi maminsan ang mga pagkakataong pinili nila ang mga mas masalimuot na landas upang makapagsilbi sa bayan.
Walang takot kahit kanino …
Bawal diumano ang kimi sa UP. Kahit presidente ng bansa, tinutuligsa–bagay na nagdulot na rin ng di-mabilang na pasa, sugat, pilay, luha, pagkawala, at kamatayan. Sa loob ng klasrum, hindi sinasanto ang simbolikong kapangyarihan ng guro basta maipahayag lang ang saloobin.
Sa isip ni Trina, naging manipis na papel ang mga katunggaling cheering squad. Hindi sila dapat katakutan.
Hinding-hindi magpapahuli …
Tumpak na tumpak, sa isip ni Trina. Dahil hindi hinayaan ng mga taga-UP nung araw na iyon na kantyawan lang sila nang basta-basta dahil sa mahinang rekord sa ibang patimpalak ng UAAP. Sa araw na ito, lubos na pinaniniwalaan ni Trina na pag-aari ng UP ang araw at ang coliseum.
Ganito rin kasi ang kaso, ayon sa mga kwentong narinig niya mula sa mga upperclassmen. Hindi mo marinig na nanahimik ang mga taga-UP nang taunang binabawasan ng budget ang pamantasan. Sinusubukan pa nga nilang barikadahan ang Quezon Hall noon para pigilan ang pagpapasa sa tuition increase sa pamantasan. Minsan na rin idineklarang “state of emergency-free” ang kampus ng UP noong idineklara ito ni Pangulong Arroyo. Patuloy din nilang sinisingil ang militar sa pagkawala ng dalawang kapwa Iskolar ng Bayan na si Karen at She.
Ganyan kaming mga taga-UP …
Sa huling linya’y napangiti si Trina. Alam niya ang katuturan ng pagiging Iskolar ng Bayan.
Muling nanumbalik ang ingay sa loob ng Coliseum nang matapos ang routine ng UP Pep Squad at natuldukan ang rekoleksyon ni Trina. Nakatindig pa rin ang kanyang balahibo. Tila pagka-high sa sinasabing school spirit ang nadarama niya.
At sa sandaling iyon, hindi na kailangang hintayin pa ang desisyon ng mga hurado. Panalo na ang UP. Dahil ang totoong diwa ng Iskolar ng Bayan ay hindi naipahayag sa araw na iyon–sa isang maingay at masikip na coliseum. Tahimik ito sa mga talaan ng kasaysayan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-11 ng Setyembre 2008. Nasungkit ng UP Pep Squad ang kampeonato ng UAAP Season 71 Cheerdance Competition, apat na araw bago unang nailathala ang artikulong ito.