By JOHN RECZON CALAY
Ipinapakita ng Bungkalan o kolektibong gawaing pansaka ng mga manggagawang-bukid, ang paninindigan nila sa kanilang karapatan sa lupa sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay.
Marahil ay nakakain ka na ng kanin sa pagbasa mo ng isyung ito ng Kulê.
Naalala ko: Halos isang taon na rin pala nang unang beses kong mapuntahan ang Hacienda Luisita sa Tarlac. Kung tutuusin, mapalad ako dahil kahit papaano’y iba ang sitwasyon ngayon kaysa noong bumisita ako, batay sa mga naririnig kong mga kwento rito sa opisina ng Kulê.
Ika-1 ng Oktubre 2016, nang personal na pinuntahan ni dating Kalihim Rafael “Ka Paeng” Marianong Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR) ang mga manggagawang-bukid ng Luisita upang konsultahin sa binubuong mga plataporma ng pamahalaan, kung saan pinaplano ang libreng pamamahagi sa mga magsasaka ng lupang kanilang sinasaka.
Ipinapakita ng “bungkalan,” o kolektibong gawaing pansaka ng mga manggagawang-bukid, ang paninindigan nila sa kanilang karapatan sa lupa sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay. Kaysa nakatiwangwang at tubuan ng damo, ginagamás nila ito’t tinatamnan ng mga binhi upang mapakinabangan ng mas marami.
Sa ika-29 taong anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ko unang nasaksihan sa personal ang bungkalan ng mga magsasaka ng Luisita. Ang lupang pinili nilang bungkalin at tamnan ng mga binhi ay nadaanan ko noong Oktubre 2016. Ito’y isang lupang malapit sa tarangkahan ng mga sundalong nakabantay sa malawak na lupain. Ipinapakita nito ang determinasyon ng mga magsasaka na angkinin ang kanilang lupang tinatamnan na pagmamay-ari naman talaga nila.
Napaglimi kong ang paglalathala nila ng batayang aklat ukol sa mga pamamaraang agrikultural at kasaysayan ng kanilang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo— Bungkalan: Manwal sa Organikong Pagsasaka. Patotoo ito ng kayamanan ng kanilang mga karanasan at karunungan sa pangkabuhayang gawain sa kanayunan. Ginamit pa nga itong halimbawa ng isang batayang aklat na pang-agham sa aking agham-peryodismong kurso.
Ikinalulungkot at ikinapopoot natin ang hindi pagsang-ayon ng Commission on (dis)Appointments sa pansamantalang paghirang kay Ka Paeng bilang kalihim ng Kagawaran ng Repormang Agraryo, batay sa mga lihís na mga kadahilanang magpapanatili sa mga mayayamang korporasyon na magpatuloy sa pang-aabuso sa lupain ng mga magsasaka.
Sa kabila ng mga ambag nilang mga manggagawang-bukid at lingkod- bayan sa mamamayan, hindi naman tanga ang mga Pilipino para magbulag-bulagan sa pagpapaikot na ginagawang komisyong yaon na pumapabor pa rin sa interes ng mga gahaman sa kapangyarihan. Hinahayaan nilang madagdagan ang mga nabuong galit buhat sa hindi makatarungang mga hakbangin ng administrasyong ito, na kung saan lugi ang mahihirap.
Ang dami rin palang nangyari sa loob ng isang taon: Pinangakuan tayong lahat ng pagbabago ngunit ngayo’y muling nangingibabaw ang pang-aapi sa mga manggagawang-bukid at mga sektor ng lipunan. Nananatili pa rin sa atin ang hamon, ang pagkilos, ang pagpapanatili ng bungkalan.
Hindi lang sa pagbili ng kanin at iba pang produktong agrikultural tayo makatutulong sa ating mga kababayang manggagawang-bukid. Hindi na lang ang kanilang mga ani ang sa ati’y dumarating dito sa kalunsuran, bagkussilang nagtanim na rin. Makiisa tayo sa kanilang pakikibaka—Pambansang Lakbayan ng mga Magsasaka na isinasagawa sa ngayon, pati na ang mga lokal na bungkalan—para sa tunay na reporma at karapatan sa lupa. Kinakailangan ito upang tuluyang mabuwag ang isang mapaniil na sistemang nagpapahirap sa kanila.
Marahil ay kakain ka rin ng kanin mamaya pagkatapos mong basahin ito. Damihan mo ang kain, at samahan sila sa mga pagkilos sa mga darating na araw. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-26 ng Oktubre 2017, gamit ang pamagat na “K(ani)n”