Sa mga espasyong pampubliko, mahalaga umano ang pagpapanatili ng kaayusan. Kaya sa tuwing magigitla ang karaniwang araw sa pagdagsa ng mga tao sa lansangan, isa itong pagkasira sa inaakalang kaayusan. Kaya para sa ilan, ang mga taong may bitbit na placard, sigaw na hinugot nila sa mga dibdib, at mga kamaong nakataas, ay mga panggulo o ingay lamang kung ituring.
Nitong halalan, galit at dismaya ang namayani sa marami. Bilang pagtutol sa naging magulong botohan, naganap na pandarahas, at daan-daang hindi nakaboto, tumungo ang mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa sa lansangan upang magprotesta. Sa Liwasang Bonifacio, nagtayo ng kampuhan ang masang anakpawis. Hindi na lang pagtutol sa naganap na eleksyon, itinayo ang kampuhan bilang pagtanggi na muling mapasailalim sa kamay ng mga Marcos at Duterte ang bansa.
Walang nang mapapala sa mga ito, anang iilang tinanggap na ang resulta ng eleksyon. Pero sa kanilang hindi kaya manatiling tahimik o mapagkaila sa ligalig na nangyayari sa kanyang lipunan, malawak at buhay ang lansangan bilang lugar ng pagkilos. Isang imbitasyon ang Kampuhan para sa nagnanais matuto at lumaban kasama ng masa.
Politika ng Kampuhan
Sa kasaysayan ng mga naganap na Kampuhan sa bansa, iisa ang katangian nito: pagpapakita ng mamamayan sa kanilang pwersa upang igiit ang kanilang kahingian mula sa mga institusyong ipinagkakait ang mga ito. Ipinakita ito ng mga estudyante at tsuper noong Diliman Commune upang tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at paglala ng krisis pang-ekonimiya noong rehimeng Marcos.
Bilang paggiit na sa isang demokratikong bansa, dapat publiko ang namamayani, ginaganap ang kampuhan sa mga pampublikong espasyo sa bansa. Ito ang iginiit ng mga nagkampuhan noong 2011 sa Mendiola bilang pagtutol nila sa kabi-kabilang budget cuts noong administrasyong Aquino.
Sentro din ang mga Kampuhan upang matuto at makipagpalitan ng kaalamang kultural at pulitikal. Nakita ito noong nagkampuhan ang mga Lumad noong 2015 upang labanan ang pagpapalayas sa kanila ng militar sa kanilang lupang ninuno.
Nakapagbunga na ng tagumpay para sa masa ang mga Kampuhan. Noong 2017, napigilan ng mga tao sa isla ng Manicani ang pagmimina ng Hinatuan Mining Corp. nang magkampuhan ang mga residente sa labas ng opisina ng DENR. Umabot sa 30 katao ang kampuhan na sinuportahan maging ng mga grupo sa simbahan.
Kampuhan Kontra Daya ang naging bansag sa naganap na kampuhan sa Liwasang Bonifacio. Sistemiko ang pandaraya ngayong eleksyon. Mukha nito’y malawakang pagkalat ng disimpormasyon at pekeng balita, panre-redtag sa mga progresibong partido at kandidato, at higit sa lahat, ang malayang pagtakbo ng mga pulitikong nahatulan na ng iba’t ibang krimen.
Naging kagyat ang pagdedesisyon ng mga grupo sa pagtayo ng kampuhan—isang pangangailangan sa panahon kung saan kritikal ang pagkilos. Sa tatlong araw na kampuhan sa Liwasang Bonifacio, naging mahalaga ang damayan para sa isa’t isa upang maitayo at maitaguyod ang Kampuhan.
Sa bawat araw ng pag-oorganisa sa Kampuhan, ang kapakanan ng buong kolektibo ang pinakamahalaga. Ibig sabihin nito’y paninigurong may pahinga ang bawat lahat, may sapat na pagkain at inumin para sa mga darating na araw, ligtas at maayos ang paggawa ng mga aktibidad, at anumang pangangailangan ay nabibigyang solusyon.
Kultura ng Kampuhan
Malaya ang kahit na sino’ng sumama sa kampuhan. Libre ang pagkain na mismong komunidad ang naghahanda. Kasabay ng mga on the ground educational discussion na pinangungunahan ng mga kabataan, online din itong isinasagawa. At liban sa pagbabalita ng alternatibong midya sa internet, ipinamahagi rin nila sa kampuhan ang kanilang mga ulat tungkol sa kinakaharap ng lipunan na di mamamataan sa malalaking midya.
Mga kababaihan ang nanguna sa mga aktibidad para sa mga kabataan. Naglunsad sila ng mga storytelling, crochet workshop, at chalk art. Hindi kumbensyunal, pero sa mga aktibidad na ito, natututo at namumulat ang mga kabataan, miski matatanda, sa tunay na kalagayan nila bilang mga Pilipino sa lipunang kanilang ginagalawan.
Sa ikalawang gabi sa Liwasang Bonifacio, bago tumugtog ang iba’t ibang musikero bilang pakikiisa sa kampuhan, taimtim na pinagpugayan si Joseph Canlas, isang lider-pesanteng ipinaglaban ang karapatan ng mga pesanteng magsasaka. Matunaw at matanggal man sa semento ang mga kandilang nakatirik, mahirap nang burahin ang karanasan ito ng mga taong–kahit sa maikling oras–lumubog at nakipamuhay sa masa.
Para kay Doreen Massey, isang cultural geographer, mahalaga ang “thrown-togetherness” sa paggamit ng tao sa isang espasyo, partikular na sa usaping pulitikal. Aniya, malaki ang potensyal ng mga pampublikong espasyo upang maging lunsaran ng diskurso at dayalogo sa mga karanasan at hangarin ng bawat isa.
Kaugnay nito ang konsepto ng sociality of space ni Jane Jacobs, isang aktibista sa Estados Unidos. Kapag malay tayo sa mga pangyayari sa paligid, mas lalalim ang ating pag-unawa sa ginagalawang nating lipunan; kasunod nito ang aktibong partisipasyon sa pag-usad ng pagbabago at rekognisyon sa kakayahan ng mamamayan bilang isang pwersa.
Sa pananatili ng mga kampuhan sa mga pampublikong espasyo bilang pagtindig at imbitasyon sa publiko upang makilahok, iginigiit nito ang pag-iral ng iba’t ibang buhay ng Pilipino—ang realidad ng kahirapan at pangangailangan ng pagbabago mula rito. Ito ang nais ipaintindi ng mga kampuhan sa ordinaryong mamamayan: May kakayahan tayo upang wakasan ang inhustisyang nararansan natin.
Hangarin ng Kampuhan
Ang tuluyang pagkagamot ng iba’t ibang sakit sa lipunan ay responsibilidad ng bawat isa—nasa bawat indibidwal ang pagpapasya, bagay na hindi madidiktahan ng kahit sino, ngunit may kakayahan at ginagampanang papel silang higit na mulat upang ipaintindi at ipaunawa ito sa kapwa.
Sa mga darating na buwan, tiyak na dadami ang demonstrasyon at kilos-protesta laban sa napipintong bagong administrasyon. Higit ding iigting ang pananakot at intimidasyon sa mga tao upang huwag sumali sa mga pagkilos. Ngunit kasama ng mga kakamping medic at paralegal, pinaiigting ang seguridad ng bawat lahat sa pagkilos bilang isang kolektibo.
Karapatan ng bawat isa ang magpahayag ng kanilang pagtutol sa lalo nating paghihirap; maging di organisadong mamamayan na nakapaligid sa kampuhan ay kinilala ito. Nang humarap sa panganib ng pagpapaalis ang Kampuhan at paniniktik ng mga awtoridad, nakiisa ang mga naninirahan at manininda sa paniniguro ng kapayapaan sa kampuhan.
Sa loob ng tatlong araw na Kampuhan, nagkaroon ng pagkakaisang tanging makakamit lamang sa pakikiisa sa pagbuo ng komunidad na may malasakit para sa isa’t isa.
Nananatiling hamon ang limitasyon sa rekurso upang makadalo at makapagdaos ng programa’t protesta. Marapat din na kilalanin ang di pagkakapantay-pantay ng antas ng kamalayan ng mga tao sa pulitika at lipunan. Mula rito, mahalagang magkaroon ng pang-uunawa sa bawat isa at pamamalakad bilang isang kolektibo at kung paano maagapan ang ganitong hadlangin.
Ang nais ngayon ay ang lalong pagtibay ng hanay sa bawat pagkilos. Makakamit lang siguro ito, kung tulad sa naganap na kampuhan, sama-sama tayong magkikita sa gitna at matututo mula sa isa’t isa. Mananatiling bukas ang mga Kampuhan. Dahil sa huli, pwersa nating mamamayan ang makapagbibigay tagumpay sa’ting mga hangarin para sa bayan. ●