Kwestyonable para sa halos 140 UP security guards na natanggal sa trabaho kung paano nakalusot sa mahabang pagsisiyat ng administrasyon ng pamantasan ang Femjeg security agency. Maliban sa mababang sahod, nakararanas din ng panggigipit at pagmamaltrato ang mga guwardya sa ilalim ng Femjeg.
Nitong Hunyo 1, karamihan sa dating gwardya ng Grand Meritus Security ang hindi na muling kinuha sa trabaho ng Femjeg, ang bagong security contractor sa UP Diliman. Sa kasalukuyan, sunod-sunod ang pagkilos ng mga gwardya sa Quezon Hall upang igiit na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng UP at ng mga opisyales ng Femjeg.
Sa panayam ng Collegian sa mga gwardya sa UP, alamin kung ano ang kanilang mga naging karanasan at pangamba sa ilalim ng di-makatarungang pamamalakad ng ahensya.
Panggigipit sa Paggiit ng Karapatan
Sa tinagal-tagal nang nagtatrabaho ni Blessy*, isang dating gwardyang 16 taong nanilbihan sa UP, ang Femjeg na umano ang masasabi niyang pinakamasahol na ahensyang kanyang naabutan. Aniya, ang pagiging malay niya sa usaping manggagawa ang naging dahilan ng kanyang pagkakatanggal sa trabaho.
“Kapag nalaman nilang may alam kami sa labor issues at mga benepisyo na dapat tinatamasa naming mga guard, hindi nila kami tatanggapin,” ani Blessy. “Kung ayaw nila sa mga taong labor-oriented, ibig sabihin may gagawin silang masama sa mga guard, di ba?”
Napag-alamang natanggal sa terms of reference ng UP ang probisyong kailangang i-absorb ng bagong ahensya ang 80 porsyento ng kasalukuyang bilang ng mga guard. Dahil hindi nakasaad sa kontrata, walang obligasyon ng Femjeg na i-absorb ang UP guards mula sa dating ahensya.
Kaunti lang sa dating bilang ng UP guards ang na-absorb nitong Hunyo. Ilan sa kanila ay kinilala lamang bilang on-the-job trainees o reliever. Nakararanas din umano ng panggigipiit ang mga UP guards na tinanggap ng Femjeg.
“Palamura yung mga officer ng Femjeg. Pinaalis din nila yung mga nagste-stay-in na UP guards sa campus. Pinepersonal nila yung ilan sa’min at basta-bastang pinapapirma ng termination letter,” ani Blessy.
Kinakailangan munang makatanggap ng tatlong warning ang isang UP guard bago sila matanggal. Sa naging karanasan ng ibang UP guards, mahuli lang na umiidlip ay tinatanggal na agad sa pwesto. May mga gwardya ring kinasuhan dahil umano sa pag-AWOL bagaman aprubado ang kanilang leave.
Kabilang na sa komunidad ng UP ang mga gwardya. Marami sa kanila ang dito na nakatira at nagkapamilya. Kaya para kay Blessy, masakit na sa taon-taong pagpapalit ng ahensiya, taon-taon ding nanganganib ang kanilang mga trabaho.
“Security guard kami, pero walang pumoprotekta sa hanapbuhay namin. Katulad ng ibinibigay naming respeto sa trabaho, seguridad sa pamantasan, mga estudyante at guro ng UP, sana igawad din ng UP yung hiling namin na maibalik na kami sa trabaho,” ani Blessy.
Laging Nahuhuli’t Kakarampot na Sahod
Matagal nang nakatatanggap ng reklamo ang Femjeg hinggil sa kanilang mababa at malaking kaltas sa sahod. Hindi aakalain ni Rey*, tatlong taon nang guard sa UP, na ito rin ang mararanasan niya sa ilalim ng ahensya.
Wala sa primaryang listahan ng mga natanggap na UP guards si Rey, kung kaya, pumapasok lamang siya tuwing kulang ng tao. Sa kasalukuyan, isang “on-call” guard si Rey at walang permanenteng oras ng duty.
Malayo ang dating P930 na sahod kada duty sa gabi sa P750 na natatanggap nila Rey na arawang sahod ngayon. Hindi rin makatatanggap ng benepisyo at double pay tuwing holiday ang mga gwardya, ayon sa pinirmahan nilang kontrata.
“Wala silang kakayahan magpasahod. Pinapabali lang kami ng sanlibo ng Femjeg para mairaos namin yung araw-araw dito sa UP. Yung pagbali namin, parang umuutang kami kesa sumasahod,” ayon kay Rey.
Katiting na sahod na lamang ang kanyang naiuuwi dahil sa kung anu-anong kaltas sa sahod. Ikinakaltas sa mga sahod ng gwardya ang pagkuha nila ng sertipikasyon at pagsasanay, tulad ng radio training at firing training.
“Ngayong buwan, halos P300 lang ang sinahod ko. Alam na nga nilang katiting lang yung sasahurin namin, kakaltasan pa nila, anong mararating ng halos P300 na sweldo?” Aniya, maging mga gwardya na dala ng Femjeg ay nagrereklamo na rin sa mababa at delayed na pasahod.
Batid ni Rey na kahit anong pagtitipid at pangungutang ay hindi sasapat ang kanilang kinikita upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Umaasa si Rey na sa kanilang patuloy na pagtitipon sa Quezon Hall, makita ng UP na handa nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan laban sa pamamalakad ng Femjeg.
Pangamba sa Kawalan ng Aksyon
Lampas isang dekada nang gwardya si Hansel* sa UP. Marami sa mga estudyante ng UP ang napalapit na sa kanya, dala rin ng pangungulila sa sariling anak na nag-aaral. Kaya naman, panata ni Hansel na kanyang pagbubutihin sa trabaho.
“Lagi kong inaayos ang trabaho kasi kapag maayos ang trabaho mo, dapat maayos ang balik sayo diba? Ang sakit nitong biglaang pagtanggal sa’min dahil lahat kami may pamilyang itinataguyod,” ani Hansel.
Sa taon-taong pagpapalit ng security agency, naging gawi ng bagong agency na i-absorb ang mga gwardya ng nakaraang agency. Liban dito, kilala at gamay na rin ng mga dating gwardya ang mga opisina at gusali ng UP. Higit na magpapadali sa mga operasyon ng UP kung tuluyang maging regular ang UP guards. Ngunit sa kasalukyan, nasa 111 UP guards pa ang naghihintay na maibalik sa trabaho.
Sa proseso ng bidding, mahalaga ang papel ng chief security officer (CSO), na ginampanan ni John Barona, upang siyasatin kung maanomalya at may paglabag sa labor code ang isang bidder. Nitong huling linggo ng Hunyo, sa di-tiyak na dahilan, tuluyan nang inalis bilang CSO si Barona. Pansamantalang sinuspinde rin ang pormal na paggawad ng kontrata sa Femjeg dahil sa mga reklamo.
Sa naging pagpupulong kasama ang mga unyon, ibang opisyal ng pamantasan, hiniling ni Chancellor Fidel Nemenzo kay Field Commander Clark Fajardo na agarang maibalik ang mga natanggal na kawani sa UP. Ngunit pagkaraan ng isang linggo mula ng pagpupulong, hindi pa rin nakababalik sa trabaho ang UP guards.
“Andito lang kami sa Quezon Hall, kahit mahirap para sa’min na ipagpatuloy ang pagtitipon dito, andito kami para ipakitang ilalaban naming maibalik kami. Nagpapasalamat kami sa mga sumusuporta sa’min, bilang mga ate at kuya ninyo, patuloy sana tayong lumaban nang sama-sama,” ani Hansel.●
*Hindi tunay na pangalan
Kasalukuyang humihingi ng tulong ang UP guards upang maipagpatuloy ang kanilang pagtitipon sa Quezon Hall. Maaaring makatulong sa papamagitan ng pag-donate at/o pag-share sa post na ito.
May ulat mula kay Polynne Dira.