(UPDATED as of 3 p.m., June 10) Marahas na dinakip at iligal na inaresto ang 92 na magsasaka at volunteer mula sa iba’t ibang peasant advocate organization habang nagsasagawa ng Bungkalan sa Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac, Hunyo 9.
Sapilitang binuwag ng hindi bababa sa 20 armadong pulis at sundalo ang Bungkalan na inorganisa ng Malayang Kilusang Magsasaka (MAKISAMA) ng Tinang, unyon ng manggagawang bukid sa Tinang na nagsusulong ng ganap na reporma sa lupa.
Bago ang pang-aaresto, tumungo sa sakahan ang bagong halal na alkalde ng Concepcion na si Rep. Noel Villanueva kasama ang kapulisan at binantaang ipapa-aresto nito ang lider-magsasaka ng MAKISAMA-Tinang dahil sa isinasagawang Bungkalan. Nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at mga magsasaka subalit hindi naresolba ang gusot at umalis na lamang ang mga lokal na kinatawan ng DAR.
Agarang kinaladkad ng mga pulis ang magsasaka at organisador matapos ang nasabing dayalogo. Ang mga nahuli ay pwersahang isinakay sa police mobile at dinala sa Concepcion Municipal Police Station (CMPS). Tinatayang tatlo ang inarestong magsasaka ng Tinang, 78 na organisador, at 20 na pawang mga menor de edad, ayon sa pahayag ng Bayan Muna.
Limang mamamahayag mula sa The Angelite ng Holy Angel University at The Work ng Tarlac State University ang kabilang sa iligal na inaresto ng mga kapulisan. Dinampot din ang mga lider-estudyante mula sa UP Baguio at Saint Louis University na nasa Bungkalan. Iniulat din ng Sinag na may dalawang estudyante mula sa UP Diliman College of Social Sciences and Philiosophy na kabilang sa mga inaresto.
Walang warrant of arrest ang mga inaresto na nakakulong ngayon sa CMPS. Ayon sa kapulisan, obstruction of justice o paninira umano ng “private property” ang kasong kahaharapin ng mga inaresto.
"Isang araw bago ang anibersaryo ng CARP, pinapakita ulit ng estado na huwad at bigo ang reporma sa lupa sa bansa. Tulong ang kailangang ibigay ng gobyerno sa gitna ng krisis, hindi kulong,” ani Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat sa isang pahayag.
Noong 1995, nasa 200 ektaryang lupang sakahan ng Tinang ang ipinangako ng DAR na maipamahagi sa mga magsasaka ng Hacienda Tinang. Sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), pormal na ginagarantiyahan ng Certificate of Land Ownership ang 236 magsasaka.
Ngunit mula noon, hindi pa rin tuluyang ipanapamahagi ang lupaing dapat makuha ng bawat benepisyaryo. Kaya tumungo ang mga magsasaka sa DAR noong Hunyo 7 upang magprotesta at patuloy na igiit ang kanilang lupa.
Kasalukuyang walang malinaw na detalye sa lokasyon at kalagayan ng 30 kataong naiwan sa sakahan na guwardyado ng mga armadong pulis. Kinumpiska ang mga cellphone at iba pang gamit ng mga inaresto. Ayon sa kapulisan, bukas pa pormal na sasampahan ng kaso ang mga inaresto. Pansamantalang mananatili sa istasyon ang higit 100 na inaresto kasama ang kanilang mga legal consultant.
Walang basehan ang pag-aresto sa mga magsasaka at aktibista gayong layon laman nila ang tuluyang pagpapamahagi ng lupa ng mga magsasaka, ayon sa pahayag ng Amihan National Federation of Peasant Women.
“This exposes CARP as instrumental to landlords while the majority of our farmers remain landless, poor, and hungry. Moreover, we call for the immediate release of the farmers and their supporters who were baselessly arrested as well, and hold Noel Villanueva and the police accountable.” ani Cathy, Estavillo secretary-general ng AMIHAN. ●
Kasalukuyang kumakalap ang RUWA ng tulong para sa inarestong magsasaka at organisador. Sa mga may kakayahan at interesado tumulong maaaring tumungo sa FB post na ito.