Sa lipunang nilulunod sa kasinungalingan at maling kasaysayan, may talab ang talino sa paghawan ng landas upang lumaya mula sa mga nanlalansi sa bayan. At ang pagtatapos ng mga iskolar ng bayan ay panimula lamang ng mahabang pakikipagbuno sa baluktot na lipunan.
Lunan ang pamantasan ng malayang daluyan, tagisan, at tunggalian ng mga ideya. Marapat, dahil ito ang mga kundisyong nagpapasibol sa mga iskolar ng bayan na, lisanin man ang unibersidad, magiging panghabang-buhay na gampanin ang pangunguwestiyon sa umiiral na kalagayan ng mga bagay. At naunawaan natin—sa klase, sa mga nakakasalamuha’t napapakinggang kwento—ang umiiral na di pagkakapantay-pantay ng kapangyarihan at ang resulta nitong pagpapahirap sa kalakhan ng taumbayan. Di nagbigay ng preskripsyon ang mga guro sa kung ano ang mga wastong ideya, bagkus, itinuro paano kilatisin ang mga isyu’t palagay.
Ito ang ibinigay ng unibersidad sa ilang taong pamamalagi natin dito: ang kakayahan nating bumuo ng sariling pagtatasa ayon sa kasalakuyang kondisyon, at kumilos nang lapat sa ating pangangailangan. Ito nga ang nagpahintulot sa marami sa ating magsilbi sa mamamayan sa iba’t ibang larangan—mula sa paglikha ng lunas sa sakit, pagdisenyo ng mga makinaryang magpapadali sa paggawa, pagtuturo sa mga walang akses sa pag-aaral, at paglahok sa pagkilos ng taumbayan.
Kaya naman sa panahong ang paraan ng mga maykapangyarihan ay paninindak, kung saan ang pundasyon ng rehimen ay kasinungalingan, subersibo ang pagiging maalam, kaaway ang mga iskolar ng bayan. Takot na mauga ang kasalukuyang sistemang iniingatan at maalisan ng kapangyarihan, nire-red-tag ng pamahalaan ang akademya, pinaparatangang kuta ng mga rebelde. Hindi natapos ang pagpipinta nilang kaaway ang mga iskolar nang bumaba sa pwesto si Rodrigo Duterte. Bagkus, lalo lang tumindi ang panunuligsa sa pagkakataong maupo si Ferdinand Marcos Jr. Anupa’t kumalat ang panawagang ipasara ang Unibersidad ng Pilipinas, o di kaya’y palitan ang pangalan nito sa Bagong Lipunan University.
Pinagmumukha ng nakaraan at kasalukuyang rehimen na ang pagwawalang-bisa nila sa mga institusyon ay paraan ng pagbabalik sa ordinaryong mamamayan ng kapangyarihan; na ang kaalaman ay nililikha at nakokontrol di na lang ng mga elitistang pantas, kundi pati nilang ordinaryong mamamayan. Bunsod na rin ito ng populistang pamumuno ni Duterte—sinamantala ang kawalang-tiwala ng mamamayan sa mga institusyon sa gitna ng tumitinding krisis pang-ekonomiya at panlipunan. Ang pag-upo ng mga kunong dehado, mga pinalayas sa Malacañang ay tila pagbawi ng kapangyarihan ng mga mahihina, paghihiganti sa akademyang sa matagal na panahon ay siniraan sila. At upang sementuhan ang naratibo, naglabas ng alternatibong kwento ang mga Marcos na ngayon naman ay ibinabandera ng kanilang mga taga-suporta, panabla sa mga libro at lekturang inihahapag ng mga pamantasan.
Ngunit di nakakagulat ang kawalan ng tiwala ng ordinaryong mamamayan sa mga institusyon gaya ng mga pamantasan, lalo pagdating sa kakayahan ng mga itong tunay na maglingkod at pagaanin ang buhay ng taumbayan. Mahabang panahong pinatakbo ang mga ahensya ng pamahalaan ng mga edukado, ang iba pa’y produkto mismo ng UP. Ngunit habang pinamumunuan nila ang mga departamento, ang mga palisiyang pinatutupad nila ay lalo lang ding nagpapahirap—malayo sa tunay na kailangan at kahingian ng masa. Ilan sa mga ito ang TRAIN Law, ang pagpaparami ng imported na produkto sa lokal na merkado, ang lalong pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo.
Di nakakagulat kung ang mga estudyanteng minsang bumigkas ng “mula sa masa, tungo sa masa” ay sila ring nagiging pahirap sa mamamayan. Paano’y nananatili ang oryentasyon ng edukasyon sa pagsisilbi sa kasalukuyang lagay ng mga bagay, sa sistemang walang ginawa kundi kumuha sa mga maralita.
Pook ang pamantasan ng malayang tagisan ng mga ideya, iyon ang humuhubog sa kritikalidad ng mga estudyante rito. Ngunit kung ang primarya pa ring rason ng pagkakaroon ng kaalaman ay para pagsilbihan ang interes ng iilan, tuluyan na ngang nawawalan ng bisa ang ating edukasyon.
Ngayong lumalala ang panlipunang krisis, kasabay ng pagpipintang subersibo ang pagkakaroon ng kaalaman, ang pagiging kritikal, lalong nagiging wasto para sa ating makiisa sa laban kontra panggigipit ng estado. Ang pananatili sa toreng garing, ang pananahimik at pagkikimkim habang lantarang pinaniniwala ang mga tao ng maling impormasyon at kasinungalingan ay magbubunsod lamang ng lalong pagkitil sa katotohanan at sa kung anong wasto.
Higit sa pangunguwestiyon sa lagay ng mga bagay, higit sa pagtasa sa mga kondisyon, higit sa pagiging kritiko ng lipunan, ang pinakamahalagang hakbang para sa iskolar ng bayan ay kumilos. Sa ganoong paraan nakuha ng mga tinitingala natin ngayong martir ang kalayaan mula sa madilim na panahon ng diktadura.
Hindi natin inilalapat ang sarili bilang tanging awtoridad ng katotohanan at kawastuhan, tanging solusyon ng problema sa bayan, anupa’t ang nagmamataas na pagtinging ito ang nagtulak sa atin palayo sa taumbayan. Ngayong pinipilit na pagtunggaliin ng pamahalaan ang ordinaryong tao at silang nagmula sa matataas na mga pamantasan, ang pinakamabisa nating opensiba ay ang pilit nating pagbalik, pakikiisa sa kanilang marapat nating paglingkuran.
Lumulubog at nakikisalamuha tayo sa kanila upang maintindihan ang kanilang mga hinaing, at makapag-isip ng paraan paano makakatulong na solusyunan ito gamit ang anumang nakuha natin sa klase. Ibinabalik natin sa kanila ang lahat ng ating natanggap sa pamantasan—ibinabahagi ang proseso ng pag-alam, edukasyong panabla sa maling impormasyon, at kalayaang subukin ang nambabaluktot sa kasaysayan upang depensahan ang sarili sa sinomang yumuyurak sa kanilang karapatan.
Kung tutuusin, hindi lang dapat nakukulong sa pamantasan ang espasyo ng malayang daluyan at tagisan ng ideya. Hindi lang dapat sa mga silid-aralan natututunan ang kritikalidad. Sa isang lipunang hindi tinutugis ng maykapangyarihan ang mga iskolar ng bayan, ang bawat kanto ng bansa ay lunsaran ng pag-aaral.
Ngunit hanggang di pa natin nakakamit ito, instrumental ang bawat estudyanteng magsisipagtapos ngayon sa paghawan ng landas patungo sa lipunang iyon. Sa pagkuha natin ng diploma, nagmamatyag ang sambayanan—paano natin ookupahin ang espasyo sa mas malawak na mundo, anong panig ang kikilingan, sinong pagsisilbihan, at kung makakaya ba nating isangkalan ang buhay para makiisa sa kanila. ●